Entry#12: Hesusa

232 4 3
                                    

Dahil sa kamalas-malasan, nagsimula ang kwento ni Precious sa napakagasgas na eksena sa mga wattpad novels: PAGGISING. Ang pinagkaiba? Hindi siya naalimpungatan sa napakakulit na alarm clock, kundi sa napakalamig na tubig na humahampas sa kanyang katawan. Napabalikwas siya at bigla-biglang napabangon. Mumukat-mukat pa siya noong una, hanggang sa bigla siyang mapamulagat matapos mapagtanto kung nasaan na siya.

Wala siyang ibang matanaw kundi walang katapusang karagatan, at puro buhanginan at mga puno ng niyog. Nang mapansin niyang mag-isa siya sa gitna ng kawalan ay naghuhumindig na pagsigaw ang kanyang pinasambulat. Dahil napagod sa katitili’y kusa nang tumigil si Precious. Napag-isip-isip niyang wala namang ibang makakarinig sa kanya’t magsasayang lang siya ng enerhiya.

Hinagilap niya ang kanyang Louis Vuitton purse. “OMG! Super lucky me you never lost the water!” nausal niya. Kinalikot niya ang laman niyon hanggang matagpuan ang iPhone 8T. Ipinagmamalaki niyang isa lamang siya sa limang Pilipinong mayroong gano’n. Binuksan niya ang Instagram at kumuha ng selfie para ipakita ang sitwasyon niya. Naglagay siya ng caption: Guyst, pleased do helping me. I deep alonement on the iceland nowhere! Rescue me, bring hairplains! #Alonement#Messing. Maya-maya’y umalingawngaw na naman ang sigaw niya. Hindi dahil walang signal ang telepono kundi nakita niyang punong-puno ng tsokolate’t pamamaga ang kanyang pagmumukha. Dahil sa taranta’y napasugod siya sa dagat at napalublob nang ‘di oras. “My fase! My fase!”

Nang mahimasmasan ay saka lang napagtanto ni Precious kung gaano siya katanga. Naitapon niya sa tubig ang kanyang cellphone pati na ang kanyang natitirang gamit. Ang natitira niya sanang pag-asa ay nawala pa. Napasalampak na lang siya sa buhangina’t nagngangawa na naman. “They paying these charge! Surely nothing credit cards! I will be rising from the ground like a skyscraper!” at gumuhit muli sa kanyang alaala kung paano siya nasadlak sa kalunos-lunos na sitwasyong iyon.

“Hesusa, ikaw lang ang mamahalin ko hanggang sa dulo ng walang-hanggan.” Mababakas ang sa nagkikislapang mga mata ni Mauricio ang marubdob nitong pag-ibig para sa dalaga. Hinapit nito si Hesusa sa baywang at inihiga sa buhanginan. Samantalang si Hesusa nama’y nagpaubaya lamang sa ginagawang pagdagan sa kanya ng binata. “Hanggang sa dulo ng walang-hanggan, Mauricio.” Tuluyan nang naglapat ang kanilang mga labi; saksi ang paghampas ng malalakas na alon sa kanilang pagmamahalan.

“CUT!” umentrada ang tinig na iyon matapos ang eksenang sinundan ng masigabong palakpakan. Kasalukuyan silang nagsho-shooting para sa wakas ng ‘Aagawin Man Sa’yo ang Walang-Hanggan’, ang top-rated teleserye na pinagbibidahan nina Precious Qaguinhauan at Daniel Pettilla.

Bagama’t pinahinto na ang eksena’y diretso pa rin sa paglalaplapan sina Daniel at Precious kaya’t nagkagulo na ang buong set. Ang mga staff ay aligaga na sa pag-iisip ng paraan kung paano patitigilin ang dalawa. Hinubad na nga ni Precious ang kanyang bra at idinildil sa nguso ni Daniel. Kung ‘di nga lamang sa isang malakas na sampal ay hindi titigil ang dalawa. Kapwa sila napabalikwas. Si Katherine Dinurado iyon, ang gumaganap na karibal ni Precious sa teleserye. Pero sa totoong buhay ay ganoon pa rin ang drama nila.

“How dare you flirt with my boyfriend!” nanggagalaiting turan ni Katherine kay Precious. Nag-uusok na nga sa galit si Katherine kaya’t nahila nito ang kasintahan. Isang mapang-asar na ngiti lang ang pinakawalan ni Precious.

“You so very imperpresional! Can you look it only drama you know watching TV! I doing my characteristics. You just do not knowing being talents! You’re so very…very jealousy!” Isang malakas na sampal sana muli ang pakakawalan ni Katherine ngunit napigilan siya ni Precious. “Just admitting that you never get the rule of me ass Hesusa! Also admitting that Daniel donut loves you butt me. The only beautifullest, Precious Quaginhauan!” taas-noo niyang wika at pinilipit niya ang kamay ni Katherine.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon