Chapter 6

3.6K 126 8
                                    

Nakadungaw si David sa lumang bintanang natutuklap na ang pintura. Maaraw sa Seattle, subalit malamig ang hanging taglay ang simoy ng taglagas. Unti-unti nang naninilaw ang mga dahon ng mga puno sa paligid.

Bumusina ang kotse ng kapitbahay. Mula sa pintuan ay lumabas ang isang ale na nagmamadaling pumasok ng kotse. Halata sa suot niya na papasok siya ng trabaho. Sa isang dako naman ay nagdidilig ng halaman ang isang matandang mamang kilala ni David bilang si Mr. Gregory. Bumuntong hininga siya. Habang normal ang buhay ng mga kapitbahay niya, marami naman siyang iniisip, mga bagay na hindi sumasagi sa isipan ng isang disi-otso anyos na binata.

Sinarado niya ang bintana at lumabas ng kanyang silid. Nadatnan niya sa baba ng hagdan si Alice, ang may edad na aso na parang kapatid na niya kung ituring. Umupo siya sa tabi nito at niyakap ito na para bang miss na miss niya ito. Umungot ang aso habang dinidilaan ang bisig ni David na nangulila rin sa lambing ng karamay. Tumayo siya't pumapakpak, hudyat na pakakainin na niya ito ng agahan. Nilagay niya ang mangkok ni Alice malapit sa hapagkainan niya at binuhusan ito ng dog food. Kumuha naman siya ng cereal at gatas sa pridyeder at binuhos ang mga ito sa kanyang sariling mangkok. Napapatitig siya sa kanyang kasama habang kumakain. Sa isip niya ay mabuti pa si Alice, walang iniisip na problema, hindi inaalala ang hinaharap.

Nagmamadaling naligo si David pagkatapos kumain. Kinuskos niya ang pisngi ng asong nakatingin sa kanya. "Alice, maiwan ka muna rito." Muling umungot ang asong hindi na niya nilingon.

Sinuot niya ang jacket na sinuot na niya nang ilang araw, sumakay sa motor niya, at pinaharurot ito. Ilang minuto lang ang layo ng unibersidad sa bahay niya. Tumakbo siya patungo sa unang klase, ngunit nadatnan niyang nagsilabasan ang mga mag-aaral.

"Wala raw si prof," bungad sa kanya ni Alex, "nagka mild stroke."

"Akala ko pa naman late na ako sa exam niya," sagot niya.

"Bakit, nag-aral ka ba?" pang-aasar ni Brett.

"Gago," sagot ni David.

"Ba't ba kasi nag-aaral pa tayo?" tanong ni Alex.

"Trip mo maging drug dealer habangbuhay?" tanong sa kanya ni Eduardo.

"Trip mo mabatukan lagi ng matandang mabaho ang hininga?" Halatang irita si Alex. Pinandilatan nito ang naunang binata. "Kung may ibang pagkakakitaan lang ako, 'di ako nagtatiyaga sa lintek na cartel na 'yan."

"Once a dboy," asik ni Eduardo na nakangisi, "alwaysa dboy."

"Mga gago, huwag niyo pag-usapan 'yan dito!" Nagsimulang maglakad si David na sinundan ng tatlo. "Kamusta na nga pala si Brock?"

"Gumagaling na raw," sagot ni Brett. "Nanonood na raw ulit ng porno ang gago." Nagtawanan ang tatlo maliban kay David na bumuntong hininga na lang.

Ang totoo ayaw niya sa mga ito, pero wala siyang mapagpilian dahil sila ang mga kasama niya sa trabahong ilegal. Sa kanilang lima, si Alex ang pursigidong mag-aral. Batid ni David na may gustong patunayan si Alex sa nobya niya. Si David naman, walang direksiyon, nakikiayon lang sa agos. Gayunpaman, tinitingnan siya ng mga kasama bilang pinuno dahil na rin siguro sa tikas niya at paraan ng pananalita. Siya rin naman ang inatasan ng El Mayor na pamunuan ang mga baguhan kung saan kabilang siya; hindi alam ng mga kasama niya ang tunay na dahilan.

Sa likuran ng bakanteng gusali ay tumambay ang lima, nagmumuni-muni, kausap ang kung sino sa telepono, naninigarilyo. Ang isa sa kanila ay sumisinghot ng ipinagbabawal na gamot.

"Hoy, coke head," asik ni Alex kay Brett, "pa'no mo napuslit 'yan dito?"

Hindi naman makasagot si Brett na napapatingala at humuhugot ng malalim na hininga. Si Eduardo naman ay patuloy lang sa pakikipag-usap sa telepono. Napailing naman si David habang pinapanood ang mga kasama.

QUEERWhere stories live. Discover now