Simula

37 3 0
                                    

SIMULA

Mabilis akong lumabas ng classroom sa huling klase ko sa araw na iyon. Nagmamadali akong pumunta sa canteen na malapit sa gym dahil alam kong naroon siya. Lagi sila doon tuwing hapon.

"Wini! Wait for me!" Si Carol iyon, bestfriend ko.

Huminto ako para hintayin siya. Napatawa ako dahil hindi pa sarado ang bag nito habang hinahabol ako nito. Nagkandaugaga pa sa pagbitbit ng mga gamit.

Alam ni Carol kung bakit ako nagmamadali. Alam niya simula pa lang.

"Bakit ka ba nagmamadali? Andon naman iyon lagi. Hindi naman iyon aalis kaagad," hinihingal nitong wika. 

Tinulungan ko itong ayusin ang gamit dahil mukhang nahihirapan na talaga ito.

"Baka lang kasi umalis na. Sayang kapag hindi ko siya makikita ngayon," wika ko.

Kinuha ko nang tuluyan ang mga libro nito na nasa kamay. Ako ang magbibitbit no'n habang inaayos nito ang buhok.

Naglakad ako ulit, kasabay na si Carol at medyo hindi na gaanong mabilis dahil baka mahalata pa.

"E di sagutin mo na para hindi ka laging ganito. Nauubos lagi pera natin dahil sa pagkukunwaring may bibilhin talaga tayo sa canteen kahit gipit naman."

"Libre ko naman, ah," sabi ko rito.

"Dalawang beses mo lang akong na libre ng pagkain, noh. Nakalimutan mo yata?"

Natawa ako. Oo nga pala. 

"Kaya sagutin mo na para pareho na tayong makatipid."

"Akala ko ba ayaw mo kay Henry para sa akin? Bakit ngayon tinutulak mo na akong sagutin siya?"

Si Henry, isa sa pinakasikat na estudyante sa University namin. At manliligaw ko sa nakalipas na dalawang buwan.

Crush ko ito noon pang first year college pa. At ngayon lang nito napansin ang beauty ko. Ngayong malapit na matapos ang aking kurso.

Magkaiba ang course namin kaya mahirap ito minsan hagilapin. Ang sabi nga ni Carol milagro daw at napansin ako ni Henry kahit magkabilang mundo ang ginagalawan namin.

Henry's rich. Like super duper rich. Retired General ang lolo nito. Ang papa nito ay PNP chief, ang mama nito ay lawyer at hindi basta-basta ang pamilyang pinanggalingan nito. Mayayaman na sila bago pa naipanganak si Henry.

Nakakainggit iyong ganon. Ang sabi ng teacher ko noon sa highschool pantay-pantay daw lahat ng tao. Wala daw nakalamang dahil bawat isa sa atin hubad noong pinanganak. E, paano naman iyong mayaman na ang pamilya? Syempre lamang na kaagad iyon sa mga tulad kong galing sa walang-wala.

Kung mayaman si Henry kabaligtaran naman ang buhay ko. Isang hair dresser slash make up artist si Tatay sa maliit na parlor shop sa Tondo, at kung nagtataka man kayo. Bading si Tatay. Hindi iyong bading na nagsusuot ng panlalaking damit. Bading siya na nakadamit pambabae. Plus make-up na akala mo isa siyang rainbow dahil iba't-iba ang kolorete sa mukha.

Si Nanay naman ay ewan ko kung nasaan na. Basta ang alam ko, magkaibigan sila Nanay at Tatay noon. Tapos nagbreak daw si Nanay at ang nobyo nito. Naglasing kasama si Tatay, at BOOM panes! Ako ang resulta sa lasing na gabing iyon.

Umalis si Nanay pagkatapos akong inilabas sa tiyan nito. Nagkabalikan ata daw sila no'ng nobyo niya. At simula noon si Tatay ang lagi ko nang kasama.

Hirap kami. Mabuti nalang at matalino ang inyong lingkod at nakahanap ng scholarship. Hirap, tiyaga, dugo at pawis ang puhunan ko sa lahat ng mga ito. 

beauty series: Not Beauty's TypeWhere stories live. Discover now