Utak Na Punit

88 17 2
                                    


Ano nga ba, ano nga ba

Paulit-ulit, paulit-ulit na tanong

Sa pagsusunog yata ng kilay kaya ako nagkaganito

Kaya ano nga ba, ano nga ba

Ang tunay na dahilan kung bakit

Nagkaroon ako ng utak, utak na punit


Noong musmus pa lamang, musmus

Pinana ko na ang kaalaman ng bibliya

Pinatamaan ang pabalat

Hanggang sa huling pahina'y tumagos, tumagos

Samu't saring libro'y kinakai't ninanamnam

Pinataba ang isip, ginamot ang kamangmangan


Ngunit anumang gawing pag-aaral, pag-aaral

Nanatiling mailap ang karunungang nais makamtam

Ang sana'y tagumpay ay nalugmok sa kawalan

Naluho sa pagpupulot ng gintong kaalaman, gintong kaalaman

Bawat isang tanong na nasasagot

Nag-iiwan ng sampung katanungan


Nilakad ang liwanag, liwanag

Binagtas din ang kadiliman

Natulog sa ulap, nakapunta sa buwan

Ngunit sadya pa ring kulang, kulang

Di kayang maabot ang ninanais na tunay

Di mapunan ng sagot, ang katuturan nitong buhay


Oo nilakbay ay malayo, malayo

Ngunit napaupo sa pagod, nasaid ang hapo

Dahil narating ay kawalan, walang natagpo

At sa pinakahuli ako'y nagsisisi ng wagas, ng wagas

Paano ko ibabalik ang inaksayang oras

Paano ko gagamutin ang sugat nitong utak


06-26-2015

cursedbypen/Mysterious_aries



Kabiguan Ng ManunulatWhere stories live. Discover now