Kabanata 28

5 0 0
                                    

[28]: ANG IKALIMANG SANGTWARYO








ㅤㅤ








ㅤㅤ
HABANG nag-uusap ang dalawa, nagpakalayo-layo muna sina Hiraya at Ellias. Huminto silang muli sa isang parte ng puno na may bato upang masilayan ang kalangitan. Kaunting oras na lamang ay liliwanag muli sa Polyverian.

"Ano ang iyong nasa isip?" Tanong ni Ellias sa dalaga. Napabuntonghininga naman ito habang sinisipa ang bato sa kaniyang paa.

"Kinakain na ako ng aking konsensya, Ellias," simpleng tugon ng dalaga subalit sapat na ito para makapagbigay ng kaba kay Ellias.

"Ano ang ibig mong sabihin?" Tanong ni Ellias. Ilang segundong katahimikan ang namayani sa dalawa, tanging ang mga tunog ng dahon at mga hayop sa gabi ang maririnig.

"Ellias, mahal kita."

Nanlaki naman ang mata ng lalaki sa kaniyang narinig. Kaagad niyang nilingon si Hiraya subalit nakatingin lamang ito sa kalangitan.

"A-ano'ng-"

"Masyado bang nakakabigla ang aking sinabi?" Tanong ng dalaga kasabay ng mahinhin niyang pagtawa. "Paumanhin, alam ko kasi na sa susunod na mga minuto'y kakalimutan mo lahat ng aking sinabi."

"Hindi kita main-"

Hinarangan ni Hiraya ang bibig ni Ellias gamit ang kaniyang mga daliri upang hindi ito makapagsalita. "Hayaan mo muna akong magsalita, Ellias."

"Alam mo ba? Bago sa akin ang pakiramdam na ito. Bumibigat ang aking dibdib, hindi ako mapakali, kay saya ko sa iyong mga ngiti, hindi ko mapigilan ang aking sarili na matuwa sa kaunting galaw mo sa akin. Tila nga gusto mo na rin ako e. Totoo kaya?

"Ayokong umasa sa 'yo dahil isa lang naman ang rason kung bakit ako narito sa kagubatang ito. Ngunit gusto kong malaman, Ellias. Ano ang nararamdaman mo para sa akin?" Tanong naman ng dalaga bilang hudyat na maaari nang magsalita si Ellias.

"Hiraya, sa ilang mga taong pamumuhay ko sa Polyverian, kailanma'y hindi ko nalaman ang pakiramdam ng magmahal. Nakita ko lamang ito sa dalawang featherian na hinahangaan ko. Ngunit para sa amin ay mali ang magmahal ng isang verian. Ito ang nanatili sa aking utak at kahit pa patunayan ng ibang featherian ang lahat, ito pa rin ang aking kasagutan," tugon ng lalaki.

"Sinasabi ko na nga-"

"Ito ang bagay na aking alam bago kita makilala. Akala ko ay wala lamang ito at mababaon lamang sa limot ang ating unang halik. Ngunit sa unang pagkakataon, nakadama ako ng mga bagay na naririnig ko lamang bilang isang kwento. Sabi nila, mas nagliliwanag ang isang nilalang sa mata ng taong mahal nila. At alam mo ba? Kay liwanag mo sa aking paningin, Hiraya. Animo'y ikaw ang magsisilbing ilaw sa aking madilim na gabi," pagputol ni Ellias sa nais sabihin ni Hiraya habang hindi maipinta ang ngiting ipinapakita niya sa babae.

Ilang saglit pa'y naramdaman na lamang ni Ellias ang labi ni Hiraya sa kaniya. Ngunit tila sobrang lambot lamang ng halik na iyon at kay ikli ng oras para sa mahabang pagsasalo. Kaagad na huminto si Hiraya habang hawak pa rin ang pisngi ng lalaki. Napansin kaagad ni Ellias ang mga luha sa mata nito nang siya'y titigan muli ng dalaga. Nanlaki ang mata ni Ellias dahil ss pagkabigla.

"H-hiraya-"

"G-gusto kitang ilayo sa panahong ito, gusto kitang makasama sa mahabang panahon, i-ikaw ang nais kong hagkan sa tuwing malamig ang aking puso. Ngunit alam ko, Ellias, hindi ito maaari," saad ng dalaga habang patuloy lang sa pag-agos ang kaniyang luha. Bagay na ipinagtaka ni Ellias.

"Kung papipiliin ako, ikaw o ang mundo, tiyak ako na pipiliin kong mapunta sa iyong tab-"

"Isa akong escias." Muling nabigla ang lalaki sa mga sinabi ng dalaga. "Anak ako ni Epione, tagapagmana sa trono ng pinuno. Mamahalin mo pa rin ba ako, Ellias?"

The Prophecy Series #2 : Deck of QiverOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz