Hindi Ko Maintindihan

Magsimula sa umpisa
                                    

"Nakung bata ka. Alam na ng guro ninyo na walang papasok sa inyo. At hindi rin sasama sa iyo ang anak ko. Mainit pa ang mga military at rebelde. Ayokong matamaan ng ligaw na bala ang anak ko. Pupunta nga kami sa evacuation center."

"Malulungkot posi Teacher Marian kapag hindi na muna kami papasok."

"Mas malulungkot siya kung pantay na ang paa ng mga estudyante niya."

Napakamot ako sa ulo. "Pantay na ang paa? Lahat naman po kami pantay ang paa. Wala naman pong naputulan ng paa sa amin maliban doon sa paboritong aso ni Teacher. Putol nga ang pangalan ng asong iyon. Alam ni'yo po, kahit ganoon ang asong iyon, cute pa rin. Matalino rin po iyon."

Napangiti ang nanay ni Gigi. Kanina, malungkot siya. Ngayon naman, ngumingiti. Ano ba talaga? Ewan.

"Nakung bata ka. Hindi literal ang ibig kong sabihin. Hindi ba natatakot ang mama mo sa kaligtasan mo?"

Napangisi ako.

Alam na kaya ni Mama na tumakas ako? Sana hindi pa. Bibilisan ko naman. "Natatakot po siya kanina pero nariyan naman po ang mga sundalo para protektahan tayo kaya hindi po ako natatakot."

"Huwag tayong umasa sa kanila, Tamara. Kailangan din nating tulungan ang mga sarili natin. Hindi sila palaging nandiyan sa atin."

"Nandiyan lang po sila. Nakabantay. Para rin po silang mga anghel. Ang kaibahan nga lamang po, sabi ni Teacher, nakikipaglaban sila sa mga tao samantalang demonyo naman ang nilalabanan ng mga anghel. Aling Dolor, nakakita na po ba kayo ng demonyo? Hindi po ba sa impyerno nakatira ang mga demonyo?"

Napabuntonghininga siya. Isang buntonghininga na umaabot hanggang sa kabilang bndok.

Kakaiba talaga ang mga matatanda. Para bang pasan nila ang buong eskwelahan namin. Kahit maliit na bagay lang, pinoproblema na nila. Ano ba iyan. Sana bata na lang ako palagi. Ayokong matulad sa kanila na pinoproblema ang lahat.

"Hindi mo na kailangang pumunta sa impyerno para makakita ng demonyo."

Nanlaki ang mga mata ko.

Lumapit ako kay Aling Dolor, hinawakan ang laylayan ng damit niya. "Nakakita na po kayo ng demonyo? Ano po ang ginawa ninyo? Natakot po ba kayo? Totoo po bang may mga sungay at buntot sila?"

"Hindi mo rin maiintindihan kung sasabihin ko pa sa iyo. Bata ka pa."

Sumimangot ako.

Palagi na lang nilang sinasabi na hindi ko pa maiintindihan ang sinasabi nila.

Bata pa raw ako?

Tama nga naman sila. Bata pa ako. Isang walong taong gulang na bata. Pero naiintindihan ko na naman sila. Sabi pa nga ni Teacher Marian, matalino raw ako. Madali ko raw nakukuha ang mga tinuturo niya.

"Tamara, huwag ka nang tumuloy. Bumalik ka na lang sa inyo at tulungan ang mama mo sa pag-aayos ng mga damit ninyo."

Tumango na lang ako at iniwan ang bahay nina Gigi.

*****

MATAPOS kong tawirin ang tatlong ilog, nakarating na rin ako ang eskwelahan namin. Tumutulo pa nga ang pawis sa noo ko.

Wala pa rin si Teacher Marian.

Pumunta ako sa waiting shed.

Ano naman ang gagawin ko rito habang naghihintay sa kanya? Ang tahimik dito.

Kinanta ko ang Twinkle, Twinkle ng sampung beses hanggang magsawa ako. Hanggang sa tumigil ang mga mata ko sa walis na nasa tabi ko.

Bakit hindi? Kung lilinisin ko ang bakuran habang naghihintay kay Teacher, paniguradong matutuwa siya. At kapag nangyari iyon, dadamihan niya ang ibibigay sa akin.

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon