Kabanata 13

18.3K 577 135
                                    

Kabanata 13

Selos

"Syl, pasalubong ko, ha? Size 10 lang ako," biro ni Alan habang pinapanood naming nag-iimpake si Sylvester.

Mamayang hapon na kasi ang alis ni Sylvester at napagpasyahan nilang pumunta dito para mamaya ay maihatid namin siya mamaya. Kaniya-kaniya pa silang bilin ng mga gusto nilang ipabili kay Syl sa Maynila, e, hindi naman siya pupunta sa ibang bansa.

"One week lang ako sa Maynila. Don't talk as if I'll stay there for years," seryosong sabi ni Sylvester kaya natawa sila.

Nakatingin lang ako sa kaniya nang matapos siyang mag-impake. Nasa sala na kami ngayon at may mga ginagawa sila sa mga hawak nilang phone.

"Wala nga palang Facebook si Neptune," ani Felly kaya napatingin silang lahat sa akin kahit si Sylvester.

"Kailangan ba 'yon?" tanong ko pa, naguguluhan.

"Oo, para pwede ka naming i-add tapos isasali ka rin namin sa group chat. At 'tsaka uso na ang Facebook ngayon, Nep. Ikaw na lang yata ang wala," ani Emma.

Binasa ko ang aking ibabang labi gamit ang dila. Hindi ako nakasagot sa kanila dahil hindi ko naman alam 'yong Facebook na sinasabi nila sa akin. Kung gagawa man ako, baka sila lang din ang maging kaibigan ko ro'n.

Tumayo ako para lumabas saglit. Nagpaalam na rin ako sa kanila at mukha namang ayos lang din sa kanila dahil abala sila sa mga ginagawa nila. May wifi kasi ang mansion nila Sylvester kaya tuwang-tuwa ang mga kaibigan namin.

Pumunta ako malapit sa dagat at umupo sa gilid no'n, sakto lang para hindi ako maabot ng tubig. Pinaglaruan ko ang mga buhangin sa gilid ko habang nakatingin sa malayo.

Pinagmamasdan ko ang kalmadong dagat na nakikisabay sa masarap na simoy ng hangin. Pumikit ako at niyakap ang aking dalawang tuhod. Dinama kong mabuti ang haplos ng hangin sa aking balat habang bumabalot sa aking ilong ang humahalimuyak na amoy tubig alat galing sa karagatan.

Aalis na si Sylvester. Iniisip ko pa lang ay parang nalulungkot na ako. Napalapit na rin kasi ako kay Sylvester at may mga sikreto akong alam niya. May mga bagay tungkol sa akin na sa kaniya ko lang nasasabi lalo na kapag dating kay Atheo.

Naalala ko noong isang beses na nagkasama kami sa palengke. Galing ako noon sa bahay at umalis lang ako dahil sa nagalit sa akin si Nanay. Wala kasi akong perang naibigay kaya galit na galit siya.

"Namumutla ka," ani Sylvester habang nakatukod ang siko sa katabing mesa malapit sa akin

Hindi ako sumagot at itinali na lang ang buhok ko para hindi humarang o tumama sa mukha ko.

"Sasabihin mo ba kay Atheo na ginaganiyan ka ng magulang mo?" bigla niyang sabi sa akin.

Ngumuso ako at umiling. "Mag-aalala 'yon, Syl. Ayoko namang mag-alala siya sa akin,"

Tumaas ang kaniyang kilay. "It's only normal to care for your girlfriend, Neptune."

"Ayoko pa rin," may kumpiyansa kong sagot.

Lagi niya akong kinakamusta kahit pa noon. Seryoso siya lagi pero tinatanong niya ako kung ayos lang ba ang pakiramdam ko, kung may gusto ba akong gawin, at marami pa. Nakatulong lang din ang pagtawag-tawag sa kaniya ni Atheo kaya naging malapit kaming dalawa.

Napadilat ang aking mga mata nang maramdaman kong may umupo sa aking tabi. Nang nilingon ko iyon ay si Sylvester ang nakita ko. Nakatitig lang din siya sa karagatan ngunit ako ay siya na ang tinititigan.

"Gustong-gusto mo talaga akong tinitignan, 'no?" natatawang sabi niya bago niya ako nilingon.

Ako naman ang umiwas ng tingin sa kaniya dahil mabilis ang naging epekto nito sa dibdib ko. Nagwawala na naman at pabilis nang pabilis ang kabog nito. Dumagdag pa ang mga kulisap aa aking sikmura na nagpapaikot-ikot sa loob nito.

Lionhearted Planet (Ellington Series #4) (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon