Entry#7: Luha at Dugo ni Mia

1K 26 11
                                    

“Paano kaya mahuhugasan ng tubig ang sarili niya?” natatawang tanong ni Mia sa sarili habang nakaharap sa malaking salamin ng kwarto niya.

Matapos ang maikling halakhak na iyon, bigla naman siyang nakaramdam ng kakaibang sakit sa dibdib, tila may kumukurot. Nalukot ang mukha niya, puminta ang malungkot na ekspresyon. “P-paano nga ba… mahuhugasan ng tubig ang sarili niya?” tanong niya sa pagitan ng mga hikbi. Hindi niya alam kung bakit ‘yang mga salitang ‘yan ang laging lumalabas sa bibig niya. Iba-ibang mukha ngunit iisang linya ng mga salita ang paulit-ulit na binabanggit.

Napaupo siya sa sahig at isiniksik ang sarili sa kasuluk-sulukan ng kwarto. Iniangat niya ang mukhang tadtad ng hindi maintindihang ekspresyon. Minsan tatawa, minsan iiyak. Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ng kwartong kinulayan ng kulay tsokolate. May kalakihan ang silid. Nasa loob ang palikuran. May munting silid-aklatan sa gawing kanan. Nagkalat sa mesa ang mga librong binasa na niya nang paulit-ulit.

Lumingon siya sa kaliwa. Sa kama. Ang dating malungkot na mukha ay napalitan ng takot. Biglang nanindig ang balahibo niya. Ramdam niya ang panlalamig ng kalamnan. Nanginig ang buo niyang katawan.

Gusto niyang umatras sa pwesto niya ngunit wala na siyang maaatrasan. Nasa sulok siya.

Tumayo ang babaeng nakita niyang nakaupo sa kama. Duguan ito, nanlilisik ang mga mata, mahaba ang buhok at nakasuot ng puting bistida. Humakbang ito papunta sa direksiyon ng dalaga.

Habang papalapit na ito sa kanya, pinipilit pa rin niyang umatras pero isang matigas na pader lamang ang nakakapa niya.

“S-sino k-ka? U-umalis ka!” wika niya sa nanginginig na boses. Ibinagsak niya ang kamay sa sahig malapit sa kinauupuan niya. May nakapa siyang sapatos. Ibinato niya ito sa babaeng ngayo’y nasa harap na niya ngunit hindi niya ito naasinta.

“’Di kayang linisin ng tubig ang sarili niya… Mia,” pabulong na saad nito sa dalaga. Napapitlag siya nang binanggit nito ang pangalan niya. Bumilos ang tibok ng puso niya, tila mga kabayong nag-uunahan.

Isang hakbang nalang ang distansya nila sa isa’t isa kaya naman nanlaki ang mga mata niya nang muli nitong inihakbang ang mga binting duguan at tadtad ng sugat.

Dahan-dahan niyang inangat ang ulo dahilan para makita niya ang malademonyong ngiti nito sa kanya. Napayuko siya at ikinulong ang sarili sa mga nanginginig na braso.

“’Di kayang linisin ng tubig ang sarili niya,” pag-uulit nito sa sinabi kanina. Pabulong pa rin nitong winika ang mga salitang ‘yon. “Ganun din ang dugo…”

Tinakpan niya ang mga tenga gamit ang kamay para sana hindi marinig ang boses nitong nakakapagdulot ng kilabot sa buong sistema niya. Pumikit siya. Naramdaman niya ang panlalamig ng katawan sa gawing kaliwa. Iminulat niya ang mga mata. Tumambad sa kanya ang nakayukong babae habang nakadikit ang mukha sa kaliwang tenga niya. Nais niyang sumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa kanya. Pinikit niya nang mariin ang mga mata, nagbabakasakaling imahinasyon niya lang ang mga iyon.

“’Di malilinis ng dugo ang sarili niya… Mia!” sambit na naman nito sa pangalan ng dalaga. “Wala nang nagmamahal sa’yo. Wala nang tutulong. Kahit ang sarili mo’y sumuko na rin sa’yo. ‘Di mo kayang tulungan ang sarili mo. Halika, sumama ka sa’kin. Tutulungan kita…”

“T-tumigil ka!” sigaw niya habang kinukubli pa rin ang sarili sa kanyang mga braso.

Biglang pumayapa ang paligid. Nawala ang kakaibang aura. Bumalik sa normal ang ihip ng hangin.

Iminulat niya ang mga mata. Nawala sa harap niya ang babae. Napabuntong-hininga siya nang ilang beses pero nanginginig pa rin ang mga kamay at binti.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon