NH Chapter: 5

129K 2.9K 58
                                    

Continuation:


"Oh Maiden saan ka ba nagpunta, kanina pa kita hinahanap. Tara na sa bar dahil marami ng customer." Saad ni Mamang Dyosa, bago inangkla ang kanyang braso para maikawit ang kamay ng dalaga rito.

Naglakad ang dalawa patungo sa bar counter at naabutan nila roon sina Niel at Andrew, ang mga waiter/bartender ng Heavens Club.

"Niel... Andrew, siya si Maiden, ang bago nating waitress," Pagpapakilala nito kay Brae sa dalawang binata. "Si Maiden na ngayon ang makakasama ni Charity."

"Hi Maiden..." Nakangiting bati ng isang binata. "Ako nga pala si Niel." Anito saka inilahad ang kanyang kamay sa dalaga.

Nginitian din naman ito ni Braelynn, bago iniabot ang kanyang kamay rito, "Brae... Maiden pala." Pagpapakilala niya at maagap na binawi ang kanyang kamay rito.

Nang balingan naman nang tingin ni Brae ang isa pang waiter na naroon, ay mabilis nitong kinuha ang kanyang kanang kamay saka nagsalita nang, "Andrew." Maikling turan ng binata bago muling ibinalik ang atensyon sa ginagawa nito.

Nangunot panandalian ang noo ni Brae, dahil hindi niya kuha kung anong ugali ang ipinapakita sa kanya ni Andrew. Medyo suplado at hindi rin ito palangiti gaya ni Niel. Sandali pa niyang pinagmasdan ang binata, nang biglang pukawin ni Niel ang kanyang atensyon.

"Hayaan mo na 'yang si Andrew, ganyan lang talaga 'yan. Masyadong pa-mysterious." Sabat nito, bago tuluyang bumalik sa kanyang trabaho.

"Paano Maiden, maiwan muna kita. Kapag may customer na tumawag sa'yo, puntahan mo agad." Iyon lamang ang ibinilin ni Mamang Dyosa bago ito tuluyang nag-entertain ng mga customer.

Nakatayo lamang si Brae sa gilid ng bar counter, nagmamasid sa bawat ikinikilos ng mga taong nakapalibot ngayon sa maliit na entablado. Kahit madilim ang nasabing lugar, ay maaaninag pa rin ang mga tao sa loob ng club, dahil sa pulang ilaw na nagsisilbing liwanag sa kabuuan ng establisyemento.

Nang mapadako naman ang paningin ni Brae sa gilid ng entablado, ay agad niyang napansin ang kanyang kaibigang si Girlie na ngayon ay nakakandong paharap sa kanyang customer habang abala sa pakikipaglampungan. Napailing na lang si Brae sa ginagawa nito, at doon lang niya napagtanto na pare-pareho pala ang linya ng trabaho ng mga kababaing entertainer doon. Walang pakialam kung himas-himasin ng mga customer ang iba't ibang parte ng kanilang mga katawan, basta kapalit nito'y ang inaasam nilang salapi na kanilang kikitain sa gabing iyon.

Abala sa kanyang pagmamasid ang dalaga nang biglang may nagsalita sa kanyang gilid, "Ikaw 'yung bagong waitress?" Anito, kaya't mabilis itong binalingan ni Brae.

"Ahh... Oo, ako nga pala si Brae pero Maiden daw ang pangalan ko rito sabi ni Mamang."

"Wow Maiden, ako nga pala si Narissa pero Charity ang pinangalan sa'kin ni Mamang." Masiglang pagpapakilala naman ni Brae rito.

Madaling nagkapalagayan ng loob ang dalawang dalaga sa isa't isa, nagkwentuhan ang mga ito tungkol sa kanilang mga buhay-buhay sa probinsya. Madaldal kung tutuusin si Charity kaya hindi na nakaramdam ng pagkailang si Brae rito.

Abala sa kanilang pag-uusap sina Brae at Charity nang biglang may sumenyas na customer na kailangan ang kanilang serbisyo bilang waitress, "O Maiden, ikaw na'ng kumuha ng order ng customer, kaya mo 'yan 'te," Anito sa dalaga saka tinapik ang kanyang balikat. "Ito 'yung papel at ballpen, d'yan mo ilagay 'yung mga kailangan nilang order-in para 'di ka malito."

Nanginginig ang mga kamay na naglakad si Brae patungo sa lalaking nangangailangan ng kanyang serbisyo. Nang tuluyan na s'yang makalapit dito, ay bigla siyang tumikhim upang mawala ang nakabara sa kanyang lalamunan, "Ehem," Sambit niya upang pukawin ang atensyon ng lalaki. "Sir... Ano pong order niyo?" Lakas loob niyang saad dito.

Namumungay ang mga matang binalingan naman siya nito, "Miss bigyan mo nga k-kami ng pork sisig, saka isang bucket pa ng beer... Ahh samahan mo na rin ng chicken wings, 'yung spicy ahh." Lango sa alak na usal nito saka muling binalingan ang katabi nitong entertainer.

"Okay po sir..." Iyon lamang ang naisambit ni Brae bago yumukod tanda ng pagbibigay galang niya rito.

Pumunta na ang dalaga sa bar counter at inilagay sa order list ang kailangan ng customer. Nagawa naman ng maayos ni Brae ang kanyang trabaho nang gabing iyon, may mga nambabastos ngunit binabaliwala na lamang niya ito, dumidistansiya na lamang siya sa mga kalalakihan dahil alam niyang hindi na rin mawawala iyon sa linya ng kanyang pinasok na trabaho. Malalim na ang gabi at kakaonti na lang ang mga parokyano sa nasabing club.

Ngayon ay abala si Brae sa pagliligpit ng mga pinaglunuhan ng customer kanina. Iniligpit niya ang mga bote ng alak at inilagay ito sa isang tray. Pinulot din niya ang mga nagkalat na tissue at kasabay noon ay masuyo niyang pinulot ang mga nagkalat na pagkain sa mesa't sahig. At nang matapos ni Brae linisin ang mga bakanteng mesa, ay tuluyan na niyang dinala ang tray sa kusina ng club.

Makaraan ang kalahating oras, ay tuluyan nang nagsara ang club. Ngayon ay nakaupo sa bakanteng upuan sina Brae at Charity nang bigla silang tawagin ni Mamang Dyosa, "Oh Maiden, sumama ka na kay Charity, dumiretso na kayo sa staff house." Saad ni Dyosa nang bumungad ito sa pintuan ng opisina.

"Staff House?" Kunot noong sambit naman ni Brae bago niya binalingan si Charity.

"Oo 'te, sa staff house tayo tutuloy," Sagot nito bago tumayo sa kanyang pagkakaupo. "Doon din nakatira 'yung ibang entertainer natin, kasama si Girlie. Lahat ng mga tiga-probinsya at malalayo ang bahay, roon din tumutuloy." Pagpapaliwanag nito sa dalaga.

"Ganoon ba..."

"Yep... Kaya tara na 'te uwi na tayo, bitbitin na natin 'yang mga gamit mo." Pagpiprisinta nitong saad bago nila tuluyang nilisan ang heaven's club.

Habang nasa biyahe, ay ikinuwento ni Charity ang lahat ng dapat malaman ni Brae tungkol sa kalakaran ng club. Ikinuwento nito na pag-aari ni Sir Anselmo na mas kilala bilang Manager ang Staff House na kanilang tinutuluyan, kaya't wala silang aalalahaning upa roon. Nasabi rin ni Charity na maraming nangyayaring siraan sa club, kaya't pinapaalalahanan niya si Brae na mag-ingat sa mga taong kanyang pagkakatiwalaan.

Nang makarating ang dalawa sa Staff House, ay mabilis na sinipat ni Brae ang buong paligid. Isa lamang ang palapag ng nasabing bahay, katamtaman lang ang laki nito at mayroong limang kwarto. Kumpleto na rin ito sa kasangkapan kaya't wala nang kailangan pang alalahanin si Brae. Dumiretso ang dalawa sa ika-apat na pinto, at agad kinuha ni Charity ang kanyang susi bago ibinigay naman kay Brae ang duplicate nito.

"O 'te, rito ka na magka-kwarto ngayon, ikaw ang papalit kay Anna, dating waitress sa club," At inilapag ni Charity ang gamit ng dalaga sa bakanteng kama bago ito humiga sa sarili n'yang kama. "Haaayyy salamat! Makakapagpahinga na rin, grabe ang dami kong pagod ngayon." Tamad na wika nito, habang nag-iinat ng buong katawan.

"Charity, Saan ang banyo rito?" Biglang saad naman ni Brae rito, at kinuha ang kanyang pamalit pantulog.

"Labas ka lang 'te tapos punta ka sa kusina, may pasilyo roon papuntang likod bahay, roon ang banyo." Saad nito habang abala sa pagtipa ng kanyang telepono.

"Sige, salamat ah." Tanging nasambit ni Brae rito bago tuluyang lumabas ng kwarto, para maglinis ng kanyang katawan, para sa paghahanda sa kanyang pagtulog.



*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP

Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon