What Summer Brings

Start from the beginning
                                    

"Huwag mo akong hahawakan, Carla," matalim mong winika sa akin.

"Janine..."

Humakbang ka paabante at tumingin sa mga mata ko. Ang mga katagang sunod mong winika ay nagdulot ng sobrang sakit sa puso ko. Tila itong kutsilyong tumusok sa buong pagkatao ko. "Pinatay mo ang anak ko."

Para akong binagsakan ng langit at lupa. Nanghina ako at nanlambot. Nakita ko ang iyong pag-alis. Kasabay nang pagbuhos ng malakas na ulan ay ang pagdaloy ng luha ko. Napaluhod ako sa damuhan at doon ibinuhos ang sakit na nararamdaman.

Narinig ko ang pagtawag sa akin ng aking anak na si Mark, "Ma." Agad niya akong nilapitan at niyakap.

"Ma, umuwi na tayo."

"Anak, si Jasmine..." paghagulgol ko kay Mark.

"Ma, umuwi na tayo," naririnig ko sa boses ng aking anak ang lungkot.

"Si Jasmine..." Parehas kaming napa-iyak sa ilalim ng ulan. Hindi ko naman ginustong mamatay si Jasmine. Gumawa lang ako ng desisyon, isang mahirap na desisyon. Janine, patawad. Sana pinatay mo na lang din ako.

GINAWA ko ang lahat para mapatawad mo ako. Pinuntahan kita sa bahay ninyo subalit lagi kang wala o, siguro, umiiwas ka lang. Hanggang sa hindi na ako pinapapasok sa loob ng bahay ninyo. Naging skandalosa na ako kakasigaw ng pangalan mo habang nakahawak sa gate niyo. Janine, hindi mo ba ako mapapakinggan?

PARA akong nabaliw noon. Gabi-gabi akong umiinom. Ang sama-sama kong tao. Mamatay tao ako. Ako ang pumatay kay Jasmine. Ako ang dahilan kung bakit nasasaktan ang kaibigan ko. Ako ang dahilan kung bakit malungkot ang anak ko. Kasalanan ko ang lahat. Dapat ako na lang ang namatay. Bakit si Jasmine pa? Bakit ang nag-iisa pang anak ng kaibigan ko? Bakit ang pinakamamahal pa ng anak ko? Bakit hindi na lang ako...

NAALALA ko pa noong nagta-trabaho pa tayo, Janine, pina-plano pa lang natin noon kung ano ang gusto nating pamilya. Ikaw, gustong-gusto mong magka anak. Kasi, namatayan ka kaagad ng ina. Kaya ipinangako mo sa sarili mong magiging mabuti kang ina pagdating ng araw. Subalit, hindi naging madali sa'yo ang lahat. Dahil sampung taon na kayong kasal ni Mike ay wala pa rin kayong anak. Pero, hindi ka nawalan ng pag-asa dahil naniniwala kang magkakaanak ka. At nagkatotoo ang mga dasal mo, nagkaroon ka ng anak, si Jasmine. Hinding-hindi ko makakalimutan ang saya sa iyong mga mata noong ipinanganak mo si Jasmine. Ginawa mo ang lahat para maging mabuting ina sa kanya at nagtagumpay ka naman doon. Isa kang magaling na ina Janine, hanga ako sa'yo.

PARANG naging anak ko na rin si Jasmine. Naging malapit siya sa puso ko kaya nga parang nanay-nanayan niya na ako. Lalo pa akong naging masaya nang maging sila ni Mark. Ang pamilya nating dalawa ay parang naging isang pamilya. Ganoon tayo Janine. Ganoon tayo ka-saya. Pero ngayon, wala na ang sayang iyon. Dahil sa akin. Dahil pinatay ko ang isang taong pinakamahalaga sa'yo. Ang sama-sama ko.

HANGGANG sa isang araw ay nagkasama tayo sa isang okasyon. Birthday noon ng isa nating kaibigan noong highschool pa lamang tayo. Nagulat ako nang nginitian mo ako, nginitian din kita. Nagkatabi pa tayo sa iisang lamesa. Nakakapagtaka rin na kinakausap mo ako. Gumaan ang pakiramdam ko. Akala ko kasi napatawad mo na ako. Akala ko nakalimutan mo na ang nangyari. Pero, hindi pa pala.

Dahil pagpasok ko noon sa cr ay nakita kitang umiiyak.

"Janine," tawag ko sa'yo. Nang nakita mo ako ay bigla mong pinunasan ang iyong mga luha at lumabas ng banyo.

Hinabol kita noon hanggang sa makarating tayo sa may parking lot. "Janine!" patuloy na tawag ko sa'yo pero hindi mo ako pinapansin.

"Janine, pakinggan mo naman ako," pagsusumamo ko sa'yo.

Sa wakas ay hinarap mo na rin ako. Nasaktan ako ng makita kong pulang-pula ang iyong mga mata. "Hindi ko kaya Carla. Hindi ko na kaya."

Tiningnan kita at hinayaan kang magsalita. "Sinusubukan ko namang patawarin ka, eh. Pinipilit kong kalimutan ang nangyari. Kasi, kaibigan kita, eh. Pero, Carla, hindi ko magawa. Ang hirap. Dahil sa tuwing nakikita kita, naalala ko si Jasmine. Naalala ko 'yung labing-walong taong pinagsamahan naming ng anak ko. Ang sakit dahil bakit labing-dalawang taon lang? Napakasakit dahil bakit ang bilis? Bakit wala man lang warning? Ang sakit Carla. Dahil ang presensya mo'y nakakapagpaalala sa aking, wala na ang anak ko, nang dahil sa'yo..."

The AuditionsWhere stories live. Discover now