Kabanata 4

10 4 0
                                    

[4] : ANG TSAA NG PAG-ASA








ㅤㅤ








ㅤㅤ
NANG sila'y matapos sa pagkain, kaagad silang dumiretso sa daan patungo sa palasyo. Tahimik lamang ang kanilang paglalakbay patungo dito. Animo'y naubusan na sila ng usapan. Ngunit hindi pa rin maiwasan ni Fauzeah na mamangha sa bawat lugar na kanilang dadaanan.

Ilang saglit pa'y narating na nga nila ang palasyo ng Molvesca. Nagliwanag muli ang mga mata ni Fauzeah nang makita niya ang palasyong nasa harapan niya. Ito'y tila isang malaking tahanan na gawa sa bato. Malalaki ang mga bintana, malaki rin ang pintuan at may isang mahabang tulay na daanan patungo sa pasukan ng palasyo.

Ang gilid na parte naman ng tulay na iyon ay may mga halama't bulaklak. May mga verian din na namimitas ng mga tanim at nag-aalaga ng mga iba pang halaman. Kapansin-pansin din sa lugar ang isang mataas na bakod na mas malaki pa kaysa sa palasyo ng Molvesca.

"Oh kay ganda ng inyong palasyo," saad ng dalaga. Saka niya lamang napansin ang isang malaking pader na nasa likod ng establisimyentong iyon. "Ano nga pala ang pader na iyon?"

"Maging kami ay walang kaalam-alam sa kung ano ito. Basta't bigla na lamang iyang umusbong ngunit tanging ang aming mga pinuno lamang ang may alam rito," simpleng tugon ng hari. Tumango-tango na lamang ang dalaga bilang tugon.

"Tayo na?" Pag-aya ng hari at saka inilahad ang kaniyang kamay sa harapan ng dalaga. Ngumiti lamang ito bilang tugon at saka sabay na naglakad patungo sa tulay. Habang papasok ang dalawa sa kaharian, napapansin ni Fauzeah na kinakawayan ng mga verian ang kanilang hari nang may ngiti sa labi at iyon rin ang tugon nito sa kanila. Hindi maiwasan ng dalaga na mapangiti dahil sa relasyon ng hari sa kaniyang mamamayan.

'Hindi ko maiwasang mangulila dahil sa ganitong ganap. Palagi ko itong napapansin sa aking pinanggalingan. Hindi ko naman lubos akalain na ito rin ang una kong makikita sa ikalawang araw ko rito'

Ilang minuto lamang ang nakalipas, nakarating na sila sa loob ng palasyo. Pinagbuksan sila kaagad ng pinto mga tagasilbi upang sila'y makapasok. Nang makaapak na ang dalaga sa palasyo, kusa na lamang nagliwanag ang kaniyang mga mata. Lalo na't ang nadatnan niya ay tila bago sa kaniyang mga mata.

Nakuha ng kaniyang mga mata ang isang malaking ilawan sa gitna ng palasyo. Hindi pa ito nabubuksan sa ngayon dahil sa liwanag na nagmumula sa naglalakihang binatana sa paligid. May nag-iisa ring trono sa pinakadulo ng palasyo at sa harapan nito ay may tatlong hagdan. 

Hindi lamang iyon ang mamamataan sa palasyo, kasama na rin dito ang mga estatwa ng mga dating namuno sa Molvesca. May naglalakihang halaman din sa palgid at puno ng mga tagasilbing may kaniya-kaniyang nililinis. May dalawang daanan pa patungo sa iba't-ibang parte ng palasyo. Ito nama'y mas lalong nagbigay ng kuryosidad sa dalaga.

"Saan patungo ang dalawang daanan na iyan?" Tanong kaagad nito sa hari habang nakatingin sa kaniyang harapan. Sinulyapan niya rin saglit ang hari upang masiguro na nakikinig ito.

"Ang kaliwang daan ay patungo sa aking silid at mga silid ng mga tagasilbi. Ang kanan nama'y patungo sa bulwagan at sa mga kinalalagyan ng armas ng Molvesca," tugon ng lalaki. Napakunot naman ang noo ni Fauzeah nang marinig niya iyon.

"Para saan ang armas? May labanan ba?" Tanong ng dalaga. Bahagya namang umiwas ng tingin ang hari at nagpanggap na tila binabati niya ang mga tagasilbi. Doon na napansin ng dalaga ang isang bagay na kanina niya pa nakikita. 'May isang bagay sa islang ito ang hindi nais ipaalam sa akin ng hari'

'May nangyari ba sa nakaraan nito?'

"Hindi ko nais na makialam sa inyong gulo o kung anuman ang mayroon rito. Masaya na rin ako na tila payapa ito ngayon at hindi gaya ng mga ikinwento sa akin," biglang wika ng dalaga dahilan upang mapakunot ang noo ng hari.

The Prophecy Series #2 : Deck of QiverTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang