Chapter 14

2K 150 83
                                    

June 6, Monday.

Dear Diary,
So ito na nga, third year na ako! Ito ang unang araw ko bilang third year student. Medyo okay pa naman dahil puro pakilalahanan lang ang nagyayari sa bawat subject. Wala pa kaming klase, baka raw sa susunod na linggo pa kaya susulitin ko na. Buong bakasyon ko inisip si Jay. Masaya akong malaman na hindi naman pala niya gusto si Gwen. Sa tingin mo, may pag-asa kaya ako sa kaniya?

Kung puwede ko lang sana sagutin ang sarili ko noon, binalaan ko siya na huwag na umasa. Okay naman ako sa happy crush lang, pero dahil nag-assume ako na puwede kami at na may pag-asa ako sa kaniya, nasaktan ako.

May kasabihan nga tayo, the more you hope, the more you hurt.

"Year?" tanong ng registrar na laging galit kapag nag-e-enroll kami. Ga-graduate na lang ata kami ay hindi pa namin siya makikitang ngumiti.

"Third year po," proud namin na sagot ni Yna.

Third year. Filipino subject amg pinakakinatuwaan ko. May isang batas lang ang guro namin noon. Dapat wikang Filipino laman ang gagamitin namin sa klase niya.

Iyon ang taon kung kailan kami tinuruan ng Tanka at Haiku. Favorite ko 'to noon. Gustong-gusto ko kasi na pinaglalaruan ang mga salita. Tapos si Jay parati ang subject ko. Parang ganito . . .

Sana'y pansinin
Itong aking damdamin
Handog na saging

Huwag mo nang isipin kung ano ang koneksiyon ng saging sa damdamin ko. Nagmamadali na kasi akong isulat 'yon dahil late akong nakapasok sa klase. Sakto, alamat ng saging ang huli kong binasa noong gabi bago ang umaga na 'yon.

"At ano ang kinalaman ng saging sa tulang iyong sinulat, Binibining Alejo?" I was placed at the cliff when our Filipino teacher demanded an explanation.

"May puso po kasi ang saging. Isa po iyong idyoma na nangangahulugang, iahahandog ko sa iyo ang aking puso. Sinabi ko lang po na saging, para mapaisip ang mga mambabasa. Dahil kung sasabihin ko na kaagad na puso ang aking inihahandog, parang sinubuan ko lang sila ng pagkain."

Hindi ako sigurado sa sinabi ko noon kaya dinaan ko na lang sa kumpiyansa at pagtatawag ng mga santo.

"May talento ka sa pagsulat," she exclaimed. "May kabuluhan naman pala ang Haiku mo. Muntik ko na markahan ng uno. Magaling!" Napuri pa nga.

Siyempre kung may Haiku, may Tanka o Tanaga rin. Kung ang Haiku ay mayroong taludtod na 5-7-5, ang Tanaga naman ay may 5-7-5-7-7. Kaya mas gusto ko ito dahil mahaba, marami akong masasabi. Parang ganito . . .

Aking ginoo,
Dinggin mo sana ito,
Pagmamahal ko,
Na para lamang sa 'yo,
Kung ayaw mong makulam

"Binibining Alejo, ano na naman itong pinagsususulat mo? Makulam? Pinagbabantaan mo ba ang iyong sinisinta?"

Sasagot na dapat ako sa guro ngunit nasulyapan ko ang tahimik na pagngiti ni Jay mula sa gilid. Wrong timing siya magpakilig. Masaya na siguro siya sa akin.

"Binibining Alejo!" pagpukaw sa akin ng guro nang sandali akong matitig sa lalaki.

"A-Ah." Kasi naman si Yna, ang ingay noong sinusulat ko 'yon. Ang pina-uusapan pa nila ay 'yung tsismis na may mangkukulam daw sa barangay namin. "Makulam po dahil . . ."

"Dahil?"

"Ano ba? Hehe." Kinamot ko ang ulo. Malamig na ang pawis ko sa noo at leeg ay naghihintay pa rin ang guro sa isasagot ko.

"Dahil ano, Alejo?" Malapit na niyang markahan ng bilog ang papel. Kung hindi ko siya masasagot, sunny side up ang iuulam ko mamaya.

HIGH SCHOOL REPLAYWhere stories live. Discover now