NH Chapter: 16

88.5K 1.7K 70
                                    

Mahigit dalawang buwan na ang lumipas simula nang sagutin ni Brae ang binatang si Matt. Simula rin nang araw na iyon, ay napagkasunduan ng magkasintahan na h'wag na munang ipaalam kahit kanino ang kanilang relasyon.

Sa una ay tutol si Matt sa kagustuhan na iyon ni Brae. Dahil kung siya lamang ang masusunod, ay mas gugustuhin niyang ipagsigawan sa buong mundo na kasintahan na niya ito. Ngunit ayaw naman ni Matt na pagtalunan pa nila ang bagay na iyon, dahil babago pa lang silang magkarelasyon nito. Kaya naman sinunod na lang niya ang kahilingan ni Brae, at kaakibat ng kahilingan na iyon ay ang pakikisama pa rin niya kay Venus.

Biyernes nang gabi... Puno na naman ng mga parokyano ang Heaven's Club, dahil ito ang gabi kung saan ginaganap ang pinakasasabikan ng mga customer na kung tawagin nila ay ang Heaven's Night.

Habang hinihintay ni Brae ang order ng isang grupo ng parokyano roon, ay nahagip bigla ng kanyang mga mata ang kanyang nobyo na si Matt na ngayon ay kakapasok lang sa nasabing establisyamento. Nakangiting tumango ito sa kanya saka umupo sa couch, mas pinili nitong maupo sa gilid na bahagi ng stage para madilim at kahit papaano'y tago sa karamihan.

Napabaling muli ang dalaga nang magsalita ang kanyang customer, "Maiden, dagdagan mo pa ng isang plato ng chicken wings." Lasing na sambit ng lalaking customer sa kanya.

"Okay po, Sir... Meron pa po ba kayong idadagdag?" Pagtatanong ni Brae habang inililista ang order nito.

"Ikaw, pwede ka ba?" Nakangisi nitong usal saka hinawakan ng sobrang higpit ang pulsuhan ng dalaga.

Sinubukang bawiin ni Brae ang kanyang kamay rito ngunit ayaw itong bitawan ng lalaki, "Sir... Nasasaktan po ako." Daing niya rito, ngunit parang wala itong narinig sa kanyang sinabi at mas lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanyang pulsuhan.

"Papa Cyrus tama na 'yan, hindi nagpapa-table si Maiden." Biglang sagot ni Girlie sa customer. Mabuti na lang at nandoon ang dalaga't mukang nakinig naman ito.

Ilang segundo lang ang lumipas nang luwagan nito ang pagkakahawak sa kanyang pulsuhan, dahilan para mabawi agad ni Brae ang kanyang kamay. Mabilis niyang nilingon si Matt, na sana'y hindi na lang niya ginawa dahil seryoso na pala itong nakatingin sa gawi nila.

"S-sige, pakihintay na lang po ng order niyo." Nagmamadali niyang wika rito at mabilis na tinungo ang bar counter.

"Oh Maiden, anong nangyari?" Pagtatanong na bungad ni Niel, dahil sa hindi maipinta niyang mukha.

"Ahh... W-wala, ayos lang ako—"

Matapos maisambit ni Brae iyon, ay agad niyang nilingon ang kinauupuan ng kanyang kasintahan. Ganoon na lang nanlaki ang kanyang mga mata, dahil wala ang binata sa kinauupuan nito. Mabilis hinagilap ng kanyang paningin kung saan ito naroroon at nang makitang papalapit na ito sa lalaking humawak sa kanyang kamay, ay mabilis siyang nagpaalam kay Niel.

"Niel, pakilagay na lang sa tray 'yung order ng customer ha. Babalikan ko na lang." Walang preno niyang saad sa binata at nagmamadaling tumakbo papalapit kay Matt.

Mabilis na tinakbo ni Brae ang binata na ngayo'y malapit na sa kinauupuan nang grupo ng mga kalalakihan. Ilang hakbang na lang ang pagitan ni Matt sa mga ito nang maabutan ito ng dalaga, "Matt..." Tawag niya sa pangalan nito saka niya ito hinawakan sa braso.

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon