Entry#5: Isto da Greyt

365 10 6
                                    

 

Sumisingaw ang init ng lupa.Tigang. Tag-init na kaya mistulang disyerto ang kapatagan ng Pilipinas. Tirik na tirik ang haring araw at maging ang pawis ay maaari nang matuyo sa sobrang pagkabilad.

Napagpasyahan ni Isto na lumabas ng kanyang lungga. Gusto niyang magliwaliw. Bakasakaling makahanap ng mapagpalamigan at makalimot sa ilang hinaing sa buhay.

Nauumay na siya sa pagiging laman ng tuksuhan sa kanilang magkakapatid. Siya kasi ang pinakapayat kaya kinakaya-kaya ng lahat. Bukod sa siya ang bunso, siya din ang pinakalampa. Paano'y pinupukol ang halos buong oras sa kakaguhit ng kung ano gamit ang kanyang dulong bahagi ng katawan.

Ang ina niya namang masyadong matalak ay kinaiinisan niya rin. Paano'y lagi na lang napapansin ang kalakasan niya sa pagkain gayong napakapayat niya. Ano ba ang nais iparating ng ina niya? Na maliit lang dapat ang parte niya dahil maliit siya? Hindi ba't dapat lang na kumain siya ng marami upang siya naman ang lumaki? Nang sa gayon ay mahabol niya ang taba ng mga kapatid niya. Hindi ba? Hindi ba't ganoon ang dapat na lohika ng buhay niya?

Ngunit ano mang pilit niyang manumbat, wala siyang magawa. Napakaliit niya kumpara sa dumadambuhalang mga kapatid niya. Na uugod-ugod nang gumapang dahil sa layer layer na bilbil.
Swapang. Madamot. Laging sigaw niya sa utak. Ngunit hanggang utak lang iyan dahil nanliliit siya ng husto sa tuwing nagrarason ang mga nasa paligid niya. Baluktot ngunit pilit na tinutuwid. At siyang nasa tuwid ay pilit hinahanapan ng depekto upang maging baluktot.

Nagpatuloy si Isto sa paggapang. Ilang minuto nalang at nasa bungad na siya. Sa wakas, makikita na niya ang mundong ibabaw. Ang mundong pinagbabawalang marating nila. Magulo. Malupit. Yan ang palaging bukambibig ng kanyang ina sa hapagkainan. Ano man ang mangyari, iwasan ang makalampas sa bunganga ng lupa. Marami ang maaring mangyari. Delikado ang mga buhay nila. Malamang at sa malamang hindi sila makakaligtas sa Higanteng Manok.

Sa kanilang lugar ay lubos na kinakatakutan ang manok. Ayon sa kwento limang magigiting at matatapang na uod lamang ang nakaligtas sa Haring Manok, daan-daang taon na ang nakararaan. Limang uod pa lamang ang nakabalik ng buhay matapos maglakbay sa ibabaw ng lupa dahil wala lang, trip lang nila.

Napakalaki, nanlilisik ang mga mata, matutulis ang mga kuko sa paa, matulis ang pangil nito at may pulang korona sa ulo. Ilan lamang iyan sa mga nakakatakot na deskripsiyon kay Haring Manok. Naghihintakutan na ang mga kapatid niya sa mga kwentong iyon ngunit balewala lamang ito kay Isto. Dahilan niya'y hindi pa naman niya nakaka-eye to eye contact ito. Ni hindi nga niya narinig ang dumadagundong umanong boses nito. Matapang siya. At iyon ang pinakadangal niya. Payatot siya ngunit malakas ang loob niya. Hindi kagaya ng mga kapatid niya na kay lalaking katawan ay nanginginig kapag naririnig ang mga kalokohang kwento tungkol sa Haring Manok.

Galak ang nadarama ni Isto nang matunghayan na niya ang liwanag. Patunay na mararating na nga niya ang lupang ibabaw. Sa wakas makakalaya na rin siya. Makakalayo na rin siya sa mga nagmamalaiit sa kanya.  Makakatakas na rin siya sa walang kwenta niyang buhay sa ilalim ng lupa.

Kalayaan. Kay sarap pakinggan. Anong saya ang nararamdaman niya habang lumalaki ang liwanag na namamataan niya. Kaunting gapang nalang at malalanghap na niya ang hangin ng kalayaan. Sa wakas, siya ay ganap nang independente!

Nanlalaki ang mga mata ni Isto sa sobrang pagkamangha niya sa paligid. Kahit nanlulula sa naglalakihang mga bagay-bagay ay tuwa pa rin ang umiiral sa kanya. Aliw na aliw siya sa mga nakikitang iba't-ibang hugis. May malaki, mas malaki, napakalaki at sobrang laki. Mayroon ding mga ibat-ibang kulay. May makulay, mas makulay at walang kulay. Pero ang mas nakaagaw ng atensiyon niya ay ang kulay asul na nasa itaas.

Walang ganito sa amin,” naisip niya.

Nagpatuloy si Isto sa paglalakbay. Natutuyo man ang natural na tubig ng kanyang katawan ay tinitiis niya. Minsan lang siya maging malaya kaya't sasagad-sagarin na niya. Sandaling napatigil si Isto sa kanyang paggapang nang hindi na niya kayanin ang sobrang init. Pakiramdam niya'y hindi na kakayanin ng katawan niya ang maglabas ng natural na slime upang mapanatili siyang basa. Mabuti't nasa isang lilim siya ng isang malaking bato kaya hindi masyadong direkta ang init na hatid ng nakakasilaw na bagay sa gitna ng kalawakan ng asul sa kaitaasan.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon