Entry#1: Precious Dreams

456 8 5
                                    

“Mga beautipul ma’am and ser, I hab pruts, begetables and pish por sale her! Buy now, buy now!” mapaos-paos na sigaw ni Precious. Kanina pa n’ya paulit-ulit na isinisigaw ang linyang ‘yan at pinipilit na mapansin ng mga mamimili sa palengke.

Kahit na gabi na at malakas ang ulan at halos minu-minuto ang pagkidlat at pagkulog, hindi pa rin nagpapa-apekto si Precious. Sa kabila ng ingay sa loob ng palengke ay kapansin-pansin pa rin s’ya. Bilang imahe ng typical na Pinay, kayumanggi ang kulay ng balat at may kapanguan ang ilong. Suot ang “spaghetti” kung tawagin na damit dahil sa manipis lang nitong manggas at maikiling palda at kulay pulang apron ay bibo pa rin s’yang sumisigaw para lang may bumili sa tinitinda n’yang gulay at isda. Kahit na pawisan at mabaho na’y nakangiti pa rin s’ya n’yan. Baka raw kasi may dumaang gwapo at mayaman sayang din kung hindi n’ya mabibingwit.

Sa kabila ng ngiting pinapakita ni Precious, lingid sa kaalaman ng ibang tao’y marami s’yang problemang kinahaharap. Grade 5 lang ang natapos n’ya, may TB ang tatay n’ya at hindi nag-aaral ang anim na nakababata n’yang kapatid. Limampung porsyento ng kita n’ya ay inilalaan n’ya sa pagpapagamot ng kanyang amang nangayayat na sa isang taong pagkakaroon ng TB. Gustong-gusto ni Precious na yumaman at makaahon sa hirap kaya kayod-kalabaw s’ya kung magtrabaho.

“Precious, isang kilo nga nito,” saad ng isa sa mga suki ni Precious sa palengke.

“Okay Aling Tonyang! Wait por it,” nakangiting sagot ni Precious sabay timbang ng isdang napili ng Ale.

Matapos matimbang ang isda ay dali-dali n’yang kinuha ang calculator at madaliang kinwenta ang tinda. “Sebenty payb lang po, Aling Tonyang.” Nilagay n’ya sa plastik ang isda’t masayang inabot sa Ale.

Agad naman n’yang kinuha ang nakatagong notebook at ballpen na may tintang kulay pink pa sa bulsa ng kanyang apron at nilista ang kita.

“You come back again, Aling Tonyang okay?” dagdag n’ya na pa. Palagi naman n’ya ‘yong paalala sa tuwing bibili ang pobreng Ale. Nang makaalis ang Ale ay balik na naman s’ya sa pagsigaw. Winawagayway pa n’ya ang hawak-hawak na ballpen na tila ba’y may mahika itong taglay at may lalabas ditong mayamang customer.

“I hab pruts, begetables and pish por sale her! Buy n--” natigil s’ya sa kanyang pagsisigaw nang may tumigil na sasakyang itim sa harapan ng puwesto niya’t niluwa ang isang gwapong nilalang na ngayon n’ya lang nakita sa tanang buhay n’ya. Tila napako s’ya sa kanyang kinatatayuan, napatigil sa ere ang kamay n’yang may hawak na ballpen at nanatiling nakanganga ang kanyang bibig.

Nakatitig lang s’ya sa lalaking naglalakad papunta sa pwesto n’ya at sakto pang nakatingin ito sa kanya. Idagdag pa ang ulan na unti-unting binabasa ang lalaki at mas nakikita ang hubog ng katawan nito. Hindi makapaniwala si Precious sa nakikita kaya’t naipikit n’ya ng dali-dali ang kanyang mga mata.

Tunog ng along dumadampi sa dalampasigan at hanging humahaplos sa kanyang balat ang nagpamulat sa mga mata ni Precious. Literal na nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita, wala na siya sa palengke bagkus ay nasa isang isla na s’ya. Wala s’yang ibang makita maliban sa puting buhangin, mga puno at ligaw na halaman at malawak na karagatan. Napansin n’ya ring nakataas pa rin pala ang kamay n’ya at hawak-hawak pa rin ang ballpen n’yang may pink na tinta.

“Is you a penk magical pen?” gulat na tanong ni Precious sa ballpen. Wala s’yang ibang maisip na dahilan kung bakit s’ya napadpad sa islang ‘yon. Iyon nga ba ang dahilan kung bakit s’ya naroon?

Dali-dali n’yang inilagay ang ballpen sa loob ng kanyang apron na suot-suot pa rin pala n’ya. Nakita n’ya sa loob ang cellphone n’yang Nokia na de sungay pa. Kahit na 3310 na ang usong cellphone ngayon ay masaya pa rin si Precious sa kung anong meron s’ya.

Nang tingnan n’ya kung anong oras na’y nalaman n’yang alas otso na pala ng gabi. Napasimangot si Precious, maliban sa hindi n’ya mapapakain ang mga kapatid n’ya ay hindi rin s’ya makakahabol sa palabas na pinakahihintay n’ya. Ang It might be you na pinagbibidahan ng idol n’yang si John Lloyd at Bea. Walang nagawa si Precious kundi ang maglibot-libot na lang sa isla.

“Tulong! Is anyone here? Helf me, I want to be on my home now!” sigaw n’ya habang naglalakad. Mabuti na lang at malaki ang buwan at nasisinagan ang dinadaanan n’ya.

Nang medyo malayo na ang nalalakad ni Precious ay may naaninagan s’yang isang maliwanag na parte ng isla. Tila may naririnig din s’yang tugtog. Dali-dali n’ya itong sinundan, nang makalapit s’ya doon ay nakakita s’ya ng lalaking nakatalikod na nakasuot ng itim na Amerikana. Makikitaan din ng kakisigan ang tindig nito.

“S-sino ka?” nanginginig na pang-uusisa ni Precious.

Dahan-dahang lumingon ang lalaki at tumamabad sa kanya ang lalaking iniluwa noon ng itim na sasakyan sa palengke. Nakangiti na naman ito at iniaabot ang kamay sa kanya. Nahihiya n’ya namang tinanggap ang kamay nito’t hinayaan n’yang hilain s’ya.

Mas lumakas ang tugtog na kanina n’ya pa naririnig. Ngayon nga’y sumasayaw na sila, nakapaikot sa beywang n’ya ang kamay ng binata habang ang mga kamay naman n’ya ay nasa balikat nito. Tila pamilyar ang nangyayari. Ang isla, ang tugtog, at ang gwapong binata. Doon n’ya naalalang ganoong pangyayari nga pala ang pinapanarap n’ya noon pa. Akala n’ya impossible ‘yong mangyari dahil na rin sa bayan nila’y ang prinsipyo’y ang mayaman ay para sa mayaman at ang mahirap ay para sa mahirap.

Matapos silang sumayaw ay dinala s’ya ng lalaki sa harap ng mesang hindi n’ya napansin kanina na punong-puno ng pagkain. May mga pagkaing sa litrato lang n’ya noon nakikita at sa panaginip n’ya lang natitikman.

Bigla s’yang inabutan ng binata ng marshmallow stick at dinala s’ya sa harap ng chocolate fountain. Doon ay sabay nilang sinawsaw ang hawak nilang marshmallow at pinag-cross ang kanilang mga kamay at kumain na tila ba bago silang kasal. Lahat ng mga nangyayari ay umaayon sa mga matagal nang pangarap ni Precious.

Nagulat si Precious nang bigla n’yang maramdaman ang paglapat ng kamay ng binata sa mga labi n’ya.

“May chocolate kasi,” pagpapaliwanag ng binata sabay dahan-dahang pinahiran ang labi ni Precious.

Maya-maya’y papalapit na ng papalapit ang mukha ng binata. Nakanguso ang labi nito’t nakapikit ang mga mata.

Napapikit na lang din si Precious at hinintay na dumampi sa labi n’ya ang labi ng binata nang bigla s’yang makaramdam ng pananakit sa kaliwang bahagi ng pisngi n’ya na tila ba sinampal ang bahaging ‘yon.

Napamulat si Precious at tumambad sa kanya ang galit na mukha ng isang magandang babae katabi ang gwapong lalaking iniluwa kanina ng sasakyan.

“Miss, bibili kami ano ka ba? Kanina pa kami nakatayo ng boyfriend ko rito pero hindi mo kami pinapansin. Alam mo namang umuulan!” galit na saad ng babae.

Napakurap-kurap pa si Precious bago naintindihan ang nangyayari. Nananaginip lang pala s’ya ng gising kanina kaya naman pala umaayon ang lahat sa mga gusto n’ya. Sinampal din s’ya ng galit na babae kaya naman sumasakit ang pisngi n’ya.

Imbes na magreklmo pabalik ay humingi na lang din ng paumanhin si Precious. Dahil sa sampal na ‘yon ay nagising s’ya sa katotohanan. Sa katotohanang ang mayaman ay madaling naaapi ang mahihirap at sa lugar nila’y sa panaginip lang mangyayari ang mayayaman ay mahuhulog sa mahirap. Kaya naman talaga walang makakasisi kung gustong-gusto talaga ni Precious na yumaman.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon