Lihim ng Probinsya #4: Litrato

440 13 0
                                    

Ang aking ama ay nagta-trabaho bilang isang photographer. Lahat ng uri ng okasyon ay nakuhaan na niya ng letrato at maging video. Matagal na siya sa propesyong ito -- hindi pa man siya nakakapag-asawa ay ito na ang ikinabubuhay niya kaya naman marami na siyang karanasan ukol dito.

Bata pa ako nang mangyari ang karanasang ito sa aking ama. Hindi pa man ata ako tumutungtong ng elementarya nang maranasan niya ito ngunit tandang tanda ko pa rin ang mga nangyari.

Isang kasal ang kinuhaan ng aking ama sa isang malayong baryo. Madalas siyang napapadpad sa kung saan-saang lugar kaya naman sanay na siyang kumuha ng litrato sa malalayo man o malapit na baryo.

Dala ng hirap ng pamumuhay ay litrato lamang ang napili ng mag-asawa. Kapag kasi may kasamang video ay mas mahal ang babayaran kumpara kung litrato lamang.

Naging maayos ang okasyon at naidaos ito ng matiwasay. Muntik nang magkagulo ang dalawang parte (ang magulang ng babae at magulang ng lalake) nang matapos ang okasyon dahil na rin sa hindi pagkakasunduan ngunit naayos rin naman di-kalaunan. Nabuntis lamang sa murang edad na labing anim ang babae kaya naman ayaw itong pasamahin ng kanyang mga magulang sa bahay ng lalaki. Ipinakasal lamang ito upang makaiwas sa kahihiyan na dulot ng kanilang hindi sinasadyang pagkakamali.

- - -
Noong panahong iyon ay hindi pa uso ang mga digital na camera. Tanging de-film na camera pa lamang ang gamit ng  mga photographer kaya naman imposibleng makita ang kuha o kaya naman ay ma-edit ito bago ipa-imprenta.

Kinabukasan, kasama ako ng aking ama patungo sa kabilang bayan upang magpa-inprenta ng mga litrato na kuha niya sa kasal. Mahilig talaga akong sumama sa kanya dahil kahit babae ako ay hindi ko ugaling manatili lamang sa loob ng bahay.

Nang matapos itong iimprenta ay kitang-kita ko ang gulat na namuo sa ekspresyon ng mga mukha ng unang nakakita sa litrato. Nanlaki ang kanilang mga mata kaya di maiwasang silipin ng aking ama kung ano ba ang tinitingnan nila. Maging ako ay naki-osyoso na rin.

Kahit maliit ako at bahagya lamang ang pagkakakita ko sa mga litrato ay kitang-kita ko pa rin na sa mga litrato ay walang ulo ang kinasal na babae. Walang wala talaga ang ulo niya, putol ito sa bawat litrato, hindi man sa lahat ngunit sa karamihan ng litrato ay putol ito. Ang sa lalaking ikinasal naman ay malabo lamang. Para bang may itim na anino na parating tumatabaon sa kaniyang ulo. Samantalang ang sa ibang taong kasama nila sa litrato ay maayos naman ang pagkakakuha. Tanging ang ulo lamang ng mag asawa ang may ganoong kalagayan.

Hindi alam ng aking ama kung paano niya ito gagawan ng paraan. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa mag asawa na ganoon ang kalagayan ng kanilang mga litrato. Lubha siyang nahihiya dahil sa isip-isip niya ay palpak ang kanyang pagkuha ng letrato at walang magiging souvenir ang mag-asawa kaya minabuti niyang ipagtapat nalang na ganoon ang mga letrato nila. Kinakabahan rin siya dahil may masamang ibig sabihin ito ayon sa kasabihan.

Sasama sana ako sa aking ama sa pagpunta niya sa bahay ng mag-asawa ngunit ayaw niya akong isama dahil na rin sa kalayuan ng lokasyon.

Pagdating raw ng aking ama sa bahay ng mag-asawa (sa bahay ng magulang ng lalaki) ay nangilabot siya nang makita niyang maraming ilaw sa loob ng bahay. Marami ring tao ang nakapalibot dito. Tama ang hinala niya! Tama na isa itong pangitain -- isang MASAMANG PANGITAIN.

Hindi siya nagkamali. Nakaburol na nga ang mag-asawa na magkasunod daw namatay.

Nauna ang babae, nakunan siya at namatay na rin -- hindi pa tukoy kung bakit namatay ang babae matapos itong makunan. Sinisi ng parte ng babae ang lalaking asawa kaya bukod sa nagluluksa siya sa pagkamatay ng kanyang mag-ina ay problemado rin siya sa mga sisi na patuloy na ibinabato sa kanya. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya.

Nagpakamatay raw ang lalaki isang araw makalipas ang pagkamatay ng kanyang mag-ina.

Matapos noon ay sinunog na lamang daw nila ang mga litrato na nagsilbing pangitain. Ngunit huli na ang lahat. Nabawi na ang buhay ng dalawang tao na walang ulo sa mga litrato.

True Experienced Ghost StoriesWhere stories live. Discover now