Entry#34: Salamin ng katotohanan

947 15 7
                                    

"Anak! Gumising ka na tanghali na!" sigaw ng iyong ina mula sa labas ng iyong kwarto.  Alas-dyes na kasi ng umaga ngunit ikaw'y nakahilata pa rin sa kama.

Dahan-dahan mong iminulat ang iyong mga mata at napansing pumapasok na nga ang sinag ni haring araw sa maliliit na butas sa pagitan ng bawat parihaba ng bintana ng iyong silid. Kinusot-kusot mo pa ang iyong mga mata, tumigil saglit; nag-iisip kong babangon na nga ba o hindi, ngunit nagpagdesiyunan mo ring ipagpatuloy pa ang naudlot na magandang panaginip.

“Nay mamaya na kasi, ang aga pa." Nakapikit mong sagot sa iyong inang kanina pang sumisigaw at nababagot. Para sa iyo'y ang alas-dyes ay maaga pa, upang imulat ang 'yong mga mata. Madaling araw ka na ngang nakatulog dahil masiyadong napako ang atensyon mo sa iyong kompyuter kagabi kaya hindi mo namalayang madaling araw na pala.

"Ano ka ba anak? Marami pang kailangan gawin dito sa bahay! Tulungan mo akong maglinis, magluto, maglaba at magwalis! Puro kain, tulog, gala na lang ang iyong ginagawa. Hindi kita pinalaki para maging tamad! Tandaan mo pag nawala na ako, ewan ko na lang kung anong mangyayari sa ‘yo!" Sa lakas ng boses ng iyong ina’y alam mong galit na galit na ‘to. Naisip mo pang kulang na lang siguro ay may lumabas na usok sa ilong ng nanay mo. Galit na naman ito dahil sa'yong pagkabatugan. Hindi ka na naman daw tumulong sa gawaing bahay. Tamad ka raw talaga! Ngunit nasanay ka na, sapagkat ito ang senaryo  halos araw-araw.

Iminulat mo ulit ang iyong mga mata, ngunit di ka muna bumangon. Kinuha mo muna at tiningnan ang iyong cellphone na nakalagay sa ilalim ng ‘yong unan—ang bagay na kinaiinisan ng nanay mo. Ano nga bang nasa cellphone na ‘yan at hindi mo maiwala sa tabi mo? Tatakbo ba ang cellphone kaya kailangan talaga ipitin ng unan? Mas importante ba talaga ‘yan kaysa sa sinasabi ng nanay mo?

Sinimulan mong basahin ang mga unread messages at isa-isa talaga itong ni-replyan na tila ba ilan lang ang mga iyon sa pinaka-importanteng bagay sa mundo na dapat bigyan ng seryosong atensyon.

Matapos ang ilang minutong pakikipag-text sa mga kaibigan mong wud, wun, wuk lang naman ang itinanong, sa wakas ay napilit mo rin ang sarili mong lisanin ang ‘yong kama. Sinimulang iligpit ang ‘yong higaan ngunit tila papel na tinupi-tupi lang ang ginawa mo sa ‘yong kumot. ‘Magugulo lang din naman ‘yan mamaya,’ ang palagi mong rason.

Pagkalabas mo ng ‘yong kwarto’y nakita mo ang nanay mong abala sa paglilinis. Linggo kasi at general cleaning nga raw ika niya. Ayaw niya ng marumi at palagi niyang sinasabi sa’yong dapat matuto ka ring maglinis dahil hindi siya palaging nandyan sa tabi mo para iligpit ang mga kalat mo.

“Anak, pakilinisan naman ang sala oh,” malambing na pakiusap sa’yo ng nanay mo.

Alam mong wala ka nang magagawa kaya tumango ka na lang, ngunit hindi rin nagpatalo’t may kasunod pang katagang binitiwan. “Mamaya na.”

“Mamaya na. Diyan ka magaling! Puro ka na lang mamaya na, mamaya na! Ang tamad-tamad mo talaga!” galit na namang sermon sa’yo ng iyong ina. Memoryado mo na ang linyang ‘yan kaya parang wala na ring epekto sa’yo.

“Kakain pa kasi ako,” dahilan mo ngunit ang totoo’y ‘mamaya na’ talaga ang paboring linya mo. Padabog kang umupo sa mesang may naghihintay na pagkain.

Matapos kumain at kahit labag sa loob mo ay iniligpit at hinugasan mo rin ang pinagkainan mo. Sunod ay padabog kang kumuha ng walis tambo, nagpunta sa sala at nagsimulang maglinis. Pakiramdam mo’y ito na ang pinakadakila at pinakamahirap na bagay na ginawa mo. “Hindi nga sabi ako tamad,” usal mo sa sarili mo.

Habang tumatakbo ang oras, pakiramdam mo ay ang tagal-tagal mo nang naglilinis. Tutok na tutok ang atensyon mo sa paglipas ng oras, sa pagdaan ng minuto at pagtakbo ng segundo, na hindi mo naman namamalayan kung ikaw ay nasa harap ng iyong cellphone at computer.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon