Lakas-loob na nagtapat si Yannie ng pag-ibig sa kaibigan niya na si Kei pero halos madurog ang puso niya sa ibayong sakit nang deretsahang sabihin nito na kapatid lamang ang tingin nito sa kanya. Upang makalimot ay nilayuan at iniwasan niya ito. Limang taon ang lumipas na hindi sila nagpapansinan. Nakaya niyang mabuhay nang hindi kasama si Kei. Hanggang isang araw ay nilapitan siya nito dahil sa nalaman niyang sekreto nito. Gusto rin nito na ibalik ang nasirang pagkakaibigan nila pero alam niya na nagkukunwari lamang ito upang kunin ang loob niya at hindi siya magsalita laban dito. Pero siya na yata ang reyna ng katangahan dahil naniwala pa rin siya rito. Hanggang sa ang damdaming akala niyang naglaho na ay muling umusbong. Ngunit ang inaakala niyang totoong pagmamahal nito ay lokohan lamang pala talaga. Mukhang hindi na Band-Aid ang kailangan ng puso niyang sugatan kundi ang pagmamahal ni Kei-pagmamahal na malabong makuha niya.