"Okay lang sana... Kaya lang, paano si Maddie? Wala pa si Matt, walang magbabantay sa kanya." Wika ni Brae at naupo na rin sa tabi ng kanyang kaibigan.

"Ganoon ba, sayang naman," Malungkot na saad ni Charity. "Eh kung isama na lang kaya natin si Maddie? Ang alam ko pwede ang bata roon sa party na pupuntahan natin. Wala namang inuman doon, kain-kain lang." Nakangiting dagdag pa ng dalaga.

Sandaling nag-isip si Brae at tinitimbang kung sasama ba siya kay Charity. Ngunit nang makita niya ang itsura nito ngayon na nagpapaawa, ay mabilis na lang na tumango si Brae tanda nang kanyang pagsang-ayon sa dalaga.

"Yes! Text mo na lang si Matt, sabihin mo hiramin muna kita at saka itong inaanak kong ganda-ganda." Masiglang turan ni Charity at ginawaran nang maraming halik sa pisngi ang batang si Maddie.

"Sige Cha, pabantay muna kay Maddie. Magbibihis lang ako." Aniya rito bago tumungo sa kanilang silid ni Matt.

Habang nag-aayos, naisipang tawagan ni Brae ang kanyang kasintahan ngunit hindi ito sumasagot. Ilang beses pa niyang sinubukang makausap ito, ngunit wala talagang sumasagot sa kabilang linya. Napagpasyahan na lang ng dalaga na padalahan ng mensahe ang kanyang kasintahan, na sa ganoon ay maabisuhan niya ito tungkol sa kanilang pag-alis.


To: Love ❤️

Love, alis lang kame sandali ni Maddie. Sama lang kami kay Cha magpunta sa party. Reply ka naman please, I love you.


Pagkapadala niya ng mensaheng iyon ay agad nagpatuloy si Brae sa pag-aayos ng kanyang sarili. Minuto lang ang itinagal bago siya mabilis na natapos saka binihisan na rin ang kanyang anak na si Maddie.

Sumakay nang taxi ang dalawang dalaga. Hindi pa ganoon kapamilyar si Brae sa mga lugar sa Maynila, kaya hindi niya tiyak kung saan papunta ang kanilang sinasakyan ngayon.

Masayang nagbiyahe ang magkaibigan dahil na rin sa presensya ng batang si Maddie. Umabot sila ng kalahating oras sa biyahe bago huminto ang taxi sa harap ng isang itim na gate na may kataasan, kumpara sa tipikal na halintulad nito.

"Manong sa tabi na lang po kami, heto po ang bayad." Ani Charity bago tuluyang lumabas ng taxi.

Namangha naman si Brae nang makita ang lugar na pagdarausan ng nasabing okasyon. Habang naglalakad, bumungad sa dalaga ang isang magarbong set-up ng garden doon. Napansin niya ang pinaghalong pula at puting motif na napiling kulay nang may paokasyon.

Nangunot naman ang noo ni Brae nang tuluyan na silang makalapit sa nasabing bulwagan, "Cha, hindi mo naman sinabing kasal pala itong pinuntahan natin." Kalabit niya sa kanyang kaibigan habang bumubulong.

"Ah sensya na 'te, naimbitahan lang din ako. Eh nahihiya naman akong pumunta mag-isa, kaya sinama na kita." Nakangiwing wika nito saka nagpeace-sign sa kanya.

"Ayos lang naman, pero sigurado ka bang ayos lang kami ni Maddie rito?" Pagtatanong pa niya sa kanyang kaibigan habang patuloy sa pagmamasid sa buong paligid.

"Oo 'te kaya lang may dress code, hindi pwede 'yang suot mo." Biglang saad ni Charity dahilan para lingunin siya ng mabilis ni Brae.

"Bakit kasi hindi mo agad sinabi sa akin? Hindi na sana kami tumuloy ni Maddie."

"Eh nakalimutan ko ngang sabihing may dress code. 'Di bale may dala naman akong eskstrang dress dito, sigurado akong babagay ito sa'yo," Ani Charity saka iniabot ang isang malaking paper bag sa dalaga.

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora