Sila
Written by: QueenSandok / Via Aiv
Date posted: October 7, 2017 , 12:00 am
Siguro nga at malungkot ka
Baka nga pakiramdam mo nag-iisa ka
Nawawalan ka yata ng kakapitan
Nauubusan ka yata ng sasandalan
Mukhang nawalan ka na ng pag-asa
Tila sa 'yong pag-iisa bigla ka nalang nagsawa
Nalimutan ka niya
Nasasaktan ka ng pamilya
Napagod ka nang mangarap
Nawalan ka pa ng kausap
Nag-iisa ka nalang
Nais mo ng masasandalan
Naghanap ka ng iba
Sumama ka sa kanila
Bumuo ka ng panibagong pamilya
Nilimot mo lahat sila
Nagpakamanhid sa mga nagmamahal sa 'yo
Nagbingi bingihan sa mga payo
Nang mahanap mo siya
Pakiramdam mo totoo na
Nang makasama mo siya
Ang akala mo'y sapat na
At nang mayakap mo siya
Nakaramdam ka ng kalinga
Ginawa mo lahat ng satingin mo'y dapat
Sinubukan mo lahat hangga't hindi pa sapat
Ipinaranas mo sa sarili mo ang gusto mo
Ipinasok mo ang sarili mo sa bagong mundo
Inikot mo lahat ng sulok nito
Kahit hindi mo napapansing bugbog na ang katawan mo
Nasasaktan mo ng pisikal ang sarili mo
Nasasaktan mo ng emosyonal ang mga nasa paligid mo
Sumentro ka sa isang tao
Isang tao na hindi mo malaman kung mahal mo bang totoo
Tao na inakala mong para sa 'yo
Pero parang nagkakagaguhan kayo
Tama na ang pag-iikot mo
Itigil mo na ang kakahabol sa gusto mo
Huwag kang duwag sa reyalidad
Huwag kang mapagod mangarap
Huwag mong isiping wala na sila
Dahil hindi ka lumingon nang minsang masaktan ka
May umiiyak sa likod mo
May nakamasid sa ginagawa mo
May mga naaawa sa 'yo
May tunay na nagmamahal sa 'yo
Nagmamahal sila ng patago
Habang ikaw, pinipilit mong magbago
Hindi sila nagsasawang mahalin ka
Hindi sila napapagod sundan ka
Hindi sila nangangalay maghintay
Maghintay sa ikaw na 'yong pinatay
Itigil mo ang pagngiti dahil hindi ikaw 'yan
'Wag mong itago kung sino ka sa likod ng 'yong katawan
Kung kinalabit ka ng kalungkutan
Kapag tumingala ka nang luhaan
Akala nilang ikaw 'yan
Sana hindi ka lang lumalabas ng saglitan
Huwag kang matakot na sila'y lapitan
Dahil kung alam mo lang kung gaano sila nahihirapan
Huwag kang mag-bago
Huwag mong pilitin ang sarili mo
Itigil mo ang paghalakhak mong 'di totoo
Itigil mo ang pananakit sa sarili mo
Nandito pa rin sila, sana alam mo
Alalahanin mo sila, kung kaya mo
Silang mas matagal mong nakasama
Silang mas may alam kung paano ka sumaya
Silang naghihintay sa pagbabalik mo
Silang mga tunay na nanakit sa tingin mo
Silang mga tumalikod sa 'yo
Silang mahal na mahal kang totoo
Takot ka lang umatras
Nasobrahan ka sa pag-iwas
Ipinipikit mo ang 'yong mga mata
Isinasarado ang 'yong tainga
Dahil akala mo wala nang pag-asa
Pero nandirito sila't inaantay ka