14

8 2 3
                                    

14

Gusto kong suntukin si Ryom sa atay nito nang tumino naman ng kaunti. Paano ako naging VIP gayong hindi kami magkaano-ano. Ni hindi ko siya kaibigan.

Kung tutuusin sampid lang siya sa amin. Nakikirenta lang ako sa lupa niya. Ano 'to? Gusto lang n'ya mag thank you kaya nasali kami ni Tatay sa VIP.

Feeling close masyado ang lalaking ito.

At eto namang si Tatay akala mo nanalo sa lotto habang tinitingnan ang mga papel na binigay ni Ryom, andoon sa papel ang mga larawan ng gowns na pwede daw naming gamitin bukas. As if!

Panay ang irap ko. Hindi na ako magtataka kung napuyat na itong mga mata ko sa kakairap at gustuhin nalang nilang manatili sa taas kaysa gitna. Dahil kung iirap lang naman din ako bawat segundo, mas mabuti ng andoon na sila sa taas manatili, at ang puti sa mga mata ko nalang ang magpapakita sa madla. Okay lang na isipin ni tatay na nasaniban ako at nang sa akin na ang atensyon nito at hindi sa mga papel na binigay ni Ryom.

"Bakla! Ang ganda nito, anak! Bagay 'to sa'yo!" Dinutdot ni tatay  sa mukha ko ang papel na may larawan ng gown... dress ewan basta mahabang bestida na kulay sky blue.

Manipis ang tela pero hindi naman kita ang balat ng model na nasa picture. Mabaha iyon, nakahalik sa sahig ang dulo ng bestida. May mahabang cut din sa gitna ng dibdib. Pati ang likod ng bestida ay may cut din, kaya kitang-kita ang kordong espinal ng model o sa kahit sinong magsusuot ng bestidang iyon.

Muli akong umirap. Bakit ba ito nagtya-tyaga sa paghahanap ng susuotin para sa akin gayong, wala naman akong plano pumunta bukas.

"Eto. Eto ang para sa'yo, anak!"

Umirap muna ako bago nagsalita, "Tay, ilang beses ko po bang sabihin na hindi ako pupunta para lang makuha ninyo na ayokong pumunta sa party-party na iyan?"

"Tumahimik kang bata ka. Hindi ka na nahiya, mismo ang may-ari ang nag-imbita sa'tin."

"E ano naman po? Kailangan ko ba siyang pasalamatan? Luhuran?"

"Winifred Villasis! Maghunos dili kang bata ka! Bakit mo luluhuran si Ryom? At sinabi mo pa talaga sa harapan ko? Gusto mong makurot sa singit? Bastos ang batang ito!"

Bagsak ang balikat ko nang mapagtanto kung anong ibig sabihin ni Tatay. Siya kaya ang kurutin ko sa singit. Kung ano-ano nalang ang inisip ni tatay.

Mukha ba akong patay na patay sa lalaking iyon para luhuran ko s'ya? Naman! Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang tumatakbo sa utak ko habang sinabi ko ang salitang iyon, ay ituring kong santo si Ryom dahil inimbita niya ko sa pagbubukas ng pabrika niya.

Babalik muna ang Nanay ko sa akin bago ko iyon gagawin noh! At ibig sabihin no'n, hinding-hindi na iyon mangyayari.

Nilayasan ko si Tatay. Pumunta ako sa likod ng counter para doon nalang muna tumunganga habang wala pang customer na pumasok.

Bahala siyang mamili sa gusto niya. Pero kung ano ang masusunod, ayaw ko siyang papuntahin sa pagtitipon bukas.

Nang bumukas ang pinto ng parlor, napatuwid ako ng upo. Akala ko kliyente na. Hindi pala. Ang ungas lang pala ang dumating.

Ang suot nito ngayon ay iba na sa suot nito kanina. Parang ka respe-respeto na ito tingnan ngayon. Puting shirt ang pang-itaas, nakatupi iyon hanggang siko tapos itim na slacks.

Akala mo talaga seryosong tao, e. Sarap sapakin.

Nahanap ni Ryom ang mga mata ko. Inirapan ko siya at binaling ang tingin sa ibang direksyon.

Ano na naman ba ang kailangan ng pagpunta niya rito? Isang oras lang ang nakalipas mula nang andito siya kanina, ah. Goal ba niya sa buhay ang pumunta sa shop ika isang daang beses sa isang araw?

beauty series: Not Beauty's TypeWhere stories live. Discover now