Tatlumpu't walo

7.8K 729 113
                                    

Ang mahika sa paligid na aking iningatan huwag mawala, sa isang iglap lang ay naglaho bigla. Sa aking pagmulat ay patuloy ang pagluha, ng mga matang nais kang muling makita.

"Mayari..."

Bulong ko sa malamig na simoy ng hangin. Pagtingala ko ay nasaksihan ko ang paglisan ng kadiliman laban sa liwanag ng buwan. Itinaas ko ang kamay na tila inaabot ang imposible sa kalawakan.

"Ako ay maghihintay saiyo..."

Pinunasan ko ang luhang kanina pa dumadaloy sa aking mga mata ngunit ayaw nitong paawat. Napaluhod na lamang ako sa damuhan at sa hindi malamang dahilan ay naramdaman ko ang pagpatak ng ulan sa kapaligiran. Hinayaan kong balutin ng lamig ang katawan ko habang naghahalo ang init ng patak ng luha ko at ang lamig ng ulan sa aking pisngi.

"Ma'am Selene! Diyos ko! Anong ginagawa mo sa ulanan?!" isang pamilyar na boses ang lumalaban mula sa ingay ng kapaligiran.

Sunod-sunod ang tunog ng yapak sa damuhan at sa aking katawan ay tumigil ang pagpatak ng ulan. Isang puting tuwalya ang bumalot sa akin at isang mahigpit na yakap mula sa babaeng humahangos kanina ang pilit na itinatayo ang katawan kong nanghihina.

"Tahan na, tahan na..." Tinignan ko ang mukha niyang lubos ang pag-aalala.

"Lumisan na siya, Teri." Sumbong ko na tila batang pinagkaisahan ng mundo.

Tumango lang siya habang hawak-hawak ang payong at ang isang kamay nama'y nakakapit sa katawan kong nanginginig.

"Ipaghahanda kita ng mainit na maiinom,"

Wala na akong nagawa kung hindi ang magpadala sa pag-alalay niya sa akin papasok ng bahay. Ang dating sigla ng munti kong bahay ay nawala na at nabalutan na ng kalungkutan.

Inabutan pa ako ni Teri ng isa pang twalya at tinulungan akong patuyuin ang buhok ko.

"Mabuti pa ay maligo ka muna at baka ikaw ay magkasakit pa," dagdag niya pa habang pinatutuyo ang buhok ko.

"Aray!" bigla akong napahiyaw sa sakit nang tamaan niya ang sugat ko sa ulo.

"Sorry! Anong-- anong nangyari dito? Bakit may sugat kang ganito, Ma'am Selene?"

Napatulala na lang ako sa kawalan habang inaalala ang gabing iniligtas niya ako mula sa kamatayan. Napailing ako sa tunog ng basag na salamin mula sa aking ala-ala. Ang dalagang handang gawin ang lahat para sa aking kaligtasan...

"Ma'am? Umiiyak ka na naman," napatingin ako kay Teri na halatang hindi alam ang gagawin sa akin. Maging ako ay hindi na alam ang gagawin sa sarili.

"Maraming nangyari, Teri at isa na doon ang pagkawala ni Mayari."

Wala siyang binanggit na kahit anong salita maliban sa pagpunas niya ng luha ko sa aking pisngi.

"Ang mabuti pa ay maligo kana muna at tsaka mo sabihin sa akin ang lahat."

Tila ako batang sumunod sa utos ng isang ina na lubos na nag-aalala sa kalagayan ko. Inalalayan niya ako pa akyat sa aking kwarto. Pagbukas ng pintuan ay kulog at kidlat ang umalingaw-ngaw sa madilim na paligid. Tanging halimuyak na lamang ni Mayari ang natitirang ala-ala sa apat na sulok ng kwartong ito kaya muli na namang namuo ang luha sa gilid ng mga matang ito.

"Pangako makikinig ako saiyo ngunit ang importanteng gawin ngayon ay ang makaligo at makapagpalit ka ng damit, Ma'am Selene."

Ramdam ko ang lungkot sa boses ni Teri, kung alam mo lang ang kalungkutan na nadarama ko ngayon ay kulang ang mga patak ng ulan upang tumbasan ang mga luha na nais kong pakawalan.

Wala akong nagawa nung alalayan niya ako papasok sa banyo at hinanda ang pangligo ko. Nilaglag ko ang twalyang nakapulupot sa nilalamig kong katawan at hinubad rin ang mga saplot ko sa katawan at tumapat sa maligamgam na tubig na dumadaloy sa aking ulo pababa sa aking katawan.

"Maiwan muna kita," narinig ko ang pagsarado niya ng pintuan.

Tanging patak ng tubig ang maririnig sa paligid kasabay ang pagkulog ng kalangitan.

"Maging ang langit ay lumuluha sa paglisan mo, Mayari."

Napakagat na lamang ako sa ibabang labi ko upang pigilan ang matinding emosyon na gustong kumawala. Tinakpan ko ang bibig gamit ang aking mga kamay ngunit hindi na nito napigilan ang mga hikbi na lumabas. Pagsusumamo na kanina pang gustong isigaw ng pusong naghihinagpis sa kaniyang paglisan...

"Ang hirap kapag wala ka, Mayari." Ang sakit sakit ng puso ko. Ang bawat pagtibok ay tila hinihigop ang hangin sa paligid. Nakakalunod... nalulunod ako.

At sa gitna ng aking pagsusumamo ay biglang nilamon ng kadiliman ang paningin at tanging pagsigaw sa pangalan ko ang huling narinig.

.....

Isang kaluskos ang nagpamulat sa akin at sa aking paggising ay kita ang malawak at asul na kalangitan. Ramdam ko rin ang nakakakiliting dala ng mga damo saaking balat. Isa na naman itong panaginip kung saan ako ay nasa isang paraiso...

"Paraiso.."

Bigla akong napabangon nang maalala ko ang panaginip ko noon dahil dito ko rin nakita si Mayari. Agad akong naglibot sa kapaligiran, napupuno ng mga makukulay na bulaklak at mga hayop na malayang nanginginain sa paligid. Nagpalinga-linga ako ngunit wala akong makita bukod sa luntiang paligid.

"Ako ba ang nais mong makita?"

Tila kidlat ang tumama sa aking puso nang marinig kong muli ang boses niyang nais kong marinig sa araw-araw. Sa aking pagharap ay aking nasaksihan ang dalagang nais kong makasama. Ang kulay pilak niyang mahabang buhok, ang kulay asul na takip sakaniyang katawan, ang bawat pilak na nakahabi ay tila bituin sa kalawakan. Ang ganda niyang taglay na hindi mapapantayan ng kahit na sino man..

"Mayari," sambit ko sa pangalan ng babaeng iniibig ko.

Dahan-dahan siyang naglakad pa palapit sa akin, sakaniyang paggalaw ay tumutunog ang nag uumpugang mga ginto at pilak na nakapulupot sakaniyang braso at mga paa. Ang halimuyak niyang hindi ko gustong lumisan sa kapaligiran.. nangingilid ang mga luha ko.

At sakaniyang paglapit ay hinawakan niya ang kaliwang pisngi ko. Hindi ko napigilan ang sarili na hawakan ang kamay niyang nakadampi sa aking balat at pumikit saglit sapagkat ang mga luha ko ay tuloy-tuloy na bumabagsak.

"Ang pagsambit mo sa ngalan ko ay tila huni ng ibon sa kagubatan." Naramdaman ko ang pagdampi ng kaniyang labi sa aking mata.

"Ang iyong mga mata na aking nais ay sa akin lamang."

Lalo kong hinigpitan ang kapit sakaniyang kamay nang maramdaman ko ang paghagod ng hinlalaki niya sa ibabang labi ko.

"Ang iyong labi na nais kong sakupin hanggang bumaba sa lupa ang mga bituin."

Sa aking pagmulat ay tanaw ko ang lungkot sakaniyang mga mata.

"Nais ko'y makapiling ka..."

Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa akin at ipinikit ang mata hanggang maglapat ang aming mga labi. Ang init ng hininga niya ang nagpalukso ng dugo ko. Hindi ko na napigilan ang paghapit sakaniyang maliit na bewang palapit pa lalo sa akin. Sa loob ng aking isipan ay paulit- ulit kong isinisigaw na ayoko nang magising pa. Ayoko nang mawalay ulit saiyo.

Mahal kita, Mayari.

"Iniibig kita, Selene."

MayariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon