NH Chapter: 9

106K 2.6K 65
                                    

Naging regular na ang pagtatanghal ni Brae sa Heaven's Club. Marami kasing parokyano ang nagustuhan ang kanyang pag-awit sa entablado, dahil nakakatanggal daw ito ng pagod at ang iba naman ay nahuhumaling, hindi lang sa boses kundi sa kabuuang pigura ng dalaga.

May mangilan-ngilang customer ang nagpupumilit na i-table si Brae, ngunit agad naman niya itong tinatanggihan dahil hindi siya kumportable sa linya ng ganoong trabaho. Mas gusto kasi ni Brae na pagsilbihan na lang ang mga ito bilang isang waitress/singer para na rin sa kanyang kaligtasan.

Ngayon ay abala si Brae sa pagpupunas ng isang bakanteng lamesa sa Club. Mayroon kasing isang grupo ng customer na bagong dating ng gabing iyon at nangangailangan ang mga ito ng mesa para kanilang magamit. Punuan kasi sa nasabing establisyemento, kaya't paspasan ang trabaho nina Brae at Charity bilang waitress.

"Maiden!"

Sigaw sa kanya ng isang lalaki na nabobosesan niya, walang iba kundi si Niel. At nang lingunin niya ito, ay daglian naman siyang sinenyasan ng binata para papuntahin sa bar counter.

Tinapos na ni Brae ang pagpupunas ng mesa, bago tuluyang pinuntahan ang binata, "Niel, ano ang atin?" Bungad na pagtatanong niya rito saka ipinatong ang kanyang dalawang braso sa bar counter.

Iminustra naman nito ang kanyang kamay na parang sinasabing sandali lang. At nakita ni Brae na may kinuha ito sa Liquor Rack at saka siya nito binalingan, "Maiden, pakidala nito sa Red Room." Saad ni Niel saka ipinatong ang isang mamahaling alak sa bar counter.

"H-ha? Bakit naman ako?" Pagtatanong niya rito, dahil hindi pwedeng pumasok ang mga waitress doon. Tanging mga Bartender at Entertainer lang ang pinapayagang mag-serve roon dahil ito'y isang pribadong kwarto para sa mayayamang customer.

"Ewan ko nga, sinabihan lang din ako ni Mamang na dalahin mo raw ito roon." Kibit-balikat na usal lang ni Niel sa dalaga.

"O-okay." Kahit naguguluhan ay kinuha na lang ito ni Brae. Mabilis niya itong inilagay sa isang tray, kasama ang isang maliit na bucket na may lamang mga yelo at dalawang baso.

Habang naglalakad, ay malayang sinisipat ni Brae ang bote ng alak. Alam niyang mamahalin ito dahil nakita niyang sa liquor rack ito kinuha ni Niel kanina. Nabasa niya ang label nito na, Camus Cognac at nagkibit-balikat na malamang saka nagpatuloy sa kanyang paglalakad.

Ilang mga mesa ang kanyang dinaanan bago nakarating sa VIP Room ng Club. Iba't iba ang mga kulay ng bawat pintuan sa pribadong kwarto. Mayroong  kulay asul, dilaw, berde, puti, itim at sa huli ay ang pulang kwarto, na napasukan na niya noon dahil sa paghila sa kanya ni Matt doon.

Muling nanumbalik sa kanyang isipan ang imahe ng binata. Simula kasi noong unang beses siyang kumanta sa entablado, ay iyon na rin ang huling beses niyang nakita ang pigura nito sa Club. Halos dalawang linggo na ang lumipas, ngunit hanggang ngayo'y hindi pa rin niya nasisilayang muli ang binatang si Matt.

"Kailan ko kaya siya makikita ulit?" Mahinang sambit ni Brae sa hangin. Napabuga na lang ng malalim na hininga ang dalaga saka muling naglakad papunta sa pulang pinto.

Nang marating niya ang harap nito ay agad niyang inayos ang kanyang sarili, bago tuluyang kumatok ng tatlong beses sa pintuan. Narinig ni Brae ang tunog ng seradura ng pinto at ilang segundo lamang ang lumipas nang tuluyan itong bumukas.

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon