A Thing Called Karma

20K 372 10
                                    

Matagal na akong manhid sa mga nangyayari sa paligid ko. Maagang tumanda sabi nila. Sa murang edad nalamang para hindi masaktan dapat wala kang pakialam. Huwag umasa para hindi mabigo. Huwag magpapasok para walang aalis. Nabuhay ako sa gano'ng sistema. Payapa at tahimik.. hanggang sa nakilala ko sya.

Hindi ko masasabing pareho kami pero nakikita ko ang sarili ko sa kanya at mayroong dahilan kung bakit ayokong tumitingin sa salamin– ang sakit nya sa mata.

Noong una ayoko lang syang makita hanggang sa ayoko na syang makitang gano'n. Nagawa nya akong magkaroon ng pakialam sa kanya ng hindi ko napapansin.. at kinasuklaman ko sya dahil doon.

Sinubukan kong umiwas, dinalas dalasan ang pagpikit at pagdukdok sa table ko. Sinubukan ding lumayo sa mga lugar na lagi nyang pinupuntahan pero ng sandaling iyon alam kong huli na, bago pa ako makaalma, nakatayo na ako sa harap nya.

Pareho namin iyong ikinagulat. Pero siguro hindi na din 'yon kataka-taka kasi kahit hindi kami nag uusap, kami lang ang nagkakaintindihan sa classroom na iyon na puno ng mga mabababaw.

Okay lang sa akin kahit maingay sya kasi okay lang din naman sa kanya kahit tahimik ako. Hindi nya ako pinipilit magsalita.. or tumawa.. or pumunta sa bahay nila. Kusa kong ginawa yung mga iyon hanggang sa maging normal na lang sila.

Naging normal akong eleven years old.

Natuto akong maglaro, makipagbiruan at manuod ng cartoons. Hindi na ako tinitignan ng may pag aalala ng mga tao sa bahay at sa unang pagkakataon I'm more than fine. Everything's almost perfect kung hindi lang sya pasaway.. kung hindi ko lang sya hinayaan.

Karma.

I hate that word, because that's just what it is. A word. Hindi yun yung naglilinis ng mga galos nya't naglalagay ng band aid pagkatapos. Hindi yun yung nag ta-tape ng mga pinira-piraso nyang assignment ng mga classmate naming pira-piraso lang din ang mga utak. Wala yung ginagawa at hanggang sa kahuli huling sandali'y wala iyong ginawa.

Galit na galit ako. Sa mga classmates namin, sa mga teachers namin, sa mga police pero higit sa lahat, sa sarili ko. Walang naparusahan sa aming lahat. Parang walang nangyaring nagpatuloy ang buhay at yung karma? Wala.

Hinintay kong may mangyari pero wala at siguro naghihintay lang talaga ako sa wala at 'di tulad nila, hindi ko kayang magpatuloy na parang walang nangyari dahil oo, sanay ako sa pagkamanhid na nararamdaman ko ngayon pero hindi ako sanay na may galit habang namamanhid.

Hindi ako sanay na walang pakialam habang mayroon ng sobra sobra.

---

A Thing Called KarmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon