Kabanata LVI. Harapan

33 7 0
                                    

Pagsasalaysay

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Pagsasalaysay

Patuloy ang pakikipaglaban ni Prinsipe Rafhael sa dalawang hukbong sumugod sa gitnang bahagi ng bansa - Himlayanan at ang Hilagang-Silangan.

Ramdam na niya ang panginginig ng tuhod dahil sa pagod sa pakikipaglaban. Halos isang oras na din ang mga itong patuloy na nakikipagdigmaan para sa kanilang buhay. Hindi basta-basta sumusuko ang mga kawal ng Timog-Silangan kahit na alam nilang wala ng pag-asang makita ang mga mahal nila sa buhay.

Dahil sa prinsipe ay patuloy na nabubuhay ang kanilang loob upang tumayo at magpatuloy sapagkat halos karamihan ng mga kawal na lumusob sa kanila ay si Prinsipe Rafhael ang pinupuntirya.

"Walang hari na makikinita sa Hilagang-Silangan at Himlayanan kaya't may pag-asa pa tayo."

Ito ang itinatatak sa isip ng bawat kawal habang pilit bumabangon. Di hamak na mas may karanasan ang mga Timog-Silangan sa pakikipagdigmaan ngunit dahil sa dami ng kanilang kalaban ay nababaliwala ang kakayahan nilang makipagduwelo.

Pagod na ang lahat at ang iba'y isinuko na ang buhay nila sa kalaban sapagkat ang tanging nasa isip nila ay hindi magiging baliwala ang kanilang pagkamatay sapagkat para sa kaharian ang buhay na ibinuwis nila.

"Prinsipe Rafhael." Tumigil ang karamihan nang makitang nakaluhod ang prinsipe sa lupa habang nakatukod ang noo nito sa dulo ng hawakan ng kaniyang espada.

Dumudugo na ang noo nito pati na rin ang kaniyang mga braso at hita dahil sa iba't-ibang tama na naranasan sa iba't-ibang kawal. Malalim na ang paghinga ng prinsipe ngunit pilit pa rin itong tumatayo.

Tumawa ang mga Himlayanin na nasa harap ng prinsipe bago sinipa ang tiyan nito. Napaubo ng dugo ang prinsipe bago niya naramdaman ang pagtapak ng lalaki sa kaniyang likod. Halos hindi na niya mahabol ang kaniyang paghinga dahil sa pagod at pagtuon ng lalaki sa kaniyang baga.

"Mukhang mamamatay ka ng may paninindigan, prinsipe. Baliwala lamang ito kung hindi mo kami mapapaslang kaya't sumuko ka na. Ito na ang katapusan mo."

Gusto mang itaas ni Prinsipe Rafhael ang kaniyang katawan ay parang ito na mismo ang sumuko. Buhay pa ang kaniyang diwa upang makipaglaban ngunit ang katawan na niya ang pilit na humihila sa kaniya paibaba.

Dahil sa takot na bawian si Prinsipe Rafhael ay nawala ang atensyon ng mga Timog-Silangan sa kanilang kalaban na agad na naging pagkakataon ng mga ito na patayin ang mga Timog-Silanganin.

Pinilit itaas ni Prinsipe Rafhael ang kaniyang mga kamay upang patigilin ang mga ito sa pagpatay ngunit wala ni isa sa kanila ang nagbibigay pansin sa prinsipe.

'Kung naging maingat lamang ako sa pagpili ng desisyon hindi sana ito mangyayari sa mga kawal na siyang ibinigay ang buong tiwala sa akin. Hindi ka karapat-dapat na tawaging prinsipe, Rafhael. Patawad, ama. Froilan, ingatan mo ang iyong sarili. Beatrice, maraming salamat sa lahat, patawad kung hindi na kita makakayang iligtas.'

Monarkiya: Ang Pagbagsak | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon