Lihim ng Probinsya #3: Santelmo

1K 28 5
                                    

Dalawang taon na ang nakalipas mula ngayon nang makilala ko si Bran ('di tunay na pangalan). Dahil pareho kaming mahilig sa mga kababalaghan at katatakutan ay ito palagi ang ginagawa naming pampalipas oras sa tuwing wala kaming mapagkaabalahan. Madalas ay nanunuod kami ng katatakutan at kung minsan naman ay nagkukwentuhan ng iba't-ibang karanasan.


Galing sa mayamang pamilya si Bran kaya naman mayroon kaming malaking pagkakaiba ngunit pinili pa rin niya akong maging kaibigan dahil ayon sa kaniya ay marunong naman siyang lumingon sa kanyang pinanggalingan. Naikwento niya sa akin na ang pamilya nila ay galing rin lamang sa isang simple at mahirap na angkan ngunit nabago ito dahil sa isang misteryosong pangyayari sa buhay ng kaniyang lolo.


Binata pa raw ang kanyang lolo Tenyong nang mangyari ang kababalaghang ito sa probinsya ng Nueva Ecija. Maghahating-gabi na nang magpasyang umuwi si Lolo Tenyong galing sa isang kasiyahan at sayawan sa bayan ng Talavera, Neuva Ecija. Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad pauwi ay napalingon siya sa isang kapansin-pansin na liwanag na matatanaw sa di kalayuan. Dala ng kyuryosidad ay agad na pinuntahan ni Lolo Tenyong ang nasabing liwanag ngunit nagtaka siya dahil tila ba hindi niya ito maabot-abot. Sa tantya niya ay lumalayo ito habang papalapit siya kaya naman mas binilisan niya ang paglalakad at halos tumakbo na siya para maabutan ang nasabing liwanag.


HIndi nagtagal ay natagpuan niya ang sarili niya sa isang gubat na hindi pamilyar, ayon sa pagsasalaysay niya ay mayroon itong hindi pangkaraniwang matataas na damo at mayayabong at naglalakihang mga puno. Malayo na ang kanyang naabot sa pagsunod sa liwanag kaya nagtuloy tuloy na lamang siya kahit hindi na niya alam kung nasaan siya. Maya-maya pa ay bumagal ang pagtakbo nang liwanag kaya naman naabutan niya ito.


Napahinto si Lolo Tenyong at napaatras nang makita na ang sinusundan pala niyang liwanag ay isang bolang apoy: Isang SANTELMO!


Kaba ang una niyang naramdaman nang makita ito. Hindi raw niya alam ang gagawin niya sa oras na iyon ngunit nagpasya siyang sundan pa rin ang santelmo. Ito ang naging pasya ni Lolo Tenyong dahil sa kasabihang "Kayamanan ang matatagpuan sa ilalim ng lupa kung saan maglalaho ang santelmo"


Pinanuod lamang raw ni lolo Tenyong ang Santelmo at hinintay na maglaho ito. Matapos lamang ang ilang minuto ay naglaho na nga ang santelmong nakita niya. Isip-isip niya na kailangan niyang hukayin ang tapat ng lupa kung saan naglaho ang santelmo dahil sa kasabihan na dito nakaratay ang mga kayamanan kaya naman nagpalipas siya ng gabi sa di pamilyar na gubat at inintay mag-umaga.


Pagkagising ni Lolo Tenyong ay laking pagtataka niya nang matagpuan niya ang sarili sa gubat na nasa likod lamang pala ng kanilang bahay! Paanong nangyari iyon? Umikot lamang pala ako, isip isip niya. Dali dali niyang minarkahan ang lupa kung saan naglaho ang santelmo at agad na nagtungo sa kanilang bahay upang kuhuma ng mga kagamitan tulad ng pala, upang mahukay niya ang lupa. Nagpatulong rin siya sa kaniyang ama.


Sa una ay puro sermon ang naabot ni Lolo Tenyong mula sa kaniyang mga magulang dahil sa hindi siya umuwi ng bahay ngunit nang sabihin niyang sinundan niya ang santelmo ay galak na galak na tumulong ang kaniyang mga magulang sa paghuhukay ng lupa.


Apat na talampakan na ang nahuhukay nila at malapit na rin silang malubong mula sa napakalalim na hukay ngunit wala pa rin silang nakikita ni isang bahid ng kayamanan. Umabot ng hapon ang paghuhukay nila. Lubos na ang pagod at gutom na nararamdaman nila. Titigil na sana sila sa paghuhukay ng lupa nang tumama sa isang matigas na bagay ang pala na gamit ng tatay ni Lolo Tenyong!



Laging tuwa nila ng makita nila ang napakaraming mga ginto sa ilalim ng lupa na naghihintay sa kanila! Agad nila itong kinuha lahat ngunit inilihim nila ang pagkakahukay nila ng kayamanan mula sa mga tao. Apat na araw mula noon ay namatay mula sa hindi malamang dahilan ang malakas at malusog na tatay ni Lolo Tenyong. Sa kabila ng kanilang biglang pagyaman ay kinuha agad ng Maykapal ang kapalit nito. Tanging iyak lamang at paghihinagpis ang naisukli nila mula sa pagkamatay ng kanilang padre-de-pamilya.


Sa burol ay isang di kilalang matandang babae ang lumapit sa nanay ni Lolo Tenyong habang ito ay umiiyak at sinabing "Siya ang nakadiskubre ng yaman, siya rin ang may buhay na binawian"

Dahil sa katagang iyon ay nakumpirma nila na ang dahilan ng kamatayan ng kanilang padre-de-pamilya ay dahil sa pagkakadiskubre ng yaman na itinuro ng santelmo.

Ginamit sa mabuti ng pamilya ni Lolo Tenyong ang kayamanan -- nagtayo sila ng malaking negosyo matapos ipagbenta ang mga ginto. Magpasa hanggang ngayon ay mayaman pa rin ang pamilya nila nang dahil sa kayamanang itunuro ng santelmo.

True Experienced Ghost StoriesWhere stories live. Discover now