Pagkapasok ko sa loob ng bahay, kaagad naman bumungad sa akin sina Mama at Papa na nakaupo sa may sala.
Dali-dali akong lumapit sa kanila at niyakap nang mahigpit. Miss na miss ko na sila. Gabing-gabi na rin kasi sila nakakauwi mula sa kanilang trabaho at pagkagising ko naman, wala na sila't maagang pumapasok.
"Kumusta ka na anak? Bakit ginabi ka na ng uwi?" Bungad ni Papa.
"Okay naman po ako. E galing po kasi ako sa bahay nina Dibina kaya ngayon lang ako nakauwi," palusot ko.
"Tatandaan mo lagi na mahal ka namin." Dugtong naman ni Mama.
Hindi ko naiwasang hindi maluha. Tears of joy kumbaga. Ngayon ko lang kasi sila nayakap nang mahigpit. Yung presence talaga nila ang laging hinahanap-hanap ko. Syempre, magulang ko sila kaya gusto kong lagi silang nasa tabi ko.
Pagkalipas ng makabagbag-damdaming tagpong iyon, nagkwentuhan lang kami habang kumakain kasama sina Lola at Jaycee.
Kahit na hindi maganda ang pasok ng araw ko ngayon, gumanda naman bago ito matapos. Kahit na masaktan ka, may time rin na liligaya ka kagaya ng nararamdaman ko ngayon.
Masaya kong tinungo ang aking silid. Napawi ang lahat ng sakit kanina dahil kay Jerico, at dahil sa pamilya ko. Siguro nga, maraking manlolokong lalaki ngayon at isa ako sa mga nabiktima. Pero naniniwala ako na darating din yung time na ako naman ang liligaya kapag natagpuan ko na ang tamang tao na para sa akin.
Habang inaayos ko ang aking kama, bigla namang nagliwanag ang libro sa loob ng aking bag kaya kaagad ko itong kinuha.
Pagkabuklat ko, akala ko'y walang mensahe ngunit ilang saglit lang ay lumitaw din ang mga letrang nakalimbag dito.
Kung ika'y hindi pa masyadong nahihirapan, hayaan mong pabigatin natin ang iyong mga dapat na lampasan.
Napakagat-labi na lamang ako sa aking nabasa. Ibig sabihin, nasa easy stage palang ako? May average at hard stage pang ibibigay sa akin itong libro?
"Oo Morixette, marami ka pang pagdaraanan. Labing-anim pang letra ng ABaKaDa ang iyong kakaharapin. Nawa'y tatagan mo ang iyong loob upang magtagumpay ka."
Napalingon ako sa kabilang dako nang marinig ko ang mga katagang iyon. Si Ethel, nakatayo sa may bandang bintana.
"Salamat sa paalala, Ethel." tugon ko.
"Binabati kita dahil may dalawang buhay ka nang nailigtas. Ibig sabihin, dalawang buhay na ang maaari mong buhayin sa mga namayapa sa aklat ng Alphabet of Death. Sana, marami ka pang buhay na mailigtas." Pahayag niya.
Natutuwa ako dahil sa magandang ibinalita niya. Kapag natapos ko ang ABaKaDa, pwede ko nang buhayin si Ate Roxette. Magkakasama na kaming muli.
Sa paglipat ng pahina, binigyan na naman ako ng aklat ng clue kung sino ang sunod niyang target.
Sa pagtawag niya sa iyo,
Magdadalawang-isip ka kung lalapit ba rito.
Magulo ang takbo ng paligid,
Kung sinu-sino ang umaaligid.
Kumpetensiya ang hanap niya,
Ayaw na malamangan ng iba.
Hindi papatalo kahit na magisa,
Basta, kumita lang ng pera.
Siya ang kailangan mo,
Taga-bigay ng pangangailangan mo.
Kung baratin ng tao ay todo-todo,
Wais din at hindi nagpapaloko.
Dapat nga bang tularan ang kagaya niya?
Gagawin ang lahat sa ngalan ng pera?
Oo, mahirap kumita nito,
Pero hindi dapat samantalahin ang kalagayan ng tao.
Nandiyan lang siya sa tabi-tabi,
Galit na galit sa tuwing may lumalapit na pulubi.
Mabait kapag iyong kaharap,
Sa paningin ng iba'y isang kulisap.
Nagkaroon ako ng ideya kung ano ang tinutukoy ng ABaKaDa ngunit hindi ko alam kung sino ba ang kaniyang biktima. Sa dami ba naman nila, hindi ko sila maisa-isa.
Napangiwi ako sa ibabaw ng aking kama nang lumipat na naman sa kabilang pahina ang libro.
May mailigtas ka kaya sa kanila? O magiging kulelat ka?
Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil dito. Minamaliit ba ng libro ang kakayahan ko? O heto na ang tinutukoy niyang pagpapahirap sa akin?
Ilang saglit pa'y muling lumipat ang pahina ng aklat at nawindang ako sa panibagong clue na ibinigay nito.
"Average stage." sambit ni Ethel.
"Dalawa ang biktima? Sabay silang papatayin?" nagugulumihanan kong tanong.
Lumutang si Ethel sa ere at dahan-dahang lumapit sa akin.
"Oo tama ka. Maaaring mailigtas mo ang isa sa kanila, at maaari ring wala kang mailigtas. Nasa diskarte mo na iyan. I believe in you, Morixette." aniya at biglang nawala sa alapaap.
Sumikip ang dibdib ko dahil sa tinuran ni Ethel. Hindi ko alam kung paano ko sila tutulungan.
Ibinaling ko nang muli ang aking atensyon sa may aklat upang basahin kung ano ang nakasulat.
Pwedeng lugar na malinis,
Mayroon ditong maitim ngunit hindi makinis.
Pinapamahalaan ito ng sinasabing mga nognog,
Anong nangyari at sila'y nasunog?
Pwedeng isang pangyayari,
Na kung saan ay kakalabitin mo ang iyong katabi.
Ituturo mo ang iyong likod,
Na nangangailangan ng kaunting kayod.
Pwede ring isang pagkain,
Hindi na kailangan pa ng kanin.
Ngunit kung ito'y nakain mo,
Allergy ang iyong matatamo.
Pwede ring isang hayop,
Matatagpuan sa puno't nakayuyop.
Mabagal itong kumilos,
Kapag dumampi sa iyo, kakadkarin mo ang balat mo.
At pwedeng-pwede sa isang tao.
Kapag sinulot ang kung sino,
Ito ang ipaparatang mo.
Maging wais sa desisyong nasa ulo.
"Am I ready?"