Entry#6: TAHANAN

383 10 5
                                    

Ano ang silbi ko sa mundong ibabaw?

Ang tanong na 'yan ang tanging pinag-uusapan namin ng kaibigan ko. Sa tuwing dumarating ako mula sa aking paghahanap ng lugar na siyang pwede kong tirhan, lagi lang siyang nakatayo sa kung sa'n ko siya iniwan.

Iniwan. Sa mga nagdaang araw, ako'y umaalis ngunit siya ay nandito pa rin.

Lagi lang siyang nakatindig nang maayos, pero hindi alam ng karamihan ang tunay niyang nararamdaman.

Ramdam ko ang tigas ng kanyang kamay at malaoy lumapit ako lalo para makausap siyang tunay.

"Kaibigan," panimula ko at ngumiti lang siya habang nakatingin pa rin sa malayo. "Hindi ka ba sasama sa akin?" tanong ko.

Sa kanyang pagkarinig, isang dampi ng hangin ang aking naramdaman at 'yon ang naging hudyat na siya'y magsasalita na.

"Kailangan ko pang manatili.. marami pa akong kailangang gawin. Ako'y may hihintayin rin."

"P-pero, alam mong malapit na silang dumating dito, kaibigan. Hindi ka ba natatakot sa maaari nilang gawin?"

Sinulyapan ko siya't gan'on pa rin ang kanyang mukha.. may nakapinta pa ring kasiyahan na siyang dahilan kung bakit ayaw niya pa ring magpatinag.

"Ang pagkatakot ay para sa mga duwag. Ang mga duwag ay mananatiling duwag kung magpapalamon sila sa takot. Ang takot ay ang kakulangan sa paninindigan. Ano pang silbi't nabuhay ako mula sa isang simpleng buto kung ako'y matatakot din?"

Bigla akong napaisip. Duwag nga ba ako? Marahil oo, marahil rin hindi. Samakatuwid, hindi ko rin siya masisising hindi umalis dahil ilang taon na rin siyang naririto. Ilang dekada na ang kanyang nasaksihang dumating at umalis. Ilang beses na rin siyang pinagtangkaang patayin pero heto pa rin siya, nakatayo't nagdarasal ng mataimtim.

"Bakit ka ba nagdarasal, kaibigan? Para sa kanila lang ang bagay na 'yan," sabi ko at dumapo sa kanyang isang kamay.

"Walang bagay sa mundo na pag-aari ng isa lamang. Lahat ng nakikita natin, lahat ng ginagawa nila.. lahat ay pwede nating gawin. Lahat ay makakayanan nating tapusin."

"Tapusin?" tanong ko at isang buntung-hininga ang narinig ko mula sa kanya.

"Oo. Lahat ng nasimulan ay may katapusan rin. Kagaya mo, kagaya ko. Lahat tayo may hangganan rin."

Seryosong-seryoso ang aming pinag-uusapan pero hindi ko akalaing nananatili pa rin siyang kalmado sa sitwasyong maaari niyang kahinatnan sa mga susunod na araw.

"Lumipad ka na't magparami. Mabuhay ka't alamin ang kagandahang meron ang mundo. Saksihan ang unti-unti nitong pagguho."

Isang malakas na hangin, agad niya akong itinaboy.

Hindi man alam ang ibig niyang sabihin kanina ay iniwan ko na siya. Alam kong may rason siya.. kahit ang rason na 'yon ang maaaring makapagpahamak sa kanya.

Dumapo ako sa aking bagong tahanan at agad na sumalubong ang aking katipan. "Magandang hapon sa'yo aking mahal. Sa'n ka ba galing at kita ang pagod mula sa iyong mukha? May nakuha ka bang mga uod para sa ating hapunan?"

Wala akong naibigay kun'di isang palaisipan.

"Duwag ba ako, mahal? Duwag ba tayo?"

Hindi siya makapaniwala sa tanong ko, masyado raw 'tong seryoso. Minsan nga ay pinagdududahan niya na ako kung sa'n ba talaga ako galing at sa tuwing umuuwi ako'y iba ang dala ko.. hindi uod. Sa tuwing sinasabi kong binibisita ko ang aking dating tahanan at mabuting kaibigan ay hindi siya nakikinig.. hindi rin naniniwala.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon