NH Chapter: 2

149K 3.1K 78
                                    

Continuation:


Nasa ganoong pag-iisip ang dalaga nang biglang magsalita ang kanyang kaibigang si Girlie, "Oh bakla ano na, tatayo ka na lang ba riyan? Galaw-galaw baka ma-stroke." Sarkastikong saad nito dahil sa pagkainip sa kanyang paghihintay.

Para namang natauhan si Brae nang marinig ang boses ng kanyang kaibigan. At nang makabawi ay saka siya tumango rito tanda na ayos lang ang kanyang lagay.

Tumaas nang bahagya ang labi ni Girlie at nagpatuloy na lang ito sa kanyang paglalakad papasok sa establisyemento. Sinundan naman agad ito ni Brae at nang tuluyang makapasok sa loob ay bumungad sa dalaga ang isang madilim na lugar, at tanging mga matitingkad na kulay pulang ilaw lamang ang nagbibigay liwanag sa kadiliman ng buong paligid.

Napansin din ni Brae ang maraming silya't mga lamesa na nakapatas sa harapan ng isang maliit na entablado. Nakita rin niya ang isang bar counter sa may gilid na punong-puno nang samu't saring klase ng alak, na sa wari niya'y mga mamahalin dahil sa itsura nito na babago sa kanyang paningin. Tanging lambanog, tuba, at ang minsanang gin lang ang kanyang kinagisnang alak, kaya't hindi siya pamilyar sa ganoong klase ng mga inumin.

Aaminin niya na ngayon lamang siya nakapasok sa ganoong klaseng lugar. Kaya't masuyod pang nagmasid ang dalaga sa kabuuan ng establisyemento. Habang nililibot nang kanyang mga mata ang bawat sulok ng lugar na iyon, ay nakaramdam siya ng kakaibang kutob sa hindi malamang dahilan.

Bigla namang napalingon si Brae sa isang pintuan na may makikinang na kurtina, dahil sa mga babaeng naglabasan doon. Nakaramdam ng matinding kaba ang dalaga nang tuluyang maaninag ang suot ng mga ito. Nag-iigsiang mga palda at ang mga dibdib nama'y nagluluwaan na dahil sa lantaran nilang mga kasuotan, na animo'y kinulang sa mga tela. Isama mo pa ang kanilang mga pusod na may makikinang na hikaw at ang mga mukha nama'y mayroong makakapal na kolorete.

"Ano kaya ang trabaho nila?" Tanging naisambit ng dalaga sa kanyang sarili habang patuloy sa pagsilay sa mga babaeng kanyang nabungaran.

Masyadong naging abala na ang mga mata ni Brae sa kanyang mga nakikita, kaya naman hindi na niya namalayan ang presens'ya ng isang lalaki na kanina pa nakatuon sa kanyang pigura. Ilang minuto rin naging abala ang dalaga sa pagsipat ng kanyang kapaligiran nang biglang gulatin siya ni Girlie.

"Hoy friend!" Panggugulat nito sa pamamagitan ng biglaang pagtapik sa kanyang braso, na siyang dahilan naman upang malaglag ang hawak ni Brae na bag.

"Girlie!" Gulat na sambit ni Brae bago napahawak sa kanyang dibdib. "Ano ka ba, bakit ka ba nanggugulat!" Dagdag pa niya rito saka pinulot ang mga gamit na bahagyang nagkalat sa sahig.

"Eh busy'ng busy ka bakla, kanina pa ako nagsasalita rito," Maarteng saad ni Girlie saka siya inismiran. "Tara na, para maipakilala na kita kay Manager." Wika pa nito habang ngumunguya ng chewing gum.

Hindi na nagsalita pa si Brae at sinundan na lamang ang kanyang kaibigan na papasok sa pintuan kung saan din nagsilabasan ang mga babaeng kanyang sinisipat kanina. Nang hawiin niya ang kumikinang na kurtina, ay bumungad sa dalaga ang isang kwarto na punong-puno ng iba't-ibang uri ng kasuotan.

May mga nagkalat din doon na kolorete at mga sapatos na singtataas ng kalahating pulgada ng isang ruler. Ang buong akala niya'y naroon na ang tinutukoy ni Girlie na manager, ngunit hindi pa pala natatapos doon 'yon. Nagpatuloy pa sila sa paglalakad hanggang umabot sa dulo kung saan may isa na namang pintuan.

May nakalagay rito na STRICTLY DO NOT DISTURB at nakita n'yang kumatok muna si Girlie ng tatlong beses bago nila narinig ang isang maawtoridad na boses ng lalaki.

"Come in..." Saka lamang binuksan ni Girlie ang pintuan, at walang sabi-sabing hinila siya nito papasok sa loob.

Bumungad kay Brae ang isang matandang lalaki at isang babaeng maganda na sobrang tangkad. Bahagya siyang nahiya sa presens'ya ng mga ito, kaya naman yumuko na lang ang dalaga upang maitago ang biglaang pagkahiya na sumilay sa kanyang mukha.

"Girlie, siya ba 'yung sinasabi mong kaibigan mo na galing din ng San Lorenzo?" Biglang wika ng babaeng nakaupo sa harap ng lamesa ng matandang lalaki.

Napatingin naman si Brae sa dagliang pagtatanong nito. Hindi sa bagay na naisambit kung hindi sa tinig nito na boses lalaki.

"Ibig sabihin, bakla itong napakagandang mukha na ito?" Naguguluhang saad ni Brae sa kanyang isip habang nakatingin sa baklang ubod nang ganda.

Bigla namang napabaling ang kanyang atensyon kay Girlie nang biglang magsalita ito, "Plangak Mamang, pasok sa banga!" Nakangiting usal nito. "Manager siya po 'yung sinasabi ko sa inyo na freshness at mamula-mula kong friendlaloo." Anito sa matandang lalaki na ngayon ay seryosong nakatingin lang kay Brae.

Matamang pinasadahan nang tingin ng matandang lalaki si Brae, na animo'y kinakabisado nito ang bawat kurba ng katawan ng dalaga, sa pamamagitan ng kanyang mapanuring paningin.

Bahagya namang nailang si Brae sa iginagawad nitong mga titig, dahil para sa kanya'y hindi normal ang pamamaraan nito ng pagsipat sa kanyang buong pigura. Sa edad kasi na Bente Dos anyos ay may pagka-konserbatibo pa ang dalagang si Brae. Nagkaroon na siya ng dalawang nobyo noon, ngunit walang senswal na namagitan sa kanyang mga nakarelasyon. Kahit halik sa pisngi lalo na sa labi, ay hindi pa niya nararanasan. Tanging hawak lamang sa kamay ang pinakamalalim niyang nagawa, ngunit hindi pa ganoon kadalas kaya't masasabing inosente pa sa lahat ng senswal na bagay si Brae.

Nang makita ng matandang lalaki ang bahagyang pagkailang ng dalaga ay saka ito nagsalitang muli, "Iha, alam mo ba kung anong klase ng trabaho ang pinapasok mo?" Seryosong usal nito habang matamang tinititigan ang dalaga.

Panandaliang natahimik si Brae sa sinabi nito at saka nag-isip kung ano nga bang klase ng trabaho ang papasukin niya. Bigla namang pumasok sa kanyang isipan ang naiwan niyang pamilya sa probinsya, kaya naman nilakasan na lamang niya ang kanyang loob at saka diretsong tumingin sa mga mata ng matandang lalaki.

"Tatapatin ko po kayo, wala po akong alam sa trabahong papasukin ko ngayon. Pero alang-alang sa pamilya ko, ay kakayanin ko po lahat basta kumita ako ng malaking pera." Matigas niyang saad dito. Sa totoo lang ay kinakabahan si Brae nang ibinulalas niya ang mga salitang iyon, ngunit para sa kanya ay wala nang atrasan ito kaya naman taas noo niya itong binalingang muli.

Nag-isip panandalian ang matandang lalaki, nang biglang sumabat naman ng magandang baklang katabi nito, "Ay, manager... I like her attitude, palaban ang isang ito." Maarteng sambit nito habang nakangiti sa dalaga.

Nang balingan naman ni Brae nang tingin ang matandang lalaki, ay agad siyang nakaramdam ng kaba dahil hindi niya alam kung ano ang tumatakbo ngayon sa isip nito.

Ano ka ba naman Brae, ang tabil mo kasi eh! Inis niyang sambit sa kanyang sarili at napayuko na lang, dahil sa isipin na baka hindi na siya tanggapin nito.

Nasa ganoong isipin ang dalaga nang biglang magsalitang muli ang matandang lalaki...



*****

Ano nga ba ang magiging kapalaran ni Brae sa mga kamay ng taong ito?

Abangan...

*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon