Entry#37: ESKAPO

967 16 11
                                    

NAKAYAPAK na tinahak ni Ramon ang madilim na eskinitang 'di kalayuan sa isang mall. Hindi rin niya alintana ang manaka-nakang pagkulog at pagkidlat na nagsisilbing liwanag sa kabila ng nagtatagong buwan.

Panay ang linga niya sa mga nagdaraan. Pinapasadahan niya ng tingin ang mga ito na animo'y may hinahanap o may kinikilala. Hanggang sa natuon ang pansin niya sa isang babaeng dumaan sa harapan niya. Isa itong saleslady sa naturang mall dahil na rin sa unipormeng suot nito. Nakasukbit ang itim na bag nito sa balikat at iyon ang target ni Ramon.

Pasimple niya itong sinundan at nang makahanap ng tiyempo ay mabilis niyang hinablot ang bag ng babae. Kumaripas siya ng takbo. Wala siyang pakialam kung may nababangga man siya, ang importante ay makalayo siya sa lugar na iyon. May mga tambay rin na humabol sa kaniya pero mas malayo ang agwat ng distansiya niya sa mga ito. Sanay siya sa ganitong klase ng trabaho, kung trabaho nga bang maituturing ang ginagawa niyang pang-i-snatch. Ito na ang nakamulatan niya mula sa mga kumupkop sa kaniya noong bata pa siya, kaya ito rin ang paraan niya para buhayin ang kaisa-isang anak na babae. Kuwento ng mga kumupkop sa kanya, bata pa lang siya nang makita siya ng mga ito na umiiyak habang palaboy-laboy sa may tambakan ng basura. No read, no write siya. Tiyak, walang tatanggap sa kaniya kung sakali mang mag-apply siya ng marangal na trabaho. Wala na ang asawa niya dala na rin sa matinding hirap nito sa panganganak. Wala naman silang pambayad sa ospital kaya hindi na niya ito naipagamot pa.

Nang masiguro niyang nailihis na niya ang grupo ng kalalakihang humahabol sa kanya, humanap siya ng lugar kung saan walang makakakita sa kaniya. Umupo siya sa bangketa at agad niyang binuksan ang bag na inagaw sa babae. Wala siyang inaksayang oras, hinanap ng malikot niyang kamay ang target na pitaka. Nang makapa ito, agad naman niya itong inilabas sa bag ng may ngiting nakasilay sa kaniyang mga labi.

Swerte, sa isip-isip niya nang makitang makapal ang pitaka. Gano'n na lamang ang panghihinayang niya nang buksan niya ito at makitang iba't ibang klase ng ID at resibo ang dahilan ng kakapalan nito.

Buwisit na buhay 'to! Ilang gabi na akong minamalas, ah! Mabuti na nga lang at may dalawang daang pisong papel na nakaipit sa pagitan ng dalawang ID. P'wede na ito, bulong niya sa sarili.

Nilinga-linga niya ang paligid hanggang sa makakita ng maliit ng tindahan na agad naman niyang pinuntahan.

''Pabili ho, ale,'' sabi niya sa isang matabang babae na nag-aayos ng mga paninda. Napatigil ang ale sa ginagawa at tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa. ''Bibili ako ng tinapay,'' muling sabi niya.

''Ang dumi mo! Umalis ka riyan at baka wala ng bumili sa tindahan ko!''

''P-pero...''

''Hala, sige! Alis d'yan! Alis! Wala akong tindang tinapay!'' halos pasigaw na sabi ng ale. Kumuha pa ito ng walis tingting na handa ng ipanghampas sa kanya.

Dahil doon, napaatras siya. Kitang-kita naman niyang meron itong tindang tinapay, kaso ayaw siyang pagbilhan. May pera naman siya, galing nga lang sa nakaw. Lumayo siya sa lugar na iyon ng may sama ng loob. Dahil ba sa madumi siya kaya hindi siya pinagbilhan? Dahil ba mabaho siya?  Parang hindi naman yata tama 'yon?

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon