ILYSB

622 38 6
                                    

Unang dumating si Chandria ngunit agad din siyang nasundan ni Daniel. Lakad-takbo ang ginawa ng dalawa papunta sa clinic ng school ni Aliyah. Hindi nila alintana ang malakas na tunog na kanilang sapatos at heels sa tahimik na hallway. Magkasabay ang paghakbang ng kanilang paa.

Si Chandria ang unang pumasok nang marating nila ang school clinic. Sumalubong sa kanyang paningin ang nag-aalalang mukha ng nurse. Ngunit ang ekspresyong iyon ay agad na napalitan ng pagkamangha nang pumasok si Daniel sa silid.

"G-good morning po." nauutal nitong bati. Nakatutok pa rin ang mata ng nurse sa binata. "Kayo po ba ang guardian ni Aliyah?"

Isang tango ang naging tugon ni Daniel, "We are."

Tumakas ang mahinang singhap sa labi ni Chandria nang maramdaman ang paglapat ng palad ni Daniel sa kanyang beywang. Marahan iyong pinisil ng binata. Nakaramdam siya ng kaunting hiya nang dumako ang tingin ng nurse doon.

"Daniel, ano ba! Umayos ka." pagalit niyang bulong.

Sinamaan niya ng tingin ang binata sa kanyang gilid. Pasimple niyang kinurot ang braso ni Daniel upang matanggal ang hawak nito. Pero hindi iyon nakaapekto sa binata.

Pumeke siya ng ngiti bago bumaling sa nurse. "Miss, ako iyong nakausap mo kanina. Susunduin na namin si Aliyah. Asan na nga ba siya?"

"Naroon po siya," sagot ng nurse habang tinuturo ang nakasaradong pinto na may nakadikit na Good Eyesight Chart. "Pinagpahinga ko muna siya."

Humakbang sila palapit doon. Ang nurse na mismo ang nagbukas ng pinto. Si Daniel ang unang pumasok at sumunod naman si Chandria. Bumungad sa kanya ang maliit na silid na may puting dingding. May dalawang clinic beds na napagitnaan ng privacy screen.

Nakahiga si Aliyah sa kaliwa. Nakapikit ang mata nito at maputla ang labi. Agad silang nagpunta sa tabi ng kapatid ni Daniel. Nanatili naman ang nurse sa paanan nito.

"Natutulog pa si Aliyah." Hinaplos niya ang buhok ng bata bago bumaling ang tingin kay Daniel. "Gigisingin ba natin siya maghihintay na lang muna tayo?"

"Gisingin na lang natin siya para madala agad sa hospital." sambit ni Daniel habang seryosong tinitigan ang mukha ni Aliyah.

"Okay lang po ba, Miss?" paghingi niya ng permiso sa nurse.

"Kung ako po ang tatanungin niyo, Ma'am, mas mabuti po kung hihintayin niyo na lang na magising ang bata."

Napahinga siya nang malalim at marahang tumango. Bumalik ang tingin niya kay Daniel. "May kailangan ka bang gagawin ngayon? Ako na lang muna ang magbabantay kay Aliyah kung may appointment ka pa."

Tumikhim lamang ito at naupo na sa stool na nasa gilid nito. "I'm staying here."

Nagkibit-balikat na lamang si Chandria at marahang hinaplos ang braso ni Aliyah. Mainit ang balat nito ngunit hindi naman gaanong nakakapaso. Napatingin siya sa nurse nang tawagin siya nito at nagpaalam na lalabas na.

Ilang minuto rin silang nanatili ni Daniel sa loob. Pareho silang tahimik habang pinagmamasdan ang matamlay na mukha ni Aliyah. Paminsan-minsan ay nakikita niya itong nagnanakaw ng sulyap pero hindi iyon lubusang pinansin. Ang konsentrasyon niya ngayon ay nasa kapatid nito.

Napabuga siya ng malalim na hininga nang makita ang unti-unting pagbuka ng mga mata ni Aliyah. Namumula ito noong una pero nang makita siya'y kumislap iyon agad. Pinilit nitong bumangon kaya agad niyang sinuportahan ang likod nito.

"Ate Chandria..." Halata ang panghihina ng boses nito. "You are here."

Biglang namuo ang pagtataka sa isipan ni Chandria nang mapansin ang pag-iwas ni Aliyah sa kuya nito. Nakitaan niya ng tampo ang mata ng bata nang masulyapan si Daniel. Agad itong umiwas ng tingin at hindi man lang binati ang kapatid nito.

The Bitchesa's DownfallTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon