Minsang Kinakintalang Bansa

33 0 0
                                    

Minsang Kinakintalang Bansa
ika-10 ng Oktubre, 2016
04:43Pm. - 11:14Pm.

Sakbibi ng yuming araw na binigay ng Poong Maykapal
Nang magpasalamat, mag-alay ng tula para sating Bayan.
Aming nilaan ang oras nang mabigkas ng may puso't dangal
Matagumpay maawit ang nota ng tugmaan sa sulatan.

Dinggin nawa ng bawat isa mga salitang sasambitin
Nang panagimpan ay maidibuhong wagi sa yaring dibdib,
Mabigyang tanglaw muli ang minsang inabandonang silid
At masupil ang talangkang isipan - sakit ng ating lipi.

Sapagkat hindi kayamanan ang sukatan ng pagkatao,
Ni sa titulo nakabaseng responsibilidad sa mundo,
Tayo'y kap'wa nakasangla ang hininga sa bawat segundo
Oras natin ay bilang na kung sasayangin pa natin ito.

Huwag na nating hintayin pa na huling huli na ang lahat
Maging abo ang paligid at kasalatan na ang palasak.
Huwag nating pagtakpan ang kumakalat na sakit sa balat
Sa halip na maging kumplikado ay agapang maging payak.

Bigyan kaagad ng lunas ang kinakailangang lunasan
Ng hindi na makasikil pa ng biktima ang kamangmangan.
Gumising ka kapatid sa tagimpan na kinahihimbingan
Huwag maging katulad ng iba na hinahanging-kawayan.

Iyabag mo na ang mga paa at iwagayway ang kamay
Gumawa ka ng hakbang tungo sa pag-unlad ng ating bayan
Iyong ipakilala sa banyag ang pinagmulan mong tunay
Lumusong sa pagbabago at ipagbunyi ang sinilangan.

Pag-alabin ang pag-ibig na pipisan sa sariling atin
Mamutawi sa bawat labi ang inaasam na mithiin
Kung saan ang ugat ng pagka-Pilipino'y sumasalamin
Sariling wika ang pag-aralan at sadyaing pagyamanin.

Dahil katulad nito ang nilalantay sa apoy na ginto,
Kasinghalaga ng dyamante at mamahaling mga bato,
Na hinding hindi kailanman mananakaw mula sa iyo
Ang nananalaytay na dugong bughaw sa pangangatawan mo.

Pahalagahan natin ang pagpapagal ng mga nauna
Makilala ang ating lupa sa karatig na mga bansa
Niyukura't kumintal sa kanilang isip ang pagtingala
Sa lupang ipinangako sa gawing Timog-Silangang Asya.

Magsilbi nawang halimbawa ang dinulot natin sa iba
Ang paunlarin ang kanya-kanyang mga wika at kultura
Sama-samang ipagmalaki ang sarili't h'wag ikahiya
Nasaing gawing lakas ang kahinaa't ngayo'y magkaisa.

***

Ginawang tula ko sana 'to para sa magiging sabayang pagbigkas (kahit na wala kong alam sa mga ganun) basta't binigay lang sa akin ang tema ng pagmamahal at pagpapahalaga iyan ang naipanday ko sa papel at tinta.

Salamat sa pagbabasa 😄

- JMuntiKatah (Blintzero)

Lahid Sa PithayaWhere stories live. Discover now