Sa kaso ko ngayon, walang problema kung pudpurin ako ni Donna ng kakaputa niya sa nanay ko. Malay ko ba kung sinong nagluwal sakin? Baka nga gano'n siya e. Matapos magpakasaya sa kama, buuhin ako at ilabas sa mundo, sa kalong ng ibang babae pala ako balak palakihin.

"O siya, pasok na ko? Bahala ka na dito. Wala akong pagkain dyan, mamili ka na lang," narinig kong pagpapaalam ni Donna. Di pa rin kasi ako kumikibo.

Naramdaman ko ang paghalik niya sa labi ko bago niya tuluyang gawing payapa ang paligid. Napakatahimik na at mga iniisip ko lang ang tanging naririnig kong nag-iingay. Hindi rin pala maganda ang ginugusto kong laging mag-isa. Kung ano anong naiisip ko. Wala akong katulong himayin ito kundi sarili ko. Walang ibang magsasabi kung tama o mali. Walang kokontra kung maisipan kong pumatay. Walang magliligtas kung gusto ko ng magpakamatay.

Ito na nga bang sinasabi ko e. Nagiging madrama at seryoso ako pagnag-iisa. Nakakatawa kasi! Kahit pa gustuhin kong seryosohin ang buhay ko, lalo pang naging joke. Hindi ako sinungaling na tao pero ang pagkatao ko ay isang kasinungalingan pala.

Isang umagang magiging madrama. Medyo maaga akong nagising kahit na madaling araw na ko nakauwi. Lasing pa nga ako no'n. Sadyang hindi ako pinatulog ng katotohanang nalaman ko. Paglabas ko ng kwarto, nagsisipag-almusal na sila sa kusina. Si Mama, si Papa, si Sarah, ang anak niyang si Tommy, at ang pesteng si Santi. Nakakatawa. Family in one picture na sila, sana bago ako lumabas pinatapos ko muna silang kumain. Kailangan ko tuloy sumingit.

"Saan ka galing Samuel? Inumaga ka na daw ng uwi kanina," matapang ang pagkakatanong ni papa. Normal niya 'yon. Akala mo laging galit. Kaya kung hindi ka sanay, masisira na agad umpisa ng araw mo.

Dumiretso ako sa may lababo para magtimpla ng kape. Inalala ko ang pag-uwi ko ng umaga. Sino kayang nagsumbong? Hinahalo ko na yung kape nang bumungad si Santi sa tabi ko. Speaking of, sino pa ba? Bigla niyang inilapit yung mukha niya sakin sabay layo. Sa lahat ng tao dito, siya talaga yung gago. Pumapangalawa lang ako. Nilagay niya sa lababo yung pinagkainan niya. Akala ko tapos na siya magpapansin.

"Pa, amoy alak si kuya."

Hindi pa pala.

"Uminom ka?" tanong uli ni papa.

Naupo ako sa tabi ni mama bago sumagot. Wala namang kaso kung uminom ako. Ang ayaw nila papa, yung wala akong pasabi.

"Napasarap po e," pero kulang pa. Hindi ko pa makalimutan yung nalaman ko e.

"Di ka man lang nagtext anak. Nakainom ka tapos nagmaneho ka?" Si Mama. Kabaliktaran siya ni Papa kung magsalita. Parang hindi nagagalit sa sobrang kalma.

"Di naman ako naglasing,"

"Kaya pala nagising ako kanina kasi may suka ng suka," ang entrada uli ng maepal.

Hindi ko siya pinansin ni ang tignan. Hindi ako nabubwisit sa kanya. Pareho kaming gago, pero kung may natitirang bait saming dalawa, ako lang ang meron. Ang totoo, maaawa pa ko sa kanya dahil hindi ko maisip kung anong gagawin sa kanya ni papa kapag sinabi ko kung anong narinig at nakita ko pag uwi ko ng madaling araw.

"Anong problema mo?! Hindi ka naman ganyan a. Ano, uuwi ka lang kung anong oras mo gusto?! Ba sabihin mo lang kung gusto mo na lumayas dito, hindi yung ganyang pinag-aalala mo kami ng nanay mo!"

At nagsimula ng lamatan ni papa ang umagang kay ganda. Hinawakan siya ni mama para pakalmahin. Tumayo na si Sarah at dinala ang anak niya. Si Santi, tapos ng kumain pero ang sarap pa rin ng pagkaka-upo. Nagugutom na ko pero hindi ako makaporma ng kain. Yung panenermon ni papa, nagsimula nang idamay pati mga utol ko. Yung 'ikaw' ay naging 'kayo' na.

The AuditionsWhere stories live. Discover now