Entry#2: Ang Kinarmang Pangarap

443 20 10
                                    

Tahimik na pinagmamasdan ng batang kuto ang mga kalahi niyang dumadaan; may nagkwekwentuhan habang gumagapang at ang iba’y sumisipsip ng dugo. Kahit na pang-ibabang parte na ng ulo ang tirahan nila’y marami-rami pa rin sila roon. ‘Iyan ang napapala ng batang paminsan-minsan lang naliligo at nagsusuyod’ ang kalimitang sinasabi ng mga kapwa niya kung nagtatanong siya kung bakit nga ba ang dami na nila.

“Ina, bakit hindi pa ako pwedeng gumapang kahit saan tulad nila?” tanong niya kay Inang kuto na nasa tabi lang niya.

“Masiyado ka pang maliit. Hayaan mo sa loob ng ilang linggo’y lalaki ka na rin tulad nila. Ngayong maliit ka pa, dito ka lang at tulungan mo kaming bantayan ang mga kapatid mong lisa,” paliwanag ng kanyang ina at pagkatapos ay sumipsip ito ng dugo na tila ba isa itong pomegranate juice.

“Pero bakit kailangang dito talaga tayo sa pinaka-ibabang parte ng ulo ng bata?” pang-uusisa niya ulit. Kung ikukumpara sa mga tao, parang barrio lang ang lugar nila’t sa taas ang siyudad.

“Mas ligtas dito dahil mahirap abutin ng suyod. At saka parte pa rin naman ito ng ulo. Mas mabuti na ito kaysa sa buhok na nasa ibabang parte ng katawan ng tao, masiyadong marumi doon,” sagot ng kanyang Amang kuto na tahimik lang kanina. Mas maliit ito kumpara sa kanyang asawa, ngunit makikita pa rin ang kakisigan nito.

Binalik na lang ng batang kuto ang kanyang atensyon sa mga kuto na nasa paligid niya. Kahit ano pa man ang pagpapaliwanag na gawin ng mga magulang niya’y hindi pa rin mawala-wala ang pagka-inggit niya sa iba.

“Hindi ka sasama?” tanong ng isang kutong mas malaki lang ng kaunti sa kanya.

“Sa-sama,” sagot ng dating batang kuto na ngayon ay medyo malaki-laki na rin. Hindi niya pala napansing tumigil na sa paggapang ang kanyang anim na paa’t muli niyang inaalala ang sinabi ni Inang kuto sa kanya noong isang linggo.

Siguro naman sakto na ang laki ko ngayon para makaalis sa lugar na ito. Naisip niya. Hindi na siya makapaghintay ng ilan pang linggo para lang makaalis sa lilblib na parte ng ulo ng batang tinitirahan nila, sa parteng ‘to din kasi ang pinakadumi, dahil sa hindi halos maabot ng shampoo ng bata kung ito’y naliligo. Wala ang kanyang Inang kuto’t Amang kuto ngayon, sabay umalis ang mga ito’t tila gagawa ulit ng bagong lisa. Naisip niyang tamang tyempo ito para umalis siya’t sumama sa mga kaibigan niya. Handa siyang iwan ang kanyang pamilya para lang sa kanyang kasiyahan.

Nagsimula na silang gumapang pataas. Hindi niya maipaliwanag ang kasiyang nararamdaman. Sa loob ng ilang linggong pananatili niya sa pwesto nila’y ngayon lamang siya naglakas ng loob na tumakas.

“Hanggang dito lang muna tayo,” utos ng lider ng grupo nila. Itim na itim na ang kulay nito; palatandaang matagal na ‘tong nabubuhay at marami nang nasipsip na dugo. Umiitim kasi ang kulay-abo nilang katawan kapag sa dugo sila dumedepende para mabuhay.

Inilibot niya ang kanyang paningin. Hindi niya na alam kung nasaang parte na sila ng ulo ng bata. Ang nakikita niya lamang ay mga buhok na may nakakapit na lisa’t marami pang ibang kutong gumagapang. Ang alam niya lang ay malayo na ‘to sa lugar nila sapagkat ‘di hamak na mas malinis na ito at nakikita niya na rin ang sinag ng ilaw sa taas ng ulo ng bata.

“Gutom na ako,” usal ng isa sa kanila at agad na sumipsip ng dugo. 

Isa-isa silang sumipsip ng dugo. Wala mang pinagka-iba ang lasa ng dugo sa parteng ‘yon sa tahanan nila’y pakiramdam niya pa rin ay ‘yon na ang pinakamasarap na dugong nalasahan niya.

“Takbo!” sigaw ng isa sa mga kasamahan niya.

Agad naman siyang tumakbo habang ang daliri ng batang may-ari ng ulo’y kamot-kamot na ang parteng pinag-pyestahan nila kanina. Maya-maya’y bigla na lang humagalpak ng tawa ang mga kasamahan niya at ‘di niya nga napigilan ang sarili niyang mapatawa na lang din. Ang saya palang lumabag sa mga magulang mo minsan at gumawa ng kabaliwan. Naisip niya. Naisip niya ring ang sama ng Inang kuto’t Amang kuto niya para pagkaitan siya ng ganitong karanasan at pinaniwala siyang maganda na ang buhay nila sa baba. Mali sila, dahil nasa lugar kung saan sila ngayon ang tunay na kasiyahang pinapangarap niya.

“Punta pa tayo sa taas,” mungkahi ng isa sa kanila.

Sabay-sabay silang gumapang doon at nang marating nila ang tuktok ay kitang-kita na sa pwesto nila ang paligid sa labas. Kung titingnan nga naman sa labas, kitang-kita na ang presensiya nila sa ulo ng bata.

“Sabay-sabay tayong sisipsip ah!” sigaw ng lider ng grupo nila.

Bigla siyang kinabahan sa mga salitang ‘yon. Kung sisipsip sila ng sabay ay mas lalong maaagaw nila ang atensyon ng bata. Naalala siguraduhin mong mamuhay ng tahimik. Para ‘yan sa kaligtasan mo.”

Anim sila ngayong magkasama, hindi naman siguro sila ganoon karami hindi, hindi ba? At saka, bakit nga ba niya inaalala ang sinasabi ng mga magulang niya? Ang mga magulang niyang nagsinungaling sa kanya.

Sabay-sabay nilang binigkas ang “Isa, dalawa at tatlo!” at sabay-sabay ring sumipsip ng dugo. Pakiramdam niya’y ang tapang niya na’t kaya niya nang mabuhay na malayo sa poder ni Inang at Amang kuto. Matapang siya at mas masaya sa piling ng kanyang mga kaibigang hindi siya pinagbabawalan.

Tawanan. Halos sumabog na ang tiyan niyang puno ng sinipsip na dugo sa kakatawa ngunit bigla itong naglaho nang mapalitan ito ng sigawan.

“Suyod!” Narinig niyang sigaw ng mga kasama niya.

Hindi niya na maintindihan ang mga sumunod na pangyayari. Basta ang alam niya na lang ay gumagapang na siya’t tila may sariling utak ang kanyang anim na paa.

Delikado ang lugar na iyon anak. Isang beses sinabi ‘yon ng nanay niya sa kanya.

Huwag sisipsip sa parteng marami kayo nang ‘di kayo madaanan ng suyod. Tatay niya naman ang may sabi no’n.

Makinig ka sa’min, huwag kang aalis! Ngunit umalis pa rin siya.

Unti-unti niya nang nakikita ang resulta ng kamaliang ginawa niya. Ito na ‘ata ‘yong sinasabi nilang karma. Kung makakatakas lang siya ngayon, pinapangako niyang makikinig na talaga siya sa magulang niya. Blood is thicker than water ika pa nila sa tuwing sisipsip sila ng dugo kompara sa mababasa ng tubig kung naliligo ang paminsan-minsan lang naliligong batang tirahan nila. Wala ngang mas ligtas pang lugar kundi sa piling na rin ng pamilya mo. Bakit nga ba niya ipinagpalit ang kanyang pamilya para lang sa sarili niyang pangkasiyahan? Bakit hindi niya rin naisip ang Inang at Amang kuto niyang walang ibang gutsto kundi ang kaligtasan niya? Puno ng pagsisising iniisip niya ang mga bagay na ‘yon.

Patuloy sa paglandas ang suyod sa ulo ng bata. Mukhang pursigido talaga itong huliin silang lahat. Pinilit niya ang kanyang anim na mga paa na gumapang pa ng mas mabilis.

Gapang. Nagsisisi na siya.

Gapang. Dapat nga nakinig siya sa mga magulang niya.

Gapang. Naramdaman niya na lang ang pagdampi ng suyod sa likod niya.

Huli na.. huli na ang lahat para magsisi siya.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon