Chalice of Truth

19 4 1
                                    

PAGMULAT ko ng aking mata, sinalubong ako ng liwanag ng isang pamilyar na lugar. Sa rooftop ng isang bahay. Nasa harap ko sina Elias at Temu, pero si Temu ay nasa kaniyang orihinal na anyo nung una ko siyang makilala—isang bata na nakamaskara ng dragon.




Magkatapat silang dalawa at seryosong nag-uusap. Sinubukan kong hawakan si Elias ngunit lumagpas lang ang aking kamay sa kaniyang mukha, animo'y isa akong multo. Hindi pa naman siguro ako patay, 'no?




Napahawak ako sa aking leeg. Wala na ang kwintas ni Vincent.




"Vincent..." tawag ko, pero walang sumagot. "Vincent? Kung naririnig mo man ako sa mundo ng mga tao, pinagkakatiwalaan kita ah..."




Wala pa ring sagot.




Hinayaan ko na lang 'yon at pinakinggan ang pinag-uusapan ni Elias at Temu. Hindi naman na ako magtataka kung ako ang pinag-uusapan nila. Naiinis sila sa akin nung mga panahon na 'to e.




"Tama ka nga, Elias. Kailangan nating limitahan ang paggamit ng ating kapangyarihan," seryosong sabi ni Temu. "Hindi ko alam kung epekto lang ba ito na nandito tayo sa mundo ng mga tao, pero nararamdaman kong humihina ang kapangyarihan ko. Paminsan ay hindi ko maramdaman ang iyong presensya."




"Sa tingin mo ba ay unti-unti na rin tayong nagiging tao?" seryosong tanong ni Elias.




Natawa si Temu at mabilis na sinabing, "Malabong mangyari 'yon, Elias." Tapos muling sumeryoso ang kaniyang mukha.




Napasabunot naman si Elias sa kaniyang buhok at tumingin sa langit. "Pagsubok ba ito para sa atin? Wala na ba talaga tayong pag-asa na makabalik?"




"Ang sabi ni Caleb kagabi, walang paraan ang Luna para kausapin ang Timekeeper. Pero kahit nandito raw tayo sa mundo ng mga tao, hindi pwedeng basta-basta na lang mawala ang ating koneksyon sa Timekeeper." Medyo malungkot na ang tono ng boses ni Temu. "Hindi kaya may bago ng mga Gatekeeper kaya wala na tayong koneksyon sa kanya?"




Seryosong tumingin si Elias kay Temu tapos umiling-iling siya. "Imposible! Hindi. Imposibleng may kapalit na tayo agad. Hindi dapat nakakasunod sa atin ang nilalang na 'yon kung may bago ng tagabantay."




"Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit wala tayong naririnig mula sa Timekeeper?" tanong ni Temu.




Hindi kaya ang unti-unting paghina ng kanilang kapangyarihan ang dahilan kung bakit wala silang koneksyon kay Timekeeper?




"Baka panandalian lang naputol ang ating koneksyon sa kanya. Isa pa, malay natin kung matatapos na ang paglalakbay ni Eleanor. Baka nga alam niya na ang kaniyang realidad at kailangan lang natin maghintay na maisakatuparan niya ang kaniyang plano e."




May kakaibang kumirot sa aking puso dahil sa sinabi ni Elias. Sa kabila ng lahat ng inis at panunumbat niya, may tiwala siya sa aking mga sinabi noon.




Ngumiti nang tipid si Temu. "Siya lang talaga ang pag-asa natin."




Napakunot ang aking noo nang lumabo sila sa aking paningin at parang usok na naglaho bigla. Iyon na ba 'yon?




Lumingon ako at nakita ang pamilyar na tahanan ni Lolo Yayo. Umikot pa ako at nakita sina Elias at Temu na nakahiga sa magkalapit na kama. Sa pagitan nila ay si Lolo Yayo na may pinapahid na gamot sa kanilang mga sugat.




Hindi ko namalayan ang pagtulo ng aking luha habang pinagmamasdan ang kanilang kalagayan.




'Hoy! 'Wag ka umiyak, pumapangit ka.'




The Universe Of RealitiesWhere stories live. Discover now