Entry#4: Matsing Magiting

381 10 6
                                    

Sa gitna ng kagubatan, may naghaharing kasamaan. Bawat araw at gabi, mga hayop ay nagsisitaguan sa kani-kanilang mga lungga. Walang nagnanais na masilayan ang kalupitan ni Haring Ahas. Walang gustong matikman ang bagsik ng haring mapangahas!

            Bumabagyo noon at ang mga tao sa palasyo ay hindi magkumahog sa kadahilanang ang palasyo’y pinapasok ng tubig at sinabayan pa ng galit na galit na hari.

Hindi inalintana ni Matsing ang lamig at pagkabasa sa ulan dahil takot at pangamba lamang ang namumukod tangi niyang nararamdaman sa mga oras na iyon. Pangambang baka malunod sila sa pataas na pataas na lebel ng tubig at takot na kung sakaling hihinto siya at tatakas, siya’y ipapahanap at paparusahan ng hari.

Magaling maghanap ng kahit ano o sino ang mga tauhan ni Haring Ahas. Wala ni isa ang nakatakas.

Ipinagpatuloy niya ang pagtatambak ng mga bato at sako ng buhangin sa pinto ng palasyo upang pigilan ang pagpasok ng tubig sa loob.

“Ikaw, Matsing!” Nilingon niya ang tumawag sa kanya. Mas lalong nanginig ang kanyang mga tuhod at nanlamig ang kanyang mga palad nang makitang si Haring Ahas pala ang tumawag sa pangalan niya.

“B-bakit po, mahal na h-hari?” Nauutal na tanong niya. Ramdam niya ang panunuyo ng kanyang bibig kahit na ito’y nababasa ng ulan. Sa sobrang kaba, hindi na siya makagalaw pa.

Ito ang unang pagkakataong nakaharap niya nang malapitan ang hari. Mas lalo niyang nakita ang matipuno nitong pangangatawan. Gayon din ang tindig nitong kasindak-sindak ngunit kamangha-mangha.

“Nais kong doblehin mo pa ang iyong bilis sa pagtatrabaho r’yan!”

Hindi nakaimik si Matsing.

“KILOS!”

“O-opo!” Mabilis na sagot nito sa hari. Ngunit nang kukunin na niyang muli ang pala ay napasubsob siya sa putik nang biglang umuga ang lupa. Maging ang hari ay napasalampak sa basing lupa. Nang makita ni Matsing ang hari, palihim itong natawa.

Sa wakas ay naranasan mo ring malugmok sa putikan.

“Itayo mo ako rito, hampaslupang unggoy!” Pag-aalburoto ng hari. Tatayo na sana si Matsing upang tulungan ang hari nang muli ay bigla na namang lumindol. Bumagsak siyang muli sa lupa at ang hari ay nakaramdam na ng kaunting takot sa mga posibleng maaring mangyari kung lilindol pang muli.

Ikagigiba ito ng aking palasyo!

Lumipas ang ilang minuto at hindi na muling bumalik pa ang paggalaw ng lupa. Sa wakas ay nakatayo na rin si Matsing at naitayo na rin niya ang hari.

Marahas na tinabing ni Haring Ahas ang mga kamay ni Matsing. Kasabay ng pagtaboy nito sa mga kamay ng kawawang si Matsing, tila isang milagrong lumiwanag ang kalangitan. Tumila ang ulan at ang malakas na pagbayo ng hangin ay natigil nang biglaan.

Nagulat ang lahat. Maging ang hari ay hindi nakagalaw sa nangyari. Imposible!

Unti-unti, namuo ang mga ngiti sa mga labi ng mga nasa palasyo. Nagdiwang ang mga ito. Sigawan at sayawan dahil sa tuwa.

Maging ang hari ay nakaramdam ng sigla ngunit hindi niya iyon ipinakita dahil ayaw niyang isipin ng kanyang nasasakupan na siya’y lumalambot na kaya naman napagdesisyonan na lamang niyang pumanik sa kanyang silid.

Ngunit hindi pa pala natatapos doon ang delubyo.

Natakluban ng ulap ang buong kalangitan. Walang hangin. Walang kahit ano. Sa sobrang dilim ay hindi na nila masyadong maaninag ang isa’t isa.

“Anong nangyayari!?” Tanong ni Elepante.

“Bakit dumilim na naman!?” Tanong naman ni Usa.

Marami pang mga naguguluhang tanong ang umalingawngaw sa loob ng palasyo ngunit ni isa sa mga iyon ay hindi nasagot. Walang may alam ng tamang sagot.

Mula sa kaila-ilaliman ng lupa, malakas na pag-uga ng lupa ang biglang pumailanlang. Nagulat ang lahat kasabay ng kanilang pagkatumba sa sahig.

Ang hari ay kamuntik nang mahulog mula sa hagdan. Dahil sa taas at tarik ng hagdang iyon, hindi siya madaling nakaakyat sa kanyang silid at inabutan siya ng paglindol.

Nakita siya ni Matsing at kaagad siyang tumakbo upang tulungan ang hari. Nakalimutan na niya ang masidhing pagkamuhi kay Haring Ahas at nangibabaw ang pagiging mabuting nilalang ni Matsing.

Muli, itinaboy siya ng hari. Nakaramdam si Haring Ahas ng saya ngunit inialis niya iyon sa kanyang isip at naging marahas na naman. Ayaw niya ng kinaaawaan siya.

“Bakit mo ako tutulungan sa kabila ng ginawa kong kasamaan sa inyo!?”

Hindi siya pinansin ni Matsing. Itinayo lamang siya nito. Nalilitong tinitigan niya ang unggoy. Tila may kumalabit sa kanyang puso at siya’y nalungkot. Ngayon lamang may nagmalasakit sa kanya sa ikalawang pagkakataon kahit na masama ang pakikitungo niya rito.

“Bakit?” Muli ay tanong niya rito. Sa mga oras na iyon, tila huminto ang mga oras para kay Haring Ahas. Sa unang pagkakataon, gusto niyang malaman kung bakit tinulungan pa siya kahit na napakasama niya.

            “Haring Ahas—“ Lumindol na namang muli. Inalalayan ni Matsing ang hari pababa ng hagdan at sumunod sa mga naglalabasang ibang hayop. Mas makabubuti kung sa labas sila kaysa naman mabagsakan naman ng mabibigat na pader at kisame ng palasyo kung sakali mang gumuho ito.

            Nanatili silang kapit-kapit sa gitna ng damuhan sa harap ng palasyo. Sabay-sabay dumadaing. Sabay-sabay natatakot sa maaring mangyari. ‘Di alintana ang lakas ng ulan, basta’t sama-sama, sa tingin nila, ay kakayanin nila kahit papaano.

            “Bakit, Matsing? Bakit?” Tanong ng hari sa gitna ng mga sigawan at iyakan ng bawat hayop na nasa paligid niya.

            Hinarap siya ni Matsing.

            “Hindi ibig sabihin na masama ang isang nilalang ay hindi mo na siya tutulungan. Laging sinasabi sa akin ni Inay na lahat tayo’y lalang ng iisang Diyos. Lahat tayo ay nagkakamali. Lahat tayo ay nagkakasala. Iyon lamang, ang iba ay sumosobra na.

            “Sabi pa niya, tulungan mo ang masama dahil ang mga masasama ay minsan na ring naging mabait. Baka sakaling maibalik mo ang kabutihang matagal nang nagtatago sa likod ng kanilang mga puso. Sa kabila ng delubyo, nandoon ang muling pagsikat ng araw na siyang magbibigay kaliwanagan.

            “Ngunit kung hindi mo man iyon magawa, ayos lang. Kahit papaano’y sinubukan mo naman. Walang masama kung iyong susubukan. Mali, wala kang mapapala kung hindi mo susubukan.”

            Pamilyar ang kanyang sinabi…napakatagal nang panahon kaya’t hindi ko na maalala pa ngunit ito’y pamilyar talaga! Tama! Iyon ang sinabi sa akin noon ng aking kababatang si…sandali!

            Napatigil si Haring Ahas. “Tsingtsing!?”

            Noong una’y gulat na gulat pa si Matsing ngunit nang lumaon ay napangiti na rin siya. Niyakap niya si Haring Ahas.

“Hashas!”

            Biglang lumiwanag ang langit. 

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon