NH Chapter: 28

79.8K 1.7K 119
                                    

Halos dalawang linggo nang hindi umiimik si Brae sa kanyang kasintahang si Matt. Madalang na rin silang magkita ng binata sa condo, dahil lagi lamang siyang nasa loob ng kwarto at nagmumukmok.

Samantalang si Matt naman ay hindi pumapalya sa paghingi ng kapatarawan sa kanyang kasintahan. Palagi nitong ipinaghahanda ang dalaga ng umagahan at tanghalian sa lamesa. Kapag gabihan naman ay hinihintay niya itong lumabas sa kwarto, ngunit ni isang sulyap o kahit anino ni Brae ay hindi niya nasisilayan.

"Love, miss na miss na kita." Malungkot na saad ni Matt, na ngayon ay nakaupo sa couch habang umiinom ng alak. Diretso lang itong nakatingin sa pintuan ng silid ni Brae, nagbabaka-sakali na makikita't lumabas doon ang dalaga.

Sa loob nang dalawang linggo na hindi niya nakakasama si Brae, ay parang mababaliw na ang buong pagkatao ni Matt. Gustong-gusto niyang ipaliwanag sa kanyang kasintahan ang lahat-lahat, ngunit ayaw naman niyang tuluyang magalit pa ito sa kanya, kaya naman hinihintay na lang ni Matt na humupa ang galit nito kahit gaano pa katagal.

Lumalalim na ang gabi at halos maubos na ni Matt ang isang litro ng whiskey. Dala na rin ng kanyang kalungkutan at pagod sa trabaho, ay umupo na lang ito sa sahig habang hawak ang baso na kanyang gamit sa pag-inom ng alak. Langong-lango si Matt sa tama ng alak kaya't hindi na niya nagawa pang pumasok sa kanyang sariling silid. Nang akmang tatayo na ito ay biglang natumba ang binata at tumilapon ang baso nito sa sahig, dahilan para umalingawngaw ang tunog nang nabasag na baso sa buong condo unit.

Tuluyan nang napahiga si Matt sa malamig na semento na yari sa ceramic tiles, pinilit pa niyang bumangon ngunit mas nanaig ang lakas ng tama ng alak sa kanyang buong sistema. Pilit iminumulat ng binata ang kanyang mga mata dahil parang nakita niya ang bulto ni Brae na ngayon ay nakatayo sa kanyang harapan.

"Matt... Matt!" Rinig niyang sambit nito habang tinatapik ang kanyang pisngi.

Hindi na kinaya ni Matt ang antok, kaya't tuluyan na itong nakatulog sa sobrang kalasingan.

Habang nakadungaw sa bintana si Brae, ay nagulat siya nang may marinig na tila nabasag na bagay sa labas ng kanyang silid.

"Matt." Ang pag-aalala agad sa binata ang unang pumasok sa kanyang isipan ng mga sandaling iyon.

Dali-daling lumabas si Brae sa kanyang silid, at pagbukas niya nang pintuan ay bumungad sa kanya ang binata na ngayon ay nakahandusay na sa sahig. Maagap siyang lumapit dito saka tinapik ang pisngi ni Matt para malaman kung ayos lang ba ang kalagayan nito.

"Matt... Matt." Punong-puno nang pag-aalalang sambit niya rito habang tinatapik ito sa pisngi.

Mas lalo namang nag-alala si Brae nang makita ang kamay nito na may bahid ng dugo, "Love..." Histerikal niyang saad sa binata saka mabilis na hinablot ang maliit na basahan na nakapatong sa center table.

"Matt, ano ka ba naman. Bakit ka kasi umiinom hindi mo naman pala kaya." May bahid nang pagkainis na turan niya sa kanyang kasintahan. Nang mapagtanto ni Brae ang kanyang mga sinabi, ay bigla siyang natigilan.

Naalala niyang muli ang panloloko nito sa kanya, kaya naman binitawan niya ang kamay nito saka umatras palayo sa kanyang kinauupuan kanina.

Sandaling nag-isip si Brae kung ano ang dapat niyang gawin ng mga sandaling iyon. Iniisip niya kung dapat pa ba niyang pairalin ang galit niya sa binata, kahit na kailangang-kailangan siya ngayon nito. Ilang minuto pa ang lumipas nang mapagdesisyonan ng dalaga na alalayan na lang ito papunta sa kwarto ng binata.

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon