Chapter 10

5.4K 147 4
                                    

NAGLALAKAD na patungong students lounge si Maggie nang makita sa may gate ang nakababatang kapatid na si Tonton. Nakasuot pa ito ng school uniform at kinakawayan siya.

"Oh Tonton, anong ginagawa mo dito?" Tanong agad niya sa kapatid nang makalapit siya rito.

"Ate. Pinapalayas na tayo ni Aling Mimi. Nagmamakaawa si Mama pero ayaw siyang pakinggan. Tulungan natin si Mama, Ate." Mangiyak-ngiyak ang kapatid niya habang nagkukwento.

Mabilis pa sa kidlat niyang hinila ang kapatid at saka pumara ng traysikel pauwi ng bahay. At tulad ng kwento ng kapatid ay nagmamakaawa nga ang ina nila kay Aling Mimi na patuloy lang sa pagmamando sa ilang mga lalaking naglalabas ng gamit nila sa bahay.

"Teka! Aling Mimi! Sandali lang po!" Siya naman ang lumapit sa babae. Si Tonton naman ay nilapitan ang ina nila na kanina pa naiiyak.

"Ano naman ang magagawa mo aber? High school ka lang ineng. Sigurado ako na ni pambaon wala ka. Kaya huwag ka nang magsalita pa." Mataray na sagot ni Aling Mimi.

"Maawa naman po kayo. Saan naman po kami matutulog eh hapon na po. Hindi na po kami makakahanap ng matutuluyan."

"Eh problema niyo na 'yon. Sayang lang ang tatlong buwang na sana income ko sa bahay na ito. Dapat noong nakaraang buwan ko pa kayo pinalayas." Binalingan naman niya ang mga lalaking naglalabas ng mga gamit nila. "Hoy bilisan niyo riyan at ikakandado ko na ang bahay."

"Teka po! Bukas po ay magbabayad na kami! Huwag niyo lang kaming palayasin."

"Naku! Huwag na ninyong bilugin ang ulo ko."

"Sige na po!" Hindi na niya napigil ang sarili. Napaluhod na siya sa harap ni Aling Mimi dahil sa pagmamakaawa. Napahawak din siya sa laylayan ng damit nito. "Pakiusap po. May anak din po kayo na kasing edad namin. Paano nalang po kung sila ang nasa sitwasyon namin? Aling Mimi, hindi po kawalan sa inyo ang isang araw. Pakiusap po."

Natahimik nang sandali si Aling Mimi at saka hinila ang parte ng damit nitong hawak niya. "O sya! Isang gabi lang! Bukas ng hapon. Babalik ulit ako. Dapat malinis na itong bahay! Naiintindihan niyo!"

Pagkasabi ay agad nitong sinenyasan ang mga kasama nitong lalaki at saka sumakay sa traysikel na naka-park sa harap ng bahay nila. Nang makaalis na ang sasakyan ay doon lamang niya napansin ang dami ng tao na nakamasid sa kanila. Pero wala siyang pakialam sa iisipin ng mga ito. Ang mahalaga ay may matutulugan sila ngayong gabi.

"Tonton, ipasok mo si Mama sa loob. Ako na ang bahala rito."

Agad namang tumalima ang kapatid. Mabuti na lang at napakiusapan pa niya ang mahaderang kasera at dahil doon may matutulugan pa sila ngayong gabi.

Pero paano na bukas? Wala siyang alam na mapagkukunan nila ng pera. Ibinaba niya ang sariling bag at nagsimulang hakutin pabalik ang mga gamit nila na nagkalat sa labas ng bahay. Habang ginagawa ito ay naiiyak na rin siya.

Nakita niya ang sewing machine ng ina na isa sa mga inilabas nina Aling Mimi. Kahit ibenta pa nila iyon ay hindi iyon magiging sapat na pambayad. Isa pa, iyon ang ikinabubuhay nilang mag-iina. Wala silang kakainin kapag nawala iyon.

Yumuko siya upang kunin mula sa lupa ang sewing machine nang may biglang bumuhat noon.

"Anong...?"

"Hindi ka dumating sa usapan kaya hinanap kita."

JJ was standing in front of her. Napakaseryoso ng mukha nito na nakatitig lang sa kanya.

Hindi niya maintindihan kung bakit tila nais niyang mas maiyak nang makita ito. She bit her lips and closed her eyes to suppress her tears.

"Pasensya ka na at hindi ako nakapagpaalam. May inaasikaso pa ako ngayon. Magkita na lang tayo sa school bukas. Huwag kang mali-late, okay?" Sinadya niyang hindi tingnan ito sa mata habang kinukuha mula rito ang sewing machine. Pero imbes ibigay ito sa kanya ay inilayo pa nito iyon.

SWEET INTOXICATION: The Tale of Margarita (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon