Eclipse

14.4K 759 1.2K
                                    

Wakas

Hiyawan ang narinig ko nang dumapo ang aking maliit na kamao sa dibdib ng batang mas malaki pa sa 'kin. Nakita kong namula ang kanyang buong mukha sa galit sa ginawa ko.

"Mahina ka naman pala, Buknoy!" tawanan ng mga bata.

Nanlilisik ang mata ni Buknoy habang tinitingnan ako. Matapang kong binalik ang tingin na 'yon sa kanya.

"Ano na Buknoy?" pang-uuyam nila.

Walang pasubaling sinugod ako ng suntok ni Buknoy. Napahiga ako sa pwersa ng kamao niya. Ramdam ko ang unti-unting pamamaga ng kaliwang pisngi ko.

"Tangina mo, Rio. Totoo naman ah? Totoo namang lugmok na kayo! Droga lang naman nagpayaman sa inyo—"

"Hindi 'yan totoo!"

Sinuntok ko ulit siya. Ngayon, nagpalitan na kami ng suntok hanggang sa dumating ang mga kaalyado niya at lugi na ako sa dami nila.

Naghihiyawan ang mga kaedad ko habang nagsusuntukan kami. 'Di nagtagal, unti-unti na akong nanghina dahil sa dami nila.

Sino ba namang hindi mabobokya 'pag anim sila at mas malaki kaysa sa 'yo? Tangina lang.

Habang pinagtatadyak, nakita ko si Kir sa distansya na nakasakay sa bike niyang kinalkal lang namin sa isang lumang junkshop.

Umiling-iling siya habang nakahalukipkip.

Tangina. Kaibigan ko ba 'to?

Kahit masakit na talaga at walang halong biro na gusto ko nang umiyak, hindi pa rin ako bumigay. Imbes ay ngumisi lang ako kay Buknoy na walang ibang ginawa kundi turuan ang mga bubwit niya kung saan ako dapat tadyakan.

Natigil lang ang lahat nang may sasakyang dumating at lumabas doon ang iilang mga taong parang mga bodyguard.

Kinabahan ako lalo na nang makita si Ma'am Meliza na bumaba ng kotse. Magkaibigan sila ni Papa. Pero may kung ano sa kanyang nakakakaba at nakakatakot.

"Ano 'yan? Bakit niyo pinagkakaisahan 'yan?" mahinahong tanong niya sa mga bata.

Nagsitakbuhan naman ang mga duwag.

Una ko siyang nakilala sa party ng kambal. Pagkakita ko pa lang sa kanila, alam ko nang mayayaman at hindi basta-basta. Pero mabait sila sa amin ng pamilya ko.

Nagpapagpag ako ng damit habang tinutulungan ng mga tauhan niya. Bumaling ako sa direksyon ng kinatatayuan ni Ma'am. Istrikta siyang nakatingin sa akin habang hawak-hawak ang kamay ng isang batang ilang taon ang agwat sa akin. Ito siguro ang bunso nila. Nakatagilid ang ulo nito habang pinagmamasdan ako.

Tinitigan ko rin ang batang naka-pigtails. Ngunit bigla itong umismid sa akin at kumalas sa hawak ng Mommy niya para bumalik sa loob ng sasakyan.

Namilog ang mga mata ko sa inasta ng bata. Ilang taon pa ba 'yon? Mukhang suplada na! Hindi naman ganoon sila Rim at Kirsten!

"Chaos, bakit ka nandito?"

Muling nakuha ng ginang ang atensyon ko.

"Imbes na tumulong ka sa Mama at Papa mo, heto ka't nagiging basagulero?"

Hanep. Mag-ina nga talaga. Parehong-pareho sila ng anak niyang suplada!

"N-Naghahanap naman po ako ng trabaho—"

"Trabaho ba ang paghahanap ng away?"

"Hindi po maganda ang sinabi nila sa pamilya ko. Nag-init lang ang ulo ko."

Yumuko ako habang nagsasalita. Totoo naman kasi. Mula noong lumipat kami sa San Nicolas, hindi na maganda ang trato ng mga tao rito sa amin.

Naalala ko pa rin kung paano kuyugin ng pulisya ang papa at lolo ko noon kahit walang warrant o kahit na anong matibay na ebidensya. Batang-bata pa ako noon na halos hindi ko maintindihan kung bakit at paano sila nakulong.

A Day in the Night SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon