Chapter 22

141K 3.8K 3.4K
                                    

Ilang buwan matapos ang pangyayaring iyon, ay hindi naging madali ang pamumuhay ko. Halos sumabog sa galit si mama nang nalaman naming buntis ako.




Ilang araw akong tulala at hindi malaman ang gagawin. Hindi ako makapaniwalang nawala sa isip ko na may posibilidad ngang mabuntis ako. Galit na galit ako sa sarili ko, kay Loren, at kay Ella. Kung magsasama sila dahil nabuntis niya si Ella.. paano naman ako? Paano itong anak ko.




Naipagpaliban ang pag te-take ko ng BAR exam. Lalo akong namuhi sa sarili ko dahil akala ko ay hindi ko na matutupad ang pangarap ko. Balak ko sanang magtrabaho habang kaya ko pa, pero pinigilan ako ni Cole.  Tanging sa kaniya  na lang kami kumakapit nung mga panahong sabay-sabay ang problema namin. Nakakahiya na pero wala kaming magagawa.




Tinapos ko ang huling sem ng law school, hindi pa naman lumalaki ang tiyan ko noon. Pumasa ako, pero walang special awards na dapat ay makukuha ko noon. Nagpapasalamat ako kay atty. Felasco dahil sa konsiderasyong ibinigay niya sa akin. Hindi rin alam ng mga ka batchmates ko ang tungkol sa pagbubuntis ko.




Sinabi ni Atty. Felasco na open pa rin naman para sa akin ang offer ng MALF dahil qualified pa rin ako. Pero hindi ko iyon kaagad nakuha dahil buntis ako.




Nagtrabaho si mama bilang janitress sa law firm na pinagtatrabahuhan ni Cole dito sa Gapan. Ako ang nag-aalaga kay Gino habang ipinagbubuntis ko ang anak namin ni Loren.




Walang gabi na hindi ako umiyak dahil sa pangungulila at hirap ng buhay. Minsan ay naiisip ko nalang na sumuko dahil hirap na hirap na si mama at anumang oras ay puwedeng magkasakit ulit si Gino. Idagdag mo pa na pareho lang naman kaming buntis ni Ella pero bakit ako ang dapat magsakipisyo?





Dibale, ayoko rin namang mabuhay itong anak ko na malapit sa babae ng tatay niya. Mabuti na rin siguro ito. Kaya naman namin kahit papaano.




Araw-araw akong kinakamusta ni Yana nang umuwi ako rito sa Nueva Ecija. Nagpapadala siya ng mga groceries at maintainance namin ni mama. Minsan ay may kasama pang pera kaya nahihiya na rin ako sa kaniya. Ganoon pa man, ay malaki ang pasasalamat ko.




Sinabihan ko siyang huwag ipapaalam kay Loren ang tungkol sa pagbubuntis ko. Sumunod naman siya kahit pa gusto niyang malaman iyon ni Loren dahil hindi raw namin deserve ng anak ko na walang sustento sa kaniya.




I said we don't need it. Magtatrabaho ako pagkatapos at  hindi ko kailangan ng pera ni Loren. May pamilya din siyang bubuhayin kaya hindi ko siya guguluhin.




Nanganak ako nang wala si Loren. Si mama at Cole ang kasama ko sa hospital. Iyon din ang araw na naging maayos kami ni mama. Nagkasundo kaming bubuhayin ang anak ko at magpapatuloy ako sa pagtatrabaho kapag umayos na ang lagay ko.




"Cohen.. Cohen Grey,"  sabi ko sa nanghihinang boses.




Tumango si mama habang nakangiti at lumuluha, ako man ay hindi mapigilan ang sobrang tuwa. Nandito na, nandito na ang anak ko.. galing siya sa akin. Nanay na 'ko. Parang gusto kong  sumigaw sa sobrang tuwa. Habang pinagmamasdan ko ang sanggol sa aking kamay ay tila hinahaplos ang puso ko.




"Magandang pangalan, anak.. bagay sa kaniya." napahikbi ako habang nakangiti. Hinalikan ko ang ulo ng sanggol habang nakahawak ang isa kong kamay kay mama.




"Congratulations, Celine.." nginitian ko si Cole na nakangiti habang nakatanaw sa amin.




I mouthed 'thank you'. Halos namalat kasi ang boses ko kanina sa pag-ire at pagsigaw dahil sa sakit.




La Cuevas #1: When The Star Falls (PUBLISHED UNDER IMMAC)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon