Entry#7: Ang Higad at ang Puno ng Sampalok

430 16 6
                                    

Sa isang malawak na bakuran, na natatamnan ng iba't-ibang namumungang punongkahoy ay umusbong ang isang 'di-pangkaraniwang pagkakaibigan sa pagitan ng higad at puno ng sampalok. Bagama't maraming tutol sa pagkakaibigang ito, lalo na sa panig ng mga puno, ay naging maayos naman ang samahan ng dalawang magkaibigan.

Isang araw, napansin ng higad na balisa at tila malungkot ang sampalok. Inusisa niya kung anong bumabagabag dito.

"Nag-aalala lang ako sa paparating na tag-ulan, kaibigang-higad," ang tugon ng sampalok. "Naglilitawan na ang aking mga ugat at ang ilan nga'y humiwalay na sa lupa. Nangangamba ako na baka sa paglakas ng pagpagaspas ng hangin sa susunod ay tuluyan na akong mabuwal."

Napaisip ang higad. Nais niyang tulungan ang kaibigan. Isang araw, inimbitahan niya ang kaniyang mga kaanak na magkanlong sa mga dahon at sanga ng kaibigang-sampalok. Bagama't nagtataka sa pagdagsa ng higad sa kaniyang mga sanga ay 'di nagreklamo ni gaputok ang sampalok. Natutuwa siyang makatulong sa kaibigan, maging sa mga kamag-anakan nito. Naisip niya na marahil 'di na rin siya magtatagal sa mundo at mas mabuting ilaan na lang ang natitirang sandali ng kaniyang buhay sa pagtulong sa iba.

'Di nga nagtagal, naubos ang mayabong na mga dahon ng sampalok, bunga ng walang tigil na kakangata ng mga higad sa mga dahon nito.

Nagalit ang ibang puno sa higad. Pinaratangan nila itong oportunista, manggagamit, at masamang kaibigan. Pinagtanggol ng sampalok ang kaibigang-higad mula sa kaniyang mga ka-uri, na ikinagalit naman ng huli.

Umirap ang bayabas at saka nagwika, "Ayaw mong makinig, kung ganoo'y wala kang maaasahang tulong mula sa amin sa oras na datnan ka ng sakuna." Sumang-ayon sa bayabas ang iba pang mga puno. Mula noon, hindi na nila kinausap, ni pinansin ang sampalok.

Unti-unting nanghina ang sampalok. Ni hindi ito nadamayan ng higad, na ng mga sandaling iyon ay isa nang pupa. Nakabalot na ang katawan nito, at sumasailalim sa isa na namang proseso ng pagbabagong-anyo.

Dumating ang malakas na bagyo. Nanalasa ang malakas na hangin. Maraming nabuwal na puno. Dumapa ang mangga, kaimito, at aratiles. Dahil sa lubhang paghihina ng katawan ay nawalan ng malay ang sampalok.

Kinabukasan, humupa rin ang poot ng langit. Laking-gulat ng sampalok nang matuklasang 'di siya nabuwal, at natuklasan niya ring marami na palang ligaw na halaman at damo ang tumubo sa palibot niya. May nakapulupot na ring baging sa kaniyang sanga. Pati kaniyang mga ugat ay pinamugaran na rin ng maliliit na organismo at mga kabute. 'Di niya napansin ang mga iyon noon, dahil mas nakatuon ang kaniyang mga mata sa kanyang paghihirap.

Ang pagkaubos pala ng kaniyang mga dahon ay may maganda ring naibunga. Nagsilbi iyong daan upang maabot ng sikat ng araw ang noo'y papatubo pa lang na ligaw na mga halaman at damo. At kung hindi marahil sa mga halaman at damong nasa paligid niya ngayon, malamang lumambot nang husto ang lupang kinatatamnan niya.

Nagpasalamat ang sampalok kay Bathala dahil sa kabutihan nito.

Hinanap niya ang kaibigang-higad. Ngunit 'di niya na ito nakita. Sa halip ay nakita niya ang paali-aligid na paruparo.

BOSS 2 | COMPILATION OF ENTRIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon