Entry#15: Gulong sa Bubong

431 10 7
                                    

Narinig ko ang masayang tawanan nila sa ibaba. Tuwang-tuwa sila dahil kasali nanaman sa Top 10 si Junjun, ang panganay ni Nardo, ngayong quarter sa highschool.

“Galing talaga ng anak ko!” pagmamalaki ni Nardo rito, halatang-halata sa boses ang pagka-proud. “Okay na ba ang siomai mamayang hapunan, ha?” dugtong niya.

Nagsihiyawan naman sa galak ang matitinis na boses ng mga bata niyang anak, ang kambal na si Mabel at Berna at ang sumunod sa panganay na si Kristine. Nakakatuwa talagang marinig na masaya silang pamilya. Tiyak malaki nanaman ang ngiti ng may-bahay na si Juliet, masiyahin pa naman ito. Hindi sila mayaman sa pera pero sa pagmamahalan, oo. Minsan pa nga, nagkukulang ang sweldo ni Nardo sa pagda-drive ng jeep ng kapitbahay naming si Tatay Vic. Kinakapos sila sa mga materyal na bagay dahil do'n. Kaya nga siguro nandito ako sa taas ngayon, ako ang kanilang gulong sa bubong. Ang nagpapabigat sa kinakalawang na bubungan ng maliit nilang barong-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping tarapal at maninipis na plywood 

Simula nang mapudpod ako, binenta na lang ako sa isang junkshop. Akala ko nga, susunugin na nila ako. O kaya ipagbibili para gawing pantawag-pansin sa customer sa mga Vulcanizing shop, pinturado ng salitang Vulcanizing  'di kalayuan sa mismong shop. Gano'n kasi ang nakikita ko sa mga ibang gulong no'ng nagbibiyahe pa ako. Buti talaga sa pamilya ako ni Nardo napunta, ang saya-saya na manatili sa kanila. 

Hindi ko na mabilang kung ilang taon na ako rito sa itaas. Pinagmamasdan ko lang ang pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, ang minsang may bituin o buwan at wala na kalangitan, at ang minsan ding galit na ulap kapag bumubugso ang ulan at hangin. Sa gano'ng pagkakataon ako kailangan ng pamilya ni Nardo. Kailangan kong maging matatag sa pamilya niya na tinuturing ko na ring pamilya.

Hindi naman ako malungkot dito sa itaas. Kung minsan, dinadalaw ako ng kaibigan kong si Ibong Maya. Naalala ko no'ng isang araw, tinanong nanaman niya ako.

"Weet! hindi mo ba namimiss makita ang kalsada? Weet! ang maglakbay?"

Ang totoo, gusto ko uli makagulong sa kalsada, mapagitna at makita ang malalaking gusali, makangiti sa mga kaibigan kong gulong, makipag-unahan sa mga sasakyan – nakaka-miss ngang maglakbay.

Ako ang taga-hatid ng mga tao sa kanilang destinasyon. Marami akong nao-obserbahan sa kanila, pero kadalasan nagmamadali ang mga tao kaya halos hindi na nila makita ang magagandang bagay sa kalsada. Na kahit puno man ito ng basura o nagsisikip dahil sa trapiko, makikita pa rin ang pagkabuhay nito mula sa mga ilaw sa poste, mga billboards, mga dekorasyon sa madadaanang kabahayan o gusali, at kahit simpleng maliliit na pagtulong ng tao sa kapwa nito na nakakalimutan ng ipagpasalamat ng iba. Lahat nagbibigay tuwa sa'kin. Pero hindi na rin naman ako makakabalik dahil pudpod na ako. Wala na akong silbi sa daanan.

Minsan, dinadalaw rin ako ni Mapayapang Hangin, ang isa ko pang kaibigan. Hindi ko man siya makita, ramdam ko na nandiyan siya palagi. Mas gusto ko nga siya kaysa do'n kay Bugsong Hangin. 'Pag gano'n kasi, nahihirapan ako lalo na ang pamilya ni Nardo. Ayoko pa naman ng nagkakagano’n sila.

Tulad ni kaibigang Maya, nagtatanong din si Mapayapang Hangin,

"Hmm… e, gulong, hindi mo ba gusto na maging kasing laya ko? Hmm… e, ako ay isang hangin, malayo ang nararating. Hmm… e, gulong, gumulong ka na! Hmm..."

Totoong gusto ko rin lumaya, magpakalayo-layo tulad ni Mapayapang Hangin. Siya kasi nakikita niya ang kabuuan ng mundo. Iba't ibang anggulo ng buhay ang napapansin. Iba’t ibang uri ng tao rin ang naapektuhan. Iba’t ibang karanasan ang meron siya at gusto ko rin maranasan 'yon. Pero hindi ko kayang umalis. Hindi–mali–ayokong umalis sa pamilya ko.

"Tatay, tara na!"

Si Mabel 'yon, mas matinis ang boses kaysa kay Kristine at Berna.

"Siomai! Siomai! Siomai!" Rinig kong pag-chant ng mga bata habang palakas nang palakas ang boses dahil lumabas na sila ng bahay.

Tumawa si Nardo. "Teka, sabi ng Nanay niyo, may bagyo raw na dadating. May aasikasuhin muna ako ha?"

Narinig ko ang pag-angil ng tatlo, pero tumawa rin naman agad. Nakakatuwa sila pakinggan. Mga inosenteng bata. Mga inosenteng buhay na puno ng saya. Na kahit may problema ang pamilya, hindi pa rin sila nagkakahiwa-hiwalay.

Halos pagabi na rin pala, nagkukulay orange na ang kalangitan. Parang hinawi ang ulap para masilayan ko ang ganda ng pamamaalam ng araw. Hindi nga ito ‘yong parang nakakalungkot, parang ito ay isang pag-asa. Na kahit mawala ang liwanag, may papalit naman dahil andiyan ang bituin o buwan mamaya. Ang kailangan lang, mag-intay. Parang sa nararamdaman ko sa pamilya na ito. Ito ay isang araw na puno ng pag-asa.

Narinig ko ang pagkalampag sa bubungan, may umakyat. Tiningnan ko ang direksyon kung sa’n nanggaling, si Nardo pala. Gano'n pa rin siya, may morenong balat, kapayatan ang katawan at hindi pa rin naahit na patubong balbas at bigote.  

Bakit kaya siya umakyat? Anong kailangan niya?

"Junjun, abot mo na 'yan sa'kin!" sigaw niya. Nakayuko si Nardo at tila may pilit kinukuha nga sa ibaba. Nang matapos, tumayo siya ng tuwid at nag-balanse para makapaglakad papunta sa’kin. "O, Mr. Gulong, may Mrs. Gulong ka na. Ayokong nalulungkot ka, e."

Tumawa siya uli at nilapag ang hawak sa bandang kanan ko. 

"Kayo nang bahala sa'min mamaya, ha." Ngumiti si Nardo, labi at naniningkit na mata. Binalik namin ang ngiti na 'yon. Kung alam lang ni Nardo na hindi na niya kailangan sabihin ‘yon dahil handa ako lagi para sa pamilya ko. 

Naalala ko tuloy no'ng minsang dumalaw sa'kin si Bugsong Hangin kasama pa ang kanyang bagong kaibigan na si Bagyong Glenda, dalawang buwan na ang nakakalipas. Gabing-gabi na no'n pero hindi pa rin siya nagpapa-awat sa kayabangan niya.

"Hooo! Gulong, kaya mo pa ba? Ang gulong, dapat nasa kalsada at hindi sa bubong! Hooo! Iwan mo na ang pamilya mo, nahihirapan ka na! Hooo! Gulong, tignan mo sila sa maliit na butas ng 'yong bubong, puno na ang mga palanggana nila."

Nang gabing 'yon, sinilip ko ang pamilya ni Nardo at totoo ngang puno na ang mga palanggana ng natulong tubig-ulan. Pero hindi nalingat sa paningin ko na sa likod ng nangyari, nakangiti pa rin sila. Tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Nardo no'n sa umiiyak na si Berna dahil sa lakas ng mga kulog.

"Bagyo lang 'yan. H'wag ka mag-alala, matatag kaya si Mr. Gulong sa taas, 'di tayo niyan papabayaan. Lalo na syempre ‘yong mas mataas sa kanya, si Papa God."

Nagbalik ang ulirat ko nang tapikin ako nang mahina ni Nardo sa tagiliran. Sumilay uli ang ngiti niya at tumayo na para umalis. Palayo siyang naglakad hanggang sa mawala na sa paningin ko ang puting t-shirt at kupas na pantalon.

Na-realized kona totoo ngang kahit anong mangyari, kaya kong mag-sakripisyo para sa pamilya ko. Totoo ngang kapag pinapahalagahan namin ang isa’t isa, ang maiisip ko lang ay matulungan at maging masaya sila. Na kahit naging patapon ako sa ibang tao, para sa pamilyang kumupkop sa’kin, kahit kailan ay hindi ako hahayaang mawala. 

Ang kasiyahan nila ay kasiyahan ko na rin.

Salamat, Nardo, dahil sa'yo nagkaro'n ako ng pamilyang katulad ninyo.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon