Chapter 55 - 56

867 44 5
                                    

Chapter 55

"Hindi nga ako pwede ngayon," sagot ni Hannah sa makulit na kliyenteng ilang araw na siyang gustong ikama. Naalibadbaran na siya sa kakatahol ni Alice na hindi mapakali. Gusto na niya itong itali dahil maghapon itong nagtatatahol at muntik na itong hampasin ng nanay niyang nag-iingay dahil sa pagka-aburido. "Ano ba! Pwede bang tumahimik kayo!"

Sabay siyang tiningnan ng nanay niya at ng aso. Bumalik ang gusgusing si Jane sa kanyang tumba-tumba. "Kung hindi tayo iniwan ng gago mong ama, hindi mangyayari sa atin ito."

"Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na walang kwenta siyang tao at hindi na natin siya dapat inaalala?" tanong naman ni hannah habang nakasimangot sa telepono habang nagda-dial. Hinintay niyang sumagot si David, ngunit muli na naman niyang binaba ang telepono. Hindi sumasagot si Dane o si David sa mga tawag niya.

Tinitigan ni Hannah ang asong nakaupo sa harap niya na parang maamong tupang naghihintay sa sasabihin ng kanyang pastol.

"Hindi ka pwede magtagal dito, Alice."

Tumahol ang aso habang taimtim na nakatitig sa kanya.

Nagkamot ng ulo si Hannah. "Tingnan mo si Jane. Alagain ko siya. Hindi pwedeng dalawa kayong inaalagaan ko. Tsaka, halata namang ayaw mo rito." Natawa siya habang tinititigan ang aso dahil napagtanto niyang hindi naman siya naiintindihan nito.

"Iniwan tayo ng gago mong tatay matapos niyang kamkamin ang pera at ari-arian ko," saad ni Jane habang nakatingin sa malayo. "Ang hayop na 'yon. Matapos lustayin ang pera ng negosyong ipinagkatiwala sa kanya ng lolo mong uto-uto, diniborsyo niya ako. Tatlong taong gulang ka pa lang noon."

Sasagot sana si Hannah, pero ilang beses na niyang naririnig ang mga linyang iyon mula sa nanay niyang baliw, kaya isinawalang-bahala na lang niya ang narinig.

Muling tumayo ang ale. Tinanggal niya ang carpet sa sahig.

"Jane, ano ba!" Galit na ang anak ng baliw.

Sinuri ni Jane ang sahig, kinakapa ang kung ano sa mga luma ngunit makikinis na tabla. "Nasa ilalim ng sahig na ito..."

Hinila ni Hannah ang ina. "Tumigil ka nga!"

Halatang natigilan ang ale. "Anak..." Humagulgol ito.

Binalik ni Hannah ang ina sa tumba-tumba nito. "Tama na!"

"Hirap na hirap na ako, anak." Namumula ang ilong ng ale habang dumadaloy ang mga luha sa kanyang mga mata. "Natanggap ko naman. Oo..." Tumatango siya habang mahigpit na hinawahawakan ang mga kamay ng anak. "Oo, tanggap ko na naman. Matagal na." Paiba-iba siya nang tingin at hindi mapakali. "Akala ko, okay na. Pero ilang taon matapos kaming maghiwalay, hinabol ako ng mga bangko. Marami pala siyang inutangan at sa akin nakapangalan lahat. Kaya pala marami siyang pinapapirmahan sa akin noon."

"Na pinirmahan mo dahil engot ka, nay," sagot ni Hannah, "engot ka!" Oo, alam niya ang kwento sapagkat ilang beses na niya itong naririnig mula nang takasan ang ina ng katinuan. Inalis niya ang mga kamay mula sa pagkakahawak ng ina at hinampas-hampas ang arm rests ng rocking chair nito. "Kung hindi ka naging tanga, nakapag-aral sana ako at hindi ako naging pokpok ngayon!"

"Bakit ka sumisigaw?" Nakatulala si Jane sa kanya. "Sino ka? Nasaan si Hannah?"

Kinalma ni Hannah ang sarili. Dapat ay sanay na siya sa mga paulit-ulit na litanya ng nanay na may schizophrenia. Pumanhik siya sa kwarto nito upang kunin ang mga gamot. Iilang tableta na lang ang natitira at kailangan na naman niyang punan ang reseta nito. Napapikit siya sa kakaisip kung saan kukuha ng pera o kung paano makakaalpas sa burak na kinalalagyan.

QUEERWhere stories live. Discover now