Chalice of Truth

17 4 0
                                    

NAGLALAKAD ako nang imulat ko ang aking mga mata. Hindi naman ako nahirapang intindihin kung nasaang lugar ako at kung bakit naglalakad ako.




Ano naman kaya ang mayro'n dito?




Sa harap ko ay nakikita ko ang aking sarili na pasan ni Elias at nasa tabi si Temu. Ito 'yung unang pagkakataon na naiwasan ko ang aking kamatayan.




Tumingin-tingin ako sa paligid, naghahanap ng kakaiba. Pagkatapos ay sinundan ko na sila paakyat ng footbridge. Ilang sandali pa, naramdaman ko ring ako na mismo ang naglalakad. Ako na mismo ang nagko-kontrol ng sariling katawan.




Habang binabagtas ang kahabaan ng footbridge, nakatitig lang ako sa aking likod. Napansin ko ang aking paglingon upang tanawin ang nakahintong tren sa istasyon.




Maya-maya ay inunahan ko sila ng lakad dahil gusto kong makita ang kanilang mga itsura nung panahon na ito. Napangiti ako nang makita ang medyo naiiritang mukha ni Elias. Si Temu ay relax lang. Sa kanilang dalawa talaga, si Temu ang mas mahinahon.




"Wala ka na bang ibang nasa isip kundi pagkain?" tanong niya tapos mahinang tumawa si Temu.




Naputol din naman ang aking mga ngiti nang makarinig ng sirena ng ambulansya. Huminto ako sa paglalakad at hindi na sila sinundan pauwi. Humawak ako sa railing ng footbridge at tinignan kung saan hihinto ang ambulansya.




Huminto ito sa gilid ng kalsada, malapit sa akyatan ng footbridge. May limang tao ang mabilis na bumaba mula rito at may bitbit na stretcher. Ang takbo nila ay patungo sa direksyon ng istasyon ng tren. Ano kaya ang nangyari?




Hindi rin nagtagal ay may dumating na mga mobil ng pulis. Doon ko lang napansin na hindi pa rin pinabababa ang mga pasahero sa tren. Ang mga pasahero naman na naghihintay makasakay ng tren ay sinundan ang mga medic.




Dahil medyo madilim na at malayo pa ako sa mismong istasyon ng tren, ang tanging natatanaw ko lang ay ang mga pasahero na palakad-lakad at ilang mga pulis sa mismong riles na may hawak na flashlight.




Ilang sandali pa ay natanaw ko rin ang mga lalaking may bitbit na stretcher kanina. Nagmamadali silang umalis sa istasyon patungo sa ambulansya. Pero ngayon, may nakahiga na sa stretcher na kanilang bitbit. At kahit malayo ako, hindi ako maaaring magkamali sa aking nakita. Puro mantsa ng dugo ang kumot na nakatakip sa katawan na kanilang bitbit.




Nakapagtataka lang dahil matapos isakay ang katawan, hindi pa rin umalis ang ambulansya. Hindi ba dapat dinadala na nila ito sa hospital? At bakit nasa istasyon pa rin ang mga pulis?




Tumagal pa ng ilang minuto na nakahinto ang tren sa istasyon. Nabalot ng takot ang puso ko. Hindi ko alam na ganito pala ang nangyari pag-uwi namin nung araw na ito. Para sa akin, isang normal na 'di magandang araw lang ito.




Ilang sandali pa ay nakita kong pinababa na ang mga pasahero sa tren. May ilan ang nagtuloy-tuloy sa paglalakad, walang ibang nasa isip kundi ang makauwi sa kanilang tahanan. Ang iba naman ay nanatili pa at sinubukang makiusyoso para malaman kung ano ang nangyari.




Naalala ko bigla ang aking panaginip nung isang araw. Ang mga tingin sa akin ng mga pasahero, tila ba inaakusahan ako at sinisisi sa nangyari. Ang hiwa-hiwalay na parte ng katawan. Ang aking mga kamay na nababalot ng dugo.




Nanatili akong nakatanaw sa tren hanggang sa may ilang nagdaraan ang narinig kong nag-uusap tungkol sa nangyari.




"Nagulat nga ako sa kalabog! Malamang n'yan, hiwa-hiwalay ang parte ng katawan kaya nand'yan pa ang mga pulis."




The Universe Of RealitiesDove le storie prendono vita. Scoprilo ora