Bakit?

8.5K 632 122
                                    

Dumilim na ang paligid nang magsimula na kaming mag-ayos ng aming sarili. Kasama ko ang dyosa sa loob ng silid habang tinutulungan ko siyang itali ang kaniyang suot na bistidang kulay puti mula sa likod. Ilang beses ko nang nakita ang likod niya miski ang harap niya ngunit hindi parin napapalagay ang puso ko sa tuwing ganito kalapit ang katawan niya sa akin.

"Nais mo ba na ako ay suotan o hubaran, Selene?" napailing nalang ako dahil lumalabas na naman ang pagiging pilya niya.

"Nais kong hubaran ka, mahal kong dyosa". Hinalikan ko ang kanang balikat niya at iniharap siya sa akin. Napangiti ako sa dulot niyang ganda sa aking mga mata. Ang naka pusod niyang buhok at ang mga naiwan sa gilid na nakalugay, ang mga mata niyang hindi man parehas ng kulay ay punong-puno ng buhay at ang mga labi niyang palagi kong nais halikan at aking babalik balikan...

"Sa mga titig mong iyan, aking iisipin na ako ay nais mong halikan." At siyang ngiti niya ang lalong nagpakabog sa aking puso kaya hinaplos ko ang pisngi niya nang marahan. 

Kung alam mo lang na nais kong sakupin ang mga labi mo hanggang matapos ang gabi, Mayari.

"Mahaba pa ang gabi para sa atin. Tayo na at  bumaba upang makasama na ang lahat." Hinawakan ko ang kamay niya at bumaba na sa lobby ng resort na nirentahan ni Empress para sa aming lahat kaya walang ibang tao dito kung hindi kaming magkakaibigan lang. Nagtungo kami sa buhanginan at mula dito ay rinig mo ang daloy at hampas ng dagat sa dalampasigan. Ang dagat na madilim at tila salamin ng kalangitan.

Nadatnan namin si Gin at ang kasintahan niyang si Aries na abalang inaayos ang upuan at lamesa na gagamitin sa surpresa ni Empress. Lumapit kami ni Mayari at tinulungan sila na ayusin ang lugar kung saan masasaksihan namin ang dalawang puso na mapupuno nang kasiyahan sa ilalim ng liwanag ng buwan.

Inilawan namin ang daanan gamit ang mga kandila papunta sa nakahandang surpresa. Kasama ko si Mayari habang ginagawa ito, habang sinisindihan niya ang kandila, hindi ko maiwasan ang mapatitig sakaniya. Hindi malawak na karagatan o matatayog na bundok ang nakakapagpamangha sa akin, kundi ang taong nasa harapan ko.

Ang tagal na mula nang mangyari ang pagbabalik niya sa akin at simula noon ay wala akong sinayang na panahon. Nais kong palaging makasama ang nag-iisang hiwaga na hindi nabigong paibigin ako nang paulit-ulit.

"Sa tingin ko mauunang matunaw si Mayari kaysa sa kandila, ano sa tingin mo Selene?" Napailing na lang ako dahil sa biglang pagsulpot ni Gin.

"Alam mo mas gusto ko ata ikaw ang apuyan ko nang buhay, ano?" balik kong pang-aasar sakaniya.

"Aries! Babe! Aapuyan daw ako nang buhay ni Selene! Inaaway niya ako!" sigaw niya sa nobyong abalang nagsisindi rin ng kandila.

"Ayos yan, Selene! Hahanap lang akong panggatong para mas malaki yung apoy," napalakas ang tawa ko  nang tumakbo si Gin para hampasin ang nobyo. Napailing na lang ako habang nakangiti, ang sarap makita na ganito kasaya ang lahat ng tao sa paligid ko. Napansin ko sa gilid ng aking paningin na kanina pa may nakatingin sa akin.

"Nakabibighani ka," kinagat ko ang ibabang labi ko upang pigilan ang pangiti nang husto.

Hay, Mayari...

Natapos namin ayusin ang lahat bago dumating si Empress dala ang babaeng nakasuot ng pulang bistida habang ito ay nakapiring. Hawak niya ito sa magkabilang kamay habang inaalalayan sa paglakad. Lumayo kami nang kaunti upang bigyan sila ng pribadong oras.  Si Gin at Aries na abala sa pagkuha ng video at picture nung dalawa. Habang ako ay yakap si Mayari mula sa likod habang ang aming mga kamay ay magkahawak. Nakapatong ang ulo ko sakaniyang kaliwang balikat habang tinatanaw namin si Sam na halatang hindi makapaniwala na nakaluhod sakaniyang harapan si Empress hawak ang singsing.

"Hindi ko akalain na mahahanap na ni Sam ang pag-ibig na nararapat para sakaniya. Masaya akong tunay na nasasaksihan ko ito." Hinigpitan ko ang yakap sa babaeng ang halimuyak ay higit sa mga bulaklak sa malawak na hardin.

"Ang pag-ibig na tapat at tunay ay pinagpapala ng mga dyos at dyosa ng kaluwalhatian. Pagkat sa lahat, pag-ibig ang pinakahigit na biyaya ni Bathala sa sangkatauhan."

Hindi ko napigilan ang halikan siyang muli sa balikat, "At ikaw, Mayari... ang pinakahihigit sa lahat ng biyaya ni Bathala sa akin."

Binitiwan ko ang mga kamay ni Mayari at dinukot ang maliit na kahon sa aking bulsa.

"Mayari,"

Sa aking pagtawag ay siyang paglingon niya sa akin kaya akin nang binuksan ang maliit na kahon sakaniyang harapan.

"A-Alam kong hindi ito ang nakagawian ng mga taong nag-iibigan mula sa iyong panahon at mundo. Ngunit nais kong ialay ang singsing na ito bilang walang hanggang pag-ibig ko saiyo." hinawakan niya nang marahan ang kaliwang pisngi ko.

"Wala akong ibang nais kung hindi ang makapiling ka, mula sa pagsikat ng araw sa umaga hanggang sa paglitaw ng aking buwan sa gabi, Selene." Nakangiti kong kinuha ang singsing sa kahon at sakaniyang palasingsingan, ito ay sinuot.

Ako ay nagulat nang kaniyang hagkan ang mga labi ko at sakaniyang mahigpit na yakap ay nagpakalunod sa walang hanggang pag-ibig na kaniyang dulot.

"Araw-araw kitang iibigin, Selene."

Sa aking isipan ay aking naalala ang isang malamig na umaga,
Ikaw ang unang nais makita
Habang humihigop ako ng mainit na kape
Pasulyap-sulyap na kinakabisa ang bawat detalye ng iyong mga matang mapungay at boses na nakakaakit
Sa tuwing nahuhuli mo akong nakatitig,
Ay tinatanong mo ako kung, "bakit?"
At ako'y nakangiti habang napapailing
Hinawakan ang iyong kamay at sinabing,

"Araw-araw kitang iibigin."

MayariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon