Simula

2.7K 85 21
                                    

Simula


HUMINGA nang malalim ang labing-anim na taong gulang na si Arianne habang nakatingin sa nakayukong pigura ng kanyang kaibigan na si Kyohei Sawada. Kasalukuyan silang nasa library ng Holy Cross Academy at nagpapalipas ng oras. Parehas silang graduating ngayong batch. Si Kyohei ang class valedictorian nila habang siya ang salutatorian.

Magkaibigan sila ni Kyohei simula pa noong nasa grade one pa lamang sila. Simula noong ipinagtanggol siya nito sa mga kaedaran nilang estudyante na nang-aaway sa kanya ay naging magkaibigan na sila. Palagiang nasa tabi niya si Kyohei. Hindi siya nito pinapabayaan. Isang kapatid, kaibigan at kasangga ang tingin niya dito noong una.

Hanggang sa magkagusto siya dito.

Hindi niya alam kung kailan nag-iba ang tingin niya kay Kyohei. Noong una ay kaibigan lamang ito sa kanya pero nagising na lamang siya isang umaga na naghahangad ng iba pa—hinahangad ang pagmamahal nito.

Nasa ikalawang taon na sila noon sa high school nang mapansin niyang nag-iiba ang pagtrato niya sa lalaki. Nagkagusto siya kay Kyohei, nahulog at hindi na nagawang makaahon. Hanggang sa tuluyan siyang nalubog—minahal niya ang kanyang kaibigan.

Noong nasa ikaapat na taon na sila ng high school niya natanggap sa sarili niya na mahal niya talaga ang kaibigan. Ginawa niya ang lahat upang itago iyon. Hindi niya gustong mawala sa kanya ang kaisa-isang lalaking naging kaibigan niya. Oo, may iba siyang kaibigan kagaya ni Ian na kaibigan niya bago pa niya naging kaibigan si Kyohei pero iba si Kyohei kay Ian.

Ibang-iba.

Pero nahihirapan na siyang itago ang damdamin niyang ito. Ang hirap itago ang damdaming pilit kumakawala sa kanyang puso. Gusto niyang panatilihing lihim na lamang ang pagtingin niya sa lalaki pero nahihirapan na siya. Abot-kamay niya ang lalaki subalit pakiramdam niya ay ang layu-layo nito.

Napahinga siya nang malalim. Ramdam niya ang pamumuo ng pawis sa kanyang noo gayong pagkalamig-lamig dito sa loob ng library. Kinakabahan kasi siya sa nabuong pasya sa kanyang utak. Ilang araw na ba niya itong pinag-isipan? Linggo na nga yata. Graduation na nila bukas. Gusto niyang masabi man lamang sa kaibigan ang kanyang pag-ibig para dito bago man lamang sila maghiwalay ng landas. Ang alam niya kasi ay sa Japan ito magko-kolehiyo.

Umalis man ito ay wala siyang magiging pagsisisi dahil masasabi niya ang damdamin para dito.

"May problema ba, Yannie?" ang tinig na iyon ni Kyohei ang pumukaw sa pag-iisip niya.

Bumilis ang tibok ng puso niya nang makasalubong ang kulay tunaw na tsokolate nitong mata sa likod ng suot nitong salamin na may itim na frame. He looked so cool when he was wearing that black-rimmed eyeglass of him.

Ngumiti siya. Hindi niya maiwasang hindi ngumiti kapag nakikita si Kyohei. Mayroong kung ano kay Kyohei na siyang nagiging dahilan ng pagsilay ng ngiti sa kanyang labi ng walang dahilan. Makita lamang niya ang lalaki ay napapangiti na siya. Ganito siguro talaga kapag nagmamahal ka.

"Yannie?"

Pumikit-pikit siya at bahagyang iwinasiwas ang kamay. "Wala, wala. May naisip lang ako bigla." pagsisinungaling niya.

Yannie. Si Kyohei lamang ang bukod tanging tumatawag sa kanya niyon. Kapag may tumatawag sa kanya ng "Yannie" bukod kay Kyohei ay nag-aamok siya. Gusto niyang ang lalaki lamang ang tumawag ng ganoon sa kanya.

"Mukhang malalim nga ang iniisip mo. Kunot na kunot ang noo mo, o," anito. Lumapit ito ng bahagya sa kanya at marahang hinaplos ang nakakunot niyang noo.

May kung ano siyang naramdaman dahil sa simpleng inakto nito. Eto na yata 'yong sinasabi nilang "spark."

"Actually, may sasabihin sana ako sa 'yo, Kyohei," aniya sa mahinang tinig.

Itinukod nito ang magkabilang siko sa mesa at ipinatong ang baba sa palad. Tuwid na tuwid ang tingin nito sa kanya at hindi niya maiwasang hindi mailang. Tila ba kayang-kaya nitong basahin ang pinakatatago niyang lihim dahil sa uri ng titig nito. Tila ba gusto na nga niyang matunaw sa titig nito.

"Ano 'yon?"

Napapikit siya kasabay nang pagbalot ng takot sa puso niya. Kapag sinabi niya ang tunay niyang nararamdaman para kay Kyohei, hindi malayong masira ang pagkakaibigan nilang sinubok na ng kaytagal na panahon. Ilang araw na ba niyang hinanda ang sarili para sa araw na ito pero bakit nandito pa rin sa puso niya ang takot?

Pero hindi na niya gustong makulong sa isang pagkukunwari. Pagkukunwari na kaibigan lang ang turing niya sa lalaki gayong mahal na mahal na niya ito.

"Kyohei, I, ah... I, ano—"

"Hmm? May masakit ba sa 'yo, Yannie?" anito at hinawakan siya sa pisngi.

Pumikit siya at bahagyang ikiniling ang ulo sa kamay nito. Kung hindi man maging maganda ang kahahantungan ng pagtatapat niya, ito na marahil ang huling pagkakataon na maramdaman niya ang init ng kamay nito. Ito na rin marahil ang huling pagkakataon na makakausap niya ito. Sabagay, pupunta na naman ito ng Japan, eh.

Dumilat siya at tiningnan ng diretso sa mata si Kyohei. "I love you, Kyohei. Hindi bilang best friend o kapatid. Mahal kita."

Wala siyang narinig na tugon mula sa lalaki. Nanatili lamang itong nakatitig sa kanya. Namuo ang luha sa mata niya lalo pa noong nakita niya ang iba't ibang emosyon sa kulay tsokolate nitong mata. She saw guilt, pain and sadness on them.

"Yannie—"

"I'm not asking for you to love me, too, Kyohei. Gusto ko lang malaman mo kasi hirap na hirap na akong itago, eh."

Napabuga ng hangin si Kyohei at marahas na hinagod ang may kahabaan nitong buhok. "I'm sorry, Yannie. Isang kapatid lang ang tingin ko sa 'yo."

Tila may tumusok na patalim sa puso niya nang marinig ang winika nito. Oo at handa na siya na ganito ang mangyayari pero masakit pa rin pala kapag narinig mo mula sa bibig ng mahal mo na hindi ka nito magagawang mahalin dahil isang kapatid lamang ang turing nito sa 'yo. Tama nga sila na kaibigan o kapatid ang pinakamasakit na itatawag sa 'yo ng taong mahal na mahal mo.

Ngumiti siya ng pilit sa kabila ng pamumuo ng luha sa kanyang mata. "Hoy, ayos lang, 'no! Huwag ka ngang tumingin sa akin ng ganyan. Ayos lang ako," aniya at pilit na tumawa. Kaagad siyang yumuko at kinalkal ang kanyang bag upang maitago ang luha sa kanyang mata. "Ay, may naiwanan ako sa classroom. Teka, hindi na ako makakasabay sa pag-uwi, Kyohei. Sorry!"

Hindi na niya hinintay na sumagot ang lalaki at dali-daling nilisan ang lugar. Sa magkabila niyang pisngi ay ang masaganang luha na dire-diretso sa pagpatak.

Right there and then, she vowed to herself that she would forget what had happened. Even if it meant forgetting her best friend, Kei...

Lucky We're In Love (Tennis Knights #6) (Published under PHR)Where stories live. Discover now