Entry#1: Kahit Ngayong Gabi Lang

1.1K 9 9
                                    

Kahit Ngayong Gabi Lang

Umalingawngaw ang malakas mong pagtili nang humampas ang malakas na hangin. Ni ‘di mo malaman kung ano ba ang una mong pipigilan; ang pag-angat ng iyong maikling palda o ang paglipad ng iyong malapad na sumbrero. Hanggang sa tuluyan na nga itong tinangay ng hangin. Ngunit mas mabuti na rin ‘yon, kaysa naman mabulgar ang kulay ng iyong panloob. Nagulo ang mahahaba mong buhok dahil sa pagtatangka mong paghabol sa sumbrero. Naabutan mo itong nakasabit sa mga damong makahiya kaya’t bahagya kang napangiwi. Ngunit maswerte ka pa ri’t ‘di iyon napunta sa putikan.

Nang akmang dadamputin mo na iyo’y naunahan ka ng mas agresibong kamay. Sa pagtunghay mo’y sumilay ang natatawa-tawang mukha ng isang dalaga, habang hawak ang iyong nawaglit na sombrero. “O, ito.”

“Ay! Loren, thank you—

Akala mo’y ibibigay na niya ito sa’yo ngunit nang kukunin mo na ito’y bigla na lang niya itong itinaas sa ere. Sa halip, isang malakas na pisil sa mukha ang isinunggab niya sa’yo. Sa sobrang kapal nga ng pagkakahakab ng kanyang mga daliri sa’yong pisngi ay muli ka na namang napatili dahil sa pinaghalong gulat, sakit, at kiliti. ‘Yon nga lang, sa pagkakataong ‘yo’y mas malakas at mas matinis. Sa halip na maawa siya sa reaksyon mo’y humagalpak pa siya sa kakatawa. Kung ‘di ka pa nga siguro nagpumiglas ay ‘di ka niya titigilan hangga’t ‘di nagiging ube ang iyong mukha.

“Nakakainis ka talaga, Loren, kahit kailan! Ang kulit-kulit mo!” pag-aatungal mo sa kanya kasabay ng isang sagad sa balong lalim ng pag-irap. Nakuha mo pang pagsagmungin ang dalawa mong braso. Ngunit tila wala lang ‘yon sa kanya’t patuloy lamang siya sa paghalakhak. Napapapalo pa nga siya sa’yo sa sobrang kasiyahan na akala mo’y tumama ng bilyon sa lotto. Ginawa ka na naman  niyang manikang paboritong panggigilan.

“A-ang-l-landi m-mo kasi!” Hindi mo na nga halos maunawaan ang pinagsasasabi niya dahil sinasabayan nito ng madalas na paghagikhik ang pagsasalita. Nagkabuhol-buhol na nga ang mga tinig, salita, at laway niya. Wala ka na ngang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga na lang. Umabot nga yata ng dal’wang minuto ang iyong paghihintay bago ito bumalik sa ‘katinuan’.

“For your information, palaka ka! Hindi ako malandi, maganda lang talaga ako,” hirit mo. Sa sinabi mong ‘yon ay hahagalpak na naman sana siya ng mas malakas na pagtawa kung ‘di nga lang siya nagpigil.

“Ew, hindi daw! E, sino kaya ang matinong magsusuot ng ganyan kapag naglilibot sa parang. Sabihin mo! sige nga, sige nga!” Ngumuso pa siya sa’yong parang nang-uuyam at hinahamon ka talaga. Hindi ka nagpadaig kaya’t mas matinding pang-aalaska ang isinagot mo.

“Yuck!” usal mo sa kanya. Napaurong ka pa nga para ipakitang nandidiri ka sa kanya. “Aminin mo na lang na wala kang kaalam-alam sa fashion. Kaya hanggang ngayon e NBSB ka pa rin e,” banat mo naman. Nakita mong tinablan siya roon dahil sa pangangasim ng kanyang mukha. ‘Di mo tuloy mapigilang magdiwang dahil nakalamang ka.

“Mas kadiri ka kaya! Tigil-tigilan mo nga ako d’yan sa fashion-fashion na ‘yan, Max! Hindi bagay!”

“How dare you! ‘Wag mo nga akong tawaging Max, palaka ka! FYI, it’s Maxene. M-A-X-E-N-E. Inggit ka talaga sa’kin ‘no?” pagmamataray mo. Ni ‘di mo na nga napigilang ilakas ang boses mo. “Pikon ka lang! Bakla…bakla…M-A-X. Max! Bakla! Ble! Belat!” nakuha ka pa talaga niyang dilaan at ngingisi-ngisi pa. Talagang hindi papadaig sa’yo si Loren hanggang ‘di ka sumusuko.

“Uunga!” Sa gitna ng inyong pagtatalo ay dumagundong ang isang nanlalalim na tinig na pareho n’yong ikinagulat. Sa paglingon mo kung sino ang biglang sumang-ayon ay halos mapamura ka na lang sa inis. Dahil nagmula pa ‘yon sa isang kalabaw. ‘Tang-ina sa timing!’

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon