Tugon Sa Kritiko Ni Abang Makata

261 38 10
                                    


Maraming salamat kritiko sa pagkakandili ng aking tula

Kinagagalak kong mabatid na may silbi aking nilikha

Alam kong marami itong naisupling na pagkakamali

At ang wagas na dahila'y hindi ang aking pagmamadali


Ang iyong abang lingkod ay di nakapagtapos ng pag-aaral

Magulang ko'y hikahos kaya maaga akong sa lupa'y nasakdal

Nakipagpatintero sa ula't nakipaglaro sa araw

Mga karanasa'y pinagkasya sa papel upang inyong matanaw


Mabanaag ng iba ang nag-aaruga sa aming hirap

Mga bagyong sumira sa tahana't yaman na kay ilap

Magkaganon ma'y pilit kaming kumakapit sa dasal

Di gumawa ng masama dahil naniniwala sa Maykapal


Kaya mali man ang aking pagbaybay at di man lubos maunawa

Ang sukat, tunog at lalim, mga batayan ng isang tula

Pilit kong isinahimig ang nilalaman ng aking puso

Dinungisan ang papel upang mailabas ang tinatago


Damdamin ng tulad ko'y sino ba ang may karapatang mag-ulat

Kung bawat isa sa ami'y di kikibo't magiging pipi sa tinatamong sugat

Isasabibig kami ng mga artistang kailanma'y di nakakaunawa

Sasabihing isinuot aming sapatos, ngunit di nila alam na sapatos namin ay wala


Kaya muli maraming salamat kritiko sa pagmamahal sa aking tula

Kinagagalak kong mabatid na may silbi aking nilikha

Ang malamang sinulat ko'y sa puso mo'y kumurot

Na damdamin ng aking tula'y sa kaluluwa mo'y sumuot




written: June 16, 1015 at 6:30 pm

Mysterious Aries

Kabiguan Ng ManunulatWhere stories live. Discover now