Entry#9: Sa Harap ng Lapida

409 13 5
                                    

Sa harap ng lapida, na halatang ilang araw pa lamang naroroon, na may bungkos ng lantang bulalak ng Abadillo, na may mga tuyong dahong nalaglag galing sa punong katabi nito, ika'y nakatayo, tiklop ang mga munting pakpak, nakatingin sa kawalan.

Banayad ang ihip ng hangin. Kay sarap pakinggan ang huni ng mga ibon sa tahimik na hapon. Payapa. Tulad ng maamong mukha ng iyong ina. Payapa. Na tila nahagip ng iyong paningin, lumilipad, kumakaway sa'yo. Parang nangungusap ang mga matang lapitan mo siya't yakapin. Busilak ang ngiti niya sa'yo. Parang noong nasilayan niya ang pagkatuto mong lumipad. Hindi ba't ipinagyabang ka pa niya noon sa mga kapwa mong munting gamu-gamo kahit ikaw ang pinakahuling natutong lumipad sa mga ka-edaran mo?

Unti-unting naglalaho sa iyong paningin ang kaniyang maamong mukha, tinatangay ng hangin tungo sa kawalan. Gusto mong habulin, hagkan at yakapin. Gusto mong sabihin ang mga bagay na hindi mo nasabi. Ngunit panghihinayang na lang ang tanging magagawa mo.

Umiihip ang hangin, tinatangay ang mga tuyong dahon, bumabalik ang mga gunita. Hindi ba't paborito mo noon ang maglaro sa mga tuyong dahon? Sinasabayan ang mga paggalaw nito sa ihip ng hangin hanggang sa ika'y mapagod. Hindi ba't agad ka niyang lalapitan sa oras na ika'y mahapo? Marahan niyang pupunasan ang pawis mo, hahaplusin ang mga pagod mong pakpak, at ihahanda ang paborito mong pulot.

Walang katumbas. 'Yan lang siguro ang dalawang salitang tutumbas sa pagmamahal na ibinigay sa iyo ng iyong ina.

Ngunit dumating ang panahong gusto mo nang takasan ang kamusmusan. Hindi na ako bata! Lagi mong sinasabi. Ayaw mo nang maglaro sa mga tuyong dahon. Pambata lang 'yon! Bulyaw mo pa sa iyong ina. Hindi na niya kailangamg punasan ang pawis mo. Hindi na kailangan dahil kaya mo na. Hindi na niya kailangan haplusin ang mga pakpak mo. Matatag na ang mga ito! Ayaw mo na ang pulot. Magpakalango sa katas ng ubas ang tanging gusto mo.

Lagi mong kasama ang mga kaibigan mo, kung saan-saan napapadpad, kung saan-saan nagsususuot. Hangad mo ang lumaya sa mundong ito, kumawala sa rehas ng pambatang pagmamahal ng iyong ina. Ngunit habang pinipilit mong talikuran ang kamusmusan, lalo mo lang pinatutunayang isa ka pa ring batang nangangailangan ng kalinga.

Huwag kang magpapagabi. Huwag lalayo. Kumain ka sa tamang oras. Mag-aral ng mabuti. Huwag kang lumiban sa klase. Huwag lumipad sa ulanan. Huwag lumapit sa apoy. Lahat na yata ng bilin ng iyong ina'y sinuway mo. Masaya, sabi mo. Ito ang buhay, ito ang kalayaan!

Ngunit ilang beses ka na nga bang lumagapak dahil sa pagsuway mo? Marami-rami na rin 'di ba?

Maraming beses mo na ring nakitang lumuha ang iyong ina dahil sa tigas ng ulo mo. Nakonsesya ka ba? Sa tuwing mapapaaway ka't uuwi nang sugatan, sa tuwing uuwi kang susuray-suray dahil sa pagkalango sa katas ng ubas, sa tuwing uuwi ka nang hating gabi mula sa ilang araw na pagkawala, inaabutan mo na lang siyang nakaupo sa isang sulok, namumugto ang mga mata.

Bakit mo pa kasi ako hinihintay? 'Yan ang lagi mong tanong. Hindi naman s'ya kikibo, ngingitian ka lang at ipaghahain ka ng pagkain. Maiinis ka naman dahil doon at sa isip-isip mo, nagpapaawa ba s'ya? Hindi mo kakainin ang inihain n'ya, at matutulog ka na lang nang may baong inis sa paghimbing.

Umiihip ang hangin, tinatangay ang mga tuyong dahon, bumabalik ang mga gunita. Hindi mo na hilig maglaro sa mga tuyong dahon. Ang gusto mo, lumapit sa apoy. Napakaganda ng liwanag ng apoy, ang ningas nito'y walang kasing angas. Ngunit napakapanganib nito. Maaari mong ikamatay ang paglapit dito. Ngunit kung mahahawakan mo ito, tataas ang tingin sa iyo ng mga kaibigan mo. Mapatutunayan mo ang tapang mo. Kaya sinubukan mo.

Isang gabi, pumuslit ka habang nahihimbing ang iyong ina. Sa tapat ng maliwanag na lampara nag-aabang ang mga kaibigan mo. Ito na ang oras para ipakita sa kanila ang tapang mo, sa pamamagitan ng paghawak sa apoy na wala pang kahit na sino ang nakakagawa. Bumuntong hininga ka, at inihanda na ang mga pakpak sa paglipad. Ngunit natigilan ka nang marinig mo sa gitna ng kantyawan ng iyong mga kaibigan ang boses ng iyong ina, tinatawag ang iyong pangalan.

Nakita mo s'ya sa 'di kalayuan, humahangos patungo sa'yo. Ibinaling mo sa lampara ang tingin, at mabilis na lumipad patungo sa apoy nito. Mabilis ding sumunod ang iyong ina patungo sa apoy para pigilan ka, ngunit hindi ka magpapapigil, kaya mas binilisan mo pa. Malapit mo nang mahawakan ang apoy, malapit ka na ring maabot ng iyong ina. Pilit niyang isinisigaw na huwag mong ituloy ang balak, kita mo sa mukha niya ang pagpupumilit na iligtas ka mula sa tiyak na kapahamakan.

Tumigil sa pag-ihip ang hangin, pati na rin ang paggalaw ng mga tuyong dahon. Natigilan ang mga gunita. Tila baldado ang sistema mo nang mamataan mo ang iyong ina, nakasuot ng puting seda, malungkot ang mukha, humahakbang papalapit sa iyo. Ilusyon lang ba 'to? Mukhang hindi. Totoong-totoo sa paningin mo ang iyong ina. Pagkakataon mo na ito para siya'y yakapin, ihingi ng tawad ang mga kasalanang ginawa. Ngunit hindi ka pa rin makagalaw, tila ayaw sundin ng katawan mo ang isinisigaw ng isip. Nakatayo ka pa rin habang s'ya nama'y papalapit sa'yo.

Huminto s'ya sa harapan mo nang hindi ka man lang tinitignan. Unti-unting nag-unahan ang mga patak ng luha sa kanyang mata. Walang kasinglungot ang kan'yang hitsura. Gaya noong nakaraang gabi, nang mabigo s'ya sa pagsagip sa kan'yang pinakamahal na anak. At kasabay ng mga 'di mapigil na paghikbi, inilagay na niya ang paborito mong bulaklak ng Abadillo sa harap ng lapida--sa harap ng lapida kung saan nakaukit ang iyong pangalan.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon