Kabanata 14

1.2K 65 6
                                    

Kabanata 14


"SAAN mo ba ako ulit dadalhin, Kyohei? Ikaw ah, paborito mo akong kaladkarin kung saan-saan."

Napailing na lamang si Kei sa winikang iyon ng ngayon ay nobya na niyang si Arianne. Dapat ay five years ago pa niya itong naging nobya kung hindi sana siya nagkamali ng pasya noon, kung hindi sana siya natakot. Pero nakalipas na iyon. Ang mahalaga ay sila na ngayon at ang mahalaga ay mahal pa rin nila ang isa't isa kahit limang taon na ang nakalipas.

Isang linggo na ang lumipas simula noong naging sila. Sa loob ng mga araw na nagdaan ay wala silang ginawa ni Arianne kundi ang mag-date. Halos hindi na nga sila mapaghiwalay na dalawa. Nawalan na siya ng oras sa mga kaibigan niya dahil mas gusto niyang makasama si Arianne. Maging ang tungkol kay Polo ay nawala na sa isip niya. Pinaubaya na niya iyon kay Enzo.

Bahala na itong magpaliwanag sa mga kaibigan nila kung ano ba ang tunay na nangyari tungkol sa issue kay Polo Navar.

Masasabi niyang ang pinakamasayang araw sa buhay niya ay iyong mga araw na kasama niya si Arianne. Pero walang makakapantay sa kasiyahang naramdaman niya noong nagtapat siya dito ng damdamin at ganoon din ang ginawa nito.

"Sa mall."

"Bakit?"

"Basta. Huwag nang maraming tanong. Sakay na," aniya at pinagbuksan ito ng pinto sa sasakyan niya.

Sumakay na ito at kaagad siyang lumingid papunta sa driver's seat. Pagkasakay na pagkasakay ay kaagad niyang ginagap ang kamay ni Arianne at pinisil iyon. Kaagad din niya iyong binitawan dahil magmamaneho pa siya.

Kalahating oras ang lumipas bago sila nakarating sa mall. Sa loob ng kalahating oras na lumipas ay pulos kuwentuhan at lambingan ang namagitan sa kanila ni Arianne. Paminsan-minsan ay hinahawakan niya ang kamay nito kapag kulay pula ang stoplight. Hilig niya talagang hawakan ang kamay nito.

Pagkababang-pagkababa sa sasakyan ay lumingid siya sa puwesto ni Arianne at pinagbuksan ito ng pinto. Ginagap niya ang kamay nito at inakay ito papasok sa entrance ng mall.

"Saan ba—"

"Kulit, o. Kalma lang."

Lumabi ito. "Okay."

Nang makita ni Arianne ang pinagdalhan niya dito sa loob ng mall ay kaagad na kumislap ang mata nito at napapalakpak pa. "Ice skating? Mag-ice skating tayo?" tila batang anito sa kanya.

Tandang-tanda pa niya ang pagkahilig nito sa pag-ice skating noon pa. Kung may free time lamang sila noon, palagian silang tumatambay sa lugar na may-ice skating rink kagaya nito.

"Yup. Naalala kong favorite mo kasi—"

Hindi na niya natapos pa ang sasabihin dahil dinamba na siya ng yakap ni Arianne at pinupog ng halik sa mukha. Natatawang hinawakan niya ito sa beywang upang balansehin ang pagkakalambitin nito sa kanya.

"Thank you, thank you, thank you!"

"Thank you lang?"

"I love you, I love you, I love you!"

Magaang hinalikan niya ito sa labi. "I love you, too. Halika, bili na tayo ng tickets."

Hawak ang kamay ni Arianne ay pumila sila sa ticket booth. Ilang minuto ang lumipas at kapwa na sila nasa loob ng skating rink. Parang batang nagpa-ikot-ikot si Arianne habang siya't kuntento na panoorin ang babae. Makita lamang itong masaya ay masaya na siya. Kaya nga ginagawa niya ang lahat upang mapasaya ang babaeng mahal niya.

"Hoy, Kei. Huwag kang tumayo lang diyan. Halika dito, bilis!"

Napapailing subalit nakangiting nilapitan niya ang nobya. Kahit ano yata ang hilingin nito ay gagawin niya. Inilahad niya ang kamay at kaagad naman iyong ginagap ni Arianne. Paikot-ikot silang dalawa sa loob ng rink at nang mapatingin siya sa oras sa kanyang relo ay kaagad niyang dinala si Arianne sa pinakagitnang bahagi ng rink.

"Dito muna tayo."

"Bakit?"

"Gusto ko lang matupad iyong isa mong wish."

"Ano?"

"Basta. Daming tanong," aniya at marahan itong pinitik sa noo,

Nang eksaktong alas-sais na ng gabi ay unti-unting nagbagsakan ang tila niyebe sa kinatatayuan nila ni Arianne. Hindi totoong niyebe ang bumabagsak. Improvised lamang iyon na pinalagay niya para sa araw na ito. Kakilala ng pamilya niya ang may-ari nitong mall kung kaya't pumayag ito sa plano niya.

Kitang-kita niya ang saya sa mukha ni Arianne habang tila batang sinasalo ang pekeng snow.

"Snow! May snow!" kumikislap ang matang anito sa kanya. Hindi matatawaran ang nakikita niyang saya sa mata nito habang nakatingin ito sa kanya.

Lahat ng pagod na dinanas niya para sa improvised snow na ito ay nasulit dahil sa sayang nakita niya sa mata nito.

"Oh, my! Thank you, Kei! As in thank you! I love you so!"

Natatawang niyakap niya ang nobya at hinalikan ito sa noo. Gagawin niya ang lahat upang mapanatili ang ngiti sa labi nito. Lahat-lahat.



"KYOHEI, mag-usap nga tayo sandali."

Mula sa pagtingin sa larawang nakaipit sa kanyang mini-notebook ay iniangat ni Kei ang kanyang paningin at binalingan ang nagsalita. It was Enzo. Kasalukuyan siyang mag-isa sa locker room at nagpapalipas ng oras. May klase pa kasi si Arianne kung kaya't hindi pa niya ito mapuntahan.

"Ano 'yon, Enzo?"

Humalukipkip si Enzo at sumandal sa hamba ng pintuan. "About Navar."

"What about him?"

Inayos ni Enzo ang salamin nito sa mata. "Hindi mo ako maloloko, Kei."

Napabuga siya ng hangin at sinara ang hawak na notebook. "Sorry. I just want to be with—"

"I know. Don't worry. I won't take it against you. Alam kong wala sa usapan natin iyon pero naiintindihan kita. Do what makes you happy, whatever."

Napangiti siya nang marinig ang winikang iyon ni Enzo. "Thank you, Enzo. Iba talaga ang hatid ni Allie sa ugali mo."

Hindi niya alam kung mamalik-mata lamang siya subalit tila naging mas malamig pa sa yelo ang mga mata ni Enzo nang banggitin niya ang pangalan ni Allie.

"Huwag mo munang banggitin sa mga kaibigan mo ang tungkol sa scheme natin tungkol sa alliance at kay Navar. Hayaan mo muna silang mataranta at magpursige sa pag-e-ensayo."

Tumango na lamang siya at sinundan ng tingin ang papalayo nitong pigura. Something was off about Enzo pero ipinagkibit na lamang niya iyon ng balikat. Ang isip niya ay napunta sa tinutukoy ni Enzo.

Ang tungkol sa "alliance" di umano na pinasisimunuan ni Polo Navar ay gawa-gawa lamang ni Enzo. Gusto lamang daw di umano nito na buhayin ang dugo ng mga kaibigan nila. Masyado daw kasing nagiging kampante ang mga ito porket ga-graduate na sila.

Kakuntsaba nila si Polo Navar kung kaya't ang narinig noon ni Arianne ay hindi totoo. Nakita na kasi niya ito na nagmamanman kung kaya't pinalabas niyang nagta-traydor siya sa Tennis Knights upang hindi mabuko ang plano ni Enzo.

Hindi mahalaga kung tutuusin ang tape recording pero pilit niya iyong kinukuha kay Arianne. Bakit? Dahil iyon lamang ang tanging paraan para makalapit siya noon sa babae. Ginamit niyang dahilan ang kasinungalingang iyon para mapalapit muli kay Arianne.

At masasabi niyang naging tama ang desisyon niya dahil ngayon ay higit pa sa kaibigan ang turingan nila ni Arianne. Magkasintahan na sila. In a way ay may naitulong din pala si Enzo sa love life niya.

Sana naman ay hindi na magulo pa ang masaya niyang araw sa piling ni Arianne.

Lucky We're In Love (Tennis Knights #6) (Published under PHR)Where stories live. Discover now